Sa Sobrang Pagkahumaling sa Makamundong Bagay ay Nawalan ng Paningin ang Binata; Sa Kanyang Pagkabulag ay Doon Pala Niya Matutunghayan ang Pagkilos ng Kamay ng Diyos sa Kanyang Buhay
Madalas nating maririnig mula sa ibang tao ang mga salitang “napakaikli lang ng buhay, kaya lahat ng bagay na makapagpapasaya sa’yo ay gawin mo na.” Live your life to the fullest, ika nga. Pero sa kaso ni Anton, tila ba napasobra ang kanyang pagliliwaliw sa buhay.
Lumaki si Anton sa isang relihiyosong pamilya. Pinakalaki siya sa Kristiyanong pamamaraan na simple lamang at masaya. Pero habang lumalaki at nagkakaedad ay napasama siya sa maling mga kaibigan.
Natutunan ni Anton ang manigarilyo, uminom ng alak at magliwaliw sa mga party sa bar at club na kanilang parating pinupuntahan. Hindi na niya namamalayan na unti-unti na palang nasisira ang kanyang pag-aaral at buhay. Dahil dito, nasira rin ang tiwala na ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang.
Tila ba naging isang malaking daang kurba-kurba ang direksyon na kanyang tinatahak sa buhay. Sa paglipas ng mga panahon, nagsimula nang maningil ang malupit na tadhana. Dahil sa pagbubulakbol, sa edad na dalampu’t siyam na siya nang makatapos sa kolehiyo.
Akala niya ay tapos na ang lahat nang malagpasan ang pagsubok na kinaharap, pero hindi pa pala. May mas matinding paniningil pa ang tadhana palang magaganap.
Taong 2016, matapos siyang makagradweyt ng kolehiyo, itinakbo siya sa ospital dahil sa isang malalang karamdaman. Halos nag-agaw buhay siya ng mga oras na iyon.
“Mukhang malabo nang makaligtas pa po ang pasyente. Komatos na po siya ngayon at sa aking tantya ay hindi na aabot pa ng dalawang buwan ang kanyang ilalagi sa mundo,” paliwanag ng doktor sa pamilya ni Anton.
Nagkaroon ng napakadaming komplikasyon ang kanyang pangangatwan. Tanging mga gamit sa ospital at mga gamot na itinuturok na lamang sa kanya ang tanging bumubuhay sa walang malay niyang katawan.
Halos mawalan na ng pag-asa ang mga kapatid, magulang, pati na rin ang ilang kaibigan at kamag-anak na muli pang masisilayan ang muling pag gising ni Anton, subalit isang araw, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay gumalaw at muling nagmulat ang binata na nakaratay sa higaan. Pero sa pagkakataong ito, takot ang bumalot sa kanyang katawan nang mapagtantong wala na ang kanyang paningin.
Hindi maipaliwanag ng mga doktor ang maaring naging dahilan ng pagkawala ng paningin ng binata. Maaring dahilan daw dito ay ang matinding karamdaman na dumapo sa kanya.
Kasabay ng pagkawala ng kanyang paningin ay siya rin namang pagkawala ng naisin niyang mabuhay pa. Nilamon si Anton ng matinding kalungkutan, subalit sa mga panahong iyon pala gagalaw ang kamay ng Diyos sa kanyang buhay.
Habang nagpapagaling sa ospital ay madalas siyang managinip ng kung anu-ano. Mga panaginip na nakakatakot at tila ba totoong nangyayari sa kanya. Madalas din niyang makita sa panaginip ang mga kamag-anak niyang matagal nang pumanaw.
Napapanaginipan niya dumaraan siya sa napakaraming pinto na tila ba wala nang hangganan. Gustong-gusto niyang makalabas sa lugar na iyon subalit parang walang humpay na pintuan na ang bumubungad sa kanya.
Nang makalusot siya sa huling pintuan ay may isang malaki at mabangis na lalaki ang nag-aabang pala sa kanya. Sinubukan niyang iwasan sana pero kahit anong gawin niya ay tila ba nasusundan siya nito. Sinubukan niyang tumakbo pa sana subalit para bang may kung anong mabigat sa kanyang paa at hindi niya magawang ihakbang ito ng malalaki.
Ramdam na ramdam niya ang galit ng misteryosong lalaki na may mga nanlilisik sa mata. Nagsimula na siyang mag-panic habang habol-habol ang kanyang hininga. Tila ba kahit anong takbo niya ay maabutan at maabutan pa rin siya ng nakakatakot na nilalang. Pero isang pangalan ang nagliwanag sa kanyang isipan, ang pangalan ng ating Panginoong Hesus.
“In Jesus name! In Jesus name!” sigaw ni Anton, “Panginoon ko, tulungan Ninyo po akong makaligtas dito, pangako ko na aking ibibigay ang buong puso ko sa paglilingkod Sayo, maaring ialis Mo lamang ako sa nakakatakot na sitwasyong ito,” taimtim na panagalangin ng binata.
Nang mabigkas niya ang panalangin, unti-unting lumuwag ang kanyang paghinga. Naramdaman niya na nawala na ang kabigatan sa kanyang mga paa at para bang bulang naglaho na lamang ang lalaking humahabol sa kanya sa kanyang panaginip.
Kinaumagahan ay ikinuwento niya sa kanyang mga kapatid and nangyari sa kanya sa ospital. May kaunting takot pa rin siyang nadarama subalit sa tuwing uusalin niya ang pangalan ni Hesus ay may kung anung lakas at tapang siyang nadarama.
“Sa ilang buwan mo na pagiging comatose, tanging ikaw lamang ang nakaligtas at nabuhay sa ICU. Karamihan kasi ng kasabayan mo ay mga pumanaw na.
Nagtataka nga ang mga doktor dahil naka-recover ka pa, gayong malala na talaga ang iyong kalagayan noon,” paliwanag ng ate ni Anton.
“Ganoon ba? Anu nga kaya ang plano ng Diyos sa buhay ko at pinahintulutan niyang mabuhay pa ako ngayon,” naguguluhang tanong din naman ng binata.
Sa huling pagsusuri sa kanyang katawan ay nakitang tuluyan na siyang gumaling sa karamdaman. Walang bahid ng kahit anong sakit na noo’y dumapo sa kanya, tanging paningin na lamang ang naiwang problema sa kanya.
Nang umaga ring iyon, niyaya siya ng kanyang kapatid upang magsimba at ipagpasalamat ang kanyang biglaang pag galing. May kung anung nag-udyok kay Anton na sumama upang makinig ng salita ng Diyos.
Kahit na tuluyang gumaling mula sa karamdaman, nagpatuloy ang binata sa pagsisimba at pananalangin. Sa tulong ng mga kapatiran sa simbahan ay unti-unting nabubuksan ang puso at isipan ni Anton sa tunay na kadakilaan ng Poong Maykapal.
Sa paglalim niya sa pananampataya ay siya din namang pagbabalik ng kanyang paningin. Matapos ang araw na tanggapin niya ng buong puso ang tagapagligtas natin na si Hesus, nagkaroon bigla ng kalinawan ang kanyang mga matang kaytagal na nabulag ng kadiliman.
Labis ang kanyang pasasalamat sa pangalawang buhay at pagkakataon na ipinagkaloob sa kanya. Isang milagrong kailanma’y hindi maipaliwanag ng siyensiya na siyang pinagtitibay naman ng pananampalataya.
Nawala man saglit ang kanyang paningin, mas lalo naman naging malinaw ang pananaw niya sa buhay lalo na nang matutunan niya ang pagbabahagi ng salita at magandang balita ng Diyos.
Sa ngayon ay isa nang lingkod ng simbahan si Anton. Kaunting panahon pa ang makakamtan na rin niya ang pangarap na maging isang pastor at ibihagi sa buong mundo ang milagro na bumago at nasaksihan niya sa kanyang buhay.
Natutunan niyang napakaraming pintuan pala ang buhay na maaari nating pasukan. Mayroong pinto ng kapahamakan at pinto ng kaligtasan. Mayroon din pinto patungo sa daan na inihanda sa atin ng Diyos at mayroon din namang daan na mahirap at pakurba-kurba.
May kakayanan tayong pumili ng ating kahihinatnan at ng ating magiging kapalaran, ngunit sa panahong madarama natin na tayo ay maliligaw, tanging ang kamay ng Diyos na mahabagin ang aakay sa atin patungo sa tamang daan.