Inday TrendingInday Trending
Laking Panlulumo ng Lalaki nang Matuklasang Pinikot Lamang Siya ng Kanyang Misis, Isang Malaking Pasabog ang Ganti Niya Rito

Laking Panlulumo ng Lalaki nang Matuklasang Pinikot Lamang Siya ng Kanyang Misis, Isang Malaking Pasabog ang Ganti Niya Rito

“Jaymar! Buntis ako. Panagutan mo ito, kung hindi ay lagot ka sa tatay kong sundalo,” bunyag ni Evelyn kay Jaymar.

Mahigit isang taon nang magkasintahan ang dalawa, ngunit nitong mga nakakaraang araw ay napapadalas ang awayan nila. Paano ba naman kasi ay lumalabas na ang mga nakakainis na pag-uugali ng babae. Napaka-selosa nito nang wala sa tama, mainitin ang ulo kahit sa simpleng mga bagay na nakakalimutang gawin ni Jaymar, at madalas ay walang galang ito kung kausapin ang mga magulang at kamag-anak ng nobyo.

Katunayan, noong isang araw lamang ay nakipaghiwalay na si Jaymar sa dalaga. Kaya naman halos magunaw ang kanyang mundo nang marinig ang sinabi ng dalaga.

“Ha? Buntis ka? E ‘di ba wala nang nangyayari sa atin noong mga nakaraang buwan? Paanong nangyari iyon? Baka hindi sa akin ang bata,” sagot ng binata.

“Nakalimutan mo na ba? Noong gabing uminom tayo ng mga kaibigan ko. Sa amin ka natulog noon. Baka nga nakalimutan mo na, lasing na lasing ka noon,” sagot ni Evelyn.

Wala nang nagawa si Jaymar. Bukod sa takot sa ama ni Evelyn, ayaw rin niyang lumaki ang bata na walang kinikilalang ama. Kahit pa halos wala na siyang natitirang pagmamahal sa babae, at kahit labis ang pagtutol ng kanyang ama’t ina, ay pinili niya itong pakasalan para sa kapakanan ng kanilang magiging supling.

Matapos ang kanilang kasal, nagsama na ang dalawa sa loob ng isang maliit na paupahang bahay sa Maynila. Doon kasi ang trabaho ni Jaymar kaya’t doon nila napiling manirahan. Ngunit sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lalong patindi nang patindi ang masamang ugali ng babae.

“Jaymar! Gising! Hoy!” sigaw ni Evelyn alas tres ng madaling araw habang niyuyugyog ang natutulog na asawa.

“O bakit? ‘Wag ka namang manipa sa mukha kapag natutulog ‘yong tao,” sagot ng lalaki habang pilit ibinabangon ang pagod na katawan sa kama.

“Makati ang likod ko. Kamutin mo, bilis! Tang*na kasi e. Hindi ba, sinabi ko sa’yo na gusto ko e araw-araw na bago ang kobre kama natin?!” bulyaw nito sa asawa.

Dahil likas na mabait at pasensyoso ang lalaki, kamot ulo niyang sinunod ang mga ipinag-utos ng misis niya. Pilit na lamang din niyang kinukumbinsi ang sarili na baka kaya nagkakaganoon si Evelyn ay dahil buntis ito. Na sa oras na makapanganak na ito, kahit papaano’y maiibsan ang masamang pag-uugali nito.

Lumipas ang anim pang buwan, at naisilang na sa mundo ang ipinagbubuntis ni Evelyn. Tuwang-tuwa naman si Jaymar nang masilayan ang mukha ng bata. Ngunit taliwas sa inaasahan ni Jaymar, mas lalo pang tumindi ang pag-uugali ni Evelyn.

Isang araw, dumalaw ang mga magulang ni Jaymar sa kanilang bahay upang masilayan na rin ang kanilang unang apo. Kitang-kita sa mukha ng dalawa ang pagtataka nang makita nila ang bata.

“Bakit, ma? May problema po ba?” tanong ni Jaymar sa nanay niyang si Rosita.

“Anak, sigurado ka bang sa’yo ang batang ‘yan? Aba’y wala ni isang bakas ng lahi natin ang nakikita ko kay baby e. Hindi mo kamukha,” sabad ng ama niyang si Roberto.

“At alam mo ba? Hindi ko ramdam ang lukso ng dugo sa batang iyan,” sagot ni Rosita.

Nagkakatinginan ang tatlo na tila ba napapaisip, nang biglang sumigaw si Evelyn dala-dala ang sandok na galing sa kanilang kusina.

“Ano kamo?! May ibig ba kayong ipahiwatig? Aba! Ngayon na nga lang kayo pumunta rito, tapos aalipustahin niyo pa ang anak namin? Lumayas nga kayo rito!” sigaw ni Evelyn na tila umaambang ihahagis ang sandok sa mga magulang ng asawa niya.

Dahil ayaw ni Nanay Rosita at Tatay Roberto na magka-pisikalan, dali-dali na lamang silang lumabas ng bahay ng kanilang anak.

“Bakit mo naman ginanoon ang mga magulang ko? Evelyn! Nakakabastos ka na!” sigaw ni Jaymar.

“Aba naman talaga! Sila pa ang ipagtatanggol mo? Tang*na! Iba ka talaga!” matapang na sagot ni Evelyn.

Tulad ng dati, hindi na lamang kumibo si Jaymar upang hindi na humaba pa ang away. Ngunit sa panahong iyon, minabuti niyang siguraduhin ang kutob niya. Kinabukasan ay maaga siyang umalis kasama ang sanggol, at diretsong pumunta sa bahay ng kanyang mga magulang.

Dumiretso ang tatlo dala ang sanggol sa pinakamalapit na ospital. Napagdesisyunan nilang isailalim sa DNA testing ang bata upang matukoy kung si Jaymar nga ang tunay nitong ama.

Mabilis na natapos ang pagsusulit, at napatunayan ngang hindi si Jaymar ang ama ng bata. Nagpuyos ang damdamin ni Jaymar sa galit kay Evelyn dahil hindi niya lubos maisip na napikot at naloko lamang siya ng babaeng ito. Dumiretso ang tatlo kasama ang bata pauwi sa bahay nila. Doon nila naabutan si Evelyn na gigil na gigil na nakaabang sa pintuan ng kanilang apartment.

“Aber, saan ka nanggaling?! Hindi ka man lang nagsabi! At kasama mo pa ang mga asungot na ‘yan ha?” sigaw ni Evelyn. Natigilan siya nang isampal sa kanya ng ina ni Jaymar ang mga papeles na hawak nito.

“Ang kapal ng mukha mong babae ka! Lubos mong pinahirapan ang anak ko, tapos hindi naman pala siya ang tunay na ama ng bata! Wala kang kasing sama!” gigil na sabi ni Nanay Rosita sa babae.

Ngunit dahil may delikadesa ito, kahit pa galit na galit siya kay Evelyn ay hindi niya nagawang kantiin ito. Alam kasi niyang may alas siya na maipangtatapat sa babae.

“Ano naman? May magagawa ka pa ba? Kasal na kami ng anak mo, at wala pang divorce dito sa Pilipinas! Magtiis kayong lahat!” matapang at makapal na mukhang sagot ni Evelyn.

Nagkatinginan ang mga magulang ni Jaymar.

“Panahon na siguro para malaman mo, Jaymar. Pineke lamang namin ang kasal ninyo. Dahil may kutob na kaming maaaring mangyari ito. Sana’y mapatawad mo kami,” ani Nanay Rosita kay Jaymar.

“Mapatawad? Mama naman! MARAMING SALAMAT!” natatawa pang sagot ng lalaki.

Nanlambot ang kaninang matigas na matigas na si Evelyn. Hindi niya lubos akalain na siya pa pala ang naloko sa huli. Dala ng labis na pagkapahiya at pagkatalo, dali-dali itong tumakbo palabas ng bahay.

Napagdesisyunan ni Jaymar na angkinin na lamang ang kustodiya ng bata. Kahit pa hindi niya iyon kadugo, at bunga pa iyon ng makasalanang babae na nanggulo sa buhay niya, ay mas pinili niyang ituring itong sariling kanya dala ng awa sa bata. Alam kasi niyang mapapabayaan lamang ito ni Evelyn kung sakaling bumalik pa ito.

Ngunit magmula ng araw na iyon, hindi na nagpakita at nanggulo pa si Evelyn. Naging masayang-masaya naman si Jaymar sa mga nangyari nitong mga nakakaraang araw. Para siyang nabunutan ng napakalaking tinik nang mawala na ang babaeng nagpahirap sa kanya ng ilang taon.

Ipinangako niya sa sarili na kailanma’y hinding-hindi na magpapaloko pa, at ipinangako naman niya sa batang ngayo’y itinuturing niya nang sariling anak, na hinding-hindi niya ito pababayaan at palalakihin ng maayos at masagana. Naniniwala kasi siyang kahit gaano pa kasama si Evelyn, walang kasalanan ang bata sa kahit anumang ginawa ng kanyang ina.

Advertisement