Dala ng Awa ay Binili ng Lalaki ang Tindang Paso ng Matanda, Ikinagulat Niya ang mga Biyayang Natanggap nang Dahil sa Pagtulong Niya
Pauwi na si Jojo mula sa kanyang trabaho nang makita niya ang isang matanda na naglalako ng mga paso ng halaman sa kainitan ng araw. Agad lumambot ang kanyang puso dahil naalala niya ang kanyang ama’t inang yumao na na ang dating trabaho ay ang paglalako rin ng kung ano-ano sa kalsada.
Pansin niya sa matanda na mukha na itong nagugutom at nanghihina. Alam niyang bibihira na rin kasi ang mga tao na bumibili ng paso sa panahon ngayon. Kaya naman sinilip niya ang kanyang wallet upang tingnan kung kakayanin pa niyang makabili nito.
“Tatay? Magkano ho iyang paso?” tanong niya sa matanda.
“Heto ba? Hijo, P150.00 ito, pero dahil ikaw ang buena mano ko sa mahigit dalawang araw, P100.00 na lamang,” nakangiting sagot ng uugod-ugod na matanda.
Nakita ni Jojo na isang daang piso na lamang ang laman ng wallet niya. Dalawang araw pa ang kanyang hihintayin bago dumating ang araw ng sahod. Ngunit kahit anong pagpipigil niya sa sarili, nais niyang makatulong sa matanda.
“At least ako may inaabangan akong sweldo. Isa pa, may mga de lata naman kami sa bahay. Dalawang araw na lang naman. E etong si tatay? Sige na nga, bibilhin ko na,” bulong niya sa sarili.
“Sige tay, isa po. Salamat sa discount ha! Magpahinga po muna kayo. At kumain din kayo dahil para bang nagugutom na kayo,” bilin niya sa matanda.
“Sige, hijo. Maraming salamat ha? Pagpapalain ka dahil sa kabutihang ipinapakita mo,” nakangiting sagot ng matanda sabay abot sa kanya ng paso.
Nang makauwi si Jojo, agad siyang sinalubong ng nagmamaktol na asawang si Sherness.
“Jojo! Bigyan mo nga muna ako ng pambili ng sabon ko sa mukha. Naubos na e!” anito.
“Nako, hon. Pasensiya na. Walang-wala na talaga ako. ‘Wag kang mag-alala, bibilhan agad kita sa sahod ko,” sagot nito.
“Sa sahod?! Dalawang araw pa ‘yon e. Kahit sachet lang muna. Bente pesos lang ‘yon,” ani Sherness.
Inis na inis ang babae nang ipagpilitan ni Jojo na wala na siyang pera. Ikinwento rin nito kung saan napunta ang natitirang isang daang piso sa wallet niya kanina.
“Tingnan mo! Pinairal mo na naman ‘yang kalambutan mo! Ang dami daming naglalako sa kalsada, tapos maaawa ka? Ganoon talaga ang buhay! Tapos ngayon ako ang papahirapan mo!” sigaw nito sabay talikod kay Jojo.
“At isa pa, wala nang bigas! Nagsaing ako kanina pero natutong! Kaya ayang paso na binili mo? Hala sige, iyan ang kainin mo!” pang-aasar na dugtong nito.
Napakamot na lamang ng ulo ang lalaki. Gayunpaman, wala siya ni isang bakas ng pagsisisi na tumulong siya kanina sa matandang lalaki. Inilapag na lamang niya ang paso sa harapan ng kanilang tahanan.
Kinagabihan, nagulat si Jojo nang biglang bumisita ang pinsan niyang si Nestor sa kanilang bahay. Agad nitong napansin ang paso na nakalagay sa labas ng kanilang bahay.
“Aba! Sosyal ka ah? Paano ka nakabili niyan?!” bungad na bati ni Nestor kay Jojo.
“Ang alin? Ano ka ba, isang daan lang ang bili ko diyan. Binili ko lang doon sa lolo na naglalako kanina. Naalala ko kasi si inang at amang sa kanya e,” sagot nito.
Nanlaki ang mga mata ni Nestor.
“ANO KA BA?! Hindi mo pala alam? E milyon milyon kaya ang halaga niyan! Napag-aralan ko kasi ‘yan sa eskwela!” sagot nito.
Agad niyaya ni Nestor ang pinsan sa kakilalang tumitingin ng mga antigong gamit. Nang suriin, nanlaki rin ang mga mata nito.
“Diyos ko, hijo! Galing pa sa Qing Dynasty ang vase na ito. Sa ngayon, nagkakahalaga ‘yan ng halos P30,000,000!” anito.
Hindi makapaniwala si Jojo sa kanyang narinig. Kinabukasan ay agad na nagtungo sa mga pinakasikat na tiga-suri ang magpinsan. At napatunayan ngang tama ang sinasabi ng lalaki. Ang vase na iyon pala ay isa sa mga pinakalumang vase sa buong mundo. Nagkakahalaga pala iyon ng tumataginting na P50,000,000.
Sa alok ng isang sikat na museum, ipinagbili niya iyon sa ganoong halaga. Gamit ang perang iyon, mabilis na guminhawa ang buhay ng lalaki. Ngunit hindi doon nagtapos ang istorya niya. Dahil ginamit niya rin ang perang iyon upang tumulong pang lalo sa mas nangangailangan. Madalas ay magpakain ito sa mga taong nakatira sa kalsada, nagpaaral ito ng mga batang pulubi, at madalas namimigay ng libreng mga pang-araw-araw na pangangailangan sa mga palaboy.
Lagi rin niyang inaabangan ang matandang lalaki na nagbili sa kanya ng paso na iyon. Nais niya kasing pabahagian ito ng kanyang yaman. Ngunit kahit anong hanap niya’y hindi na niya kailanman ito natagpuan.
“Kung sino ka man, maraming salamat,” bulong ni Jojo habang nakatingin sa langit.