
Pinalayas ang Binata ng Kaniyang Ama Dahil Hindi Nito Matanggap ang Anak, Ang Trahedyang Ito Pala ang Simula ng Kaniyang Kaligayahan
“Ano ba?! Pwede ba huwag kang paharang-harang dito sa bahay?! Dun ka sa kwarto mo at ayaw kong makita ‘yang pagmumukha mo!” sigaw ng tatay ni Gino sa kaniya.
“Pasensiya na po ‘tay. Hindi ko naman po sinasadya eh,” nakatungo at naluluhang paghingi ng paumanhin ng binata sa ama.
“Ano ba?! Hindi ba sabi ko sa’yo huwag kang lalamya-lamya. Ayusin mo ang tindig mo kapag naglalakad ka! Tandaan mong wala akong anak na binabae! Manang-mana ka sa nanay mong p*kpok!” Galit na sigaw ng ama niya. Umayos naman agad ng tindig si Gino at mabilis na nagtungo sa sariling kwarto. Mahirap na at baka mag-init na naman ang mga kamao ng tatay niya at malintikan na naman ang katawan niya.
Nang makapasok sa kwarto niya ay hindi na napigilan pa ni Gino ang kaniyang mga luha. Parati niya namang naririnig ang mga salitang iyon pero hindi niya pa ring mapigilang masaktan. Alam niya naman kasing walang pagmamahal sa kaniya ang ama.
Anak lamang siya sa labas ng kaniyang ama. Gaya nga ng sabi ng lalaki ay isang bayarang babae ang kaniyang ina. Pagkapanganak sa kaniya ay iniwan na lamang siya ng kaniyang ina sa labas ng bahay ng kaniyang ama.
Isang sundalo rin ang kaniyang ama kaya naman hindi nakapagtatakang hindi siya nito tanggap. Hindi niya naman siguro kasalanan kung may pusong babae siya, hindi niya rin naman kasi ginusto ang sariling kasarian. Kung siya ang papapiliin ay siyempre mas pipiliin niya ang magpakalalaki gaya nang gusto ng ama pero hindi niya talaga magawa eh. Buong pagkatao niya ay isinusuka ng sarili niyang ama.
Kung siguro ay wala nang araw na ‘yun ang kaniyang lola ay malamang nasa isang bahay-ampunan na siya pinulot. Dahil sa kaniya ay iniwan ang kaniyang ama ng asawa nito. Hindi matanggap ng babae na may anak sa ibang babae ang ama niya. Lalo na’t isang bayarang babae ang kaniyang ina.
Doon nagsimula ang sunod-sunod na kamalasang dinanas ng kaniyang ama. Kaya naiintindihan niya kung bakit hindi siya magawang mahalin nito, dahil para sa kanyiang ama ay isa siyang masamang bangungot ng nakaraan at isang bakas ng pagkakasala nito sa asawa, isang pagkakamali.
“Anak ng p*ta, ano na namang katarantaduhan ‘yang ginagawa mo sa pagmumukha mo?!” nagulat si Gino sa sigaw ng ama. Hindi niya inaasahan na dumating na pala ito. Napaaga ata ang uwi nito.
“Ta-tay…” natatarantang tawag niya sa ama habang mabilis na pinapahid ang make-up na nilagay sa kaniyang mukha. “Kahit kailan ay hindi ka na talaga magbabagong walang hiya ka!” ilang mura pa ang binitawan ng ama niya kay Gino habang malakas na pinagsusuntok ang binata. Napaiyak na lamang sa sakit ang binata at nagdasal na sana ay matapos na ang paghihirap niya.
“Sawang-sawa na ako sa’yo! Total ay malaki ka na, kaya mo nang mabuhay ng sarili mo. Lumayas ka at magbanat ka ng buto! Ayoko nang makita pa ulit ‘yang pagmumukha mong ‘yan kahit na kailan!” Galit pa ring sigaw ng ama at malakas na sinara ang pinto ng kanilang bahay pagkatapos ipagtatatapon ang mga gamit niya.
Isa-isang pinulot ni Gino ang kaniyang mga gamit at nagsimulang maglakad papalayo sa bahay na kinagisnan. Para namang nakikiramay sa kaniya ang langit dahil bigla na lamang bumuhos ang isang napakalas na ulan. Hindi na napigilan ng binata ang mapahagulgol ng malakas.
Sobrang sakit ng kaniyang nararamdaman pati na rin ng kaniyang katawan. Ginawa niya naman ang lahat para tanggapin at mahalin lamang siya ng ama, ngunit matigas talaga ang puso ng lalaki sa kaniya. Siya kasi ang sinisisi nito kung bakit nagkandaletse-letse ang buhay nito.
“Susmaryosep kang bata ka! Anong ginagawa mo dyan sa ulan at ika’y nababasa?” tanong kay Gino ng isang matandang babae habang pinapayungan ang binata sa ulan. Hindi alintana ni Gino ang matanda at patuloy pa rin sa pag-iyak.
“Hay naku kang bata ka, hali ka nga at sumama ka sa’kin,” ani pa ng matanda bago pilit na hinila ng mahina ang binata. Dinala si Gino ng matanda sa bahay nito.
“Ano ba talaga ang nangyari sa’yo, anak? Naglayas ka ba sa inyo? Ano ba ang problema? Sabihin mo, at baka matulungan kita,” malumanay na saad ng matanda kay Gino.
Dahil na rin sa kakulitan ng matanda ay na-ikwento ni Gino ang lahat nang nangyari sa kanila ng kaniyang ama. Naawa naman ang matanda kaya pansamantalang pinatira na muna nito ang binata sa kaniyang tahanan. Mag-isa na lang din naman kasi sa buhay ang matanda.
“Oh, ano ito, anak?” nagagalak na tanong ng matanda ng makitang may nakahaing pagkain sa kanilang mesa.
“Ah ipinagluto ko po kayo. Maraming salamat po sa pansamantalang pagkupkop sa’kin,” nahihiya pero puno ng sinseridad na pahayag ng binata sa matanda.
“Walang anuman, anak,” nakangiting sagot ng matanda bago sumubo ng kaniyang luto.
“Hmm! Aba, at sobrang sarap naman nito, anak! Ikaw ba talaga ang nagluto nito?” aliw na tanong ng matanda kay Gino.
“Opo, hilig ko po talaga ang pagluluto. Inaral ko po talaga dahil gusto kong maipagluto parati nang masasarap na pagkain ang tatay ko,” malungkot na sagot ni Gino.
“Ganun ba? Napaka-swerte naman pala ng tatay mo at mayroon siyang maalaga at mapagmahal na anak na kagaya mo. Lalo na at hindi lahat ay kayang magluto ng ganito kasarap na pagkain. At nasisigurado akong marami ka pang nakatagong talento na hindi pa natutuklasan. Huwag kang mag-alala at sabay na’ting tutuklasin iyon,” ani ng matanda bago nito itinuloy ang pagkain.
Lingid sa kaalaman ng binata ay isang may-ari nang isang malaki at kilalang restaurant ang matanda. Dahil sa nakitaan siya nito ng talento ay hinasa pa siya nito sa kusina. Itinuring siyang anak ng matanda at siya naman ay itinuring itong ina. Nagsumikap siya ng mabuti dahil ayaw niyang mabigo sa kaniya ang matanda gaya ng pagkabigo sa kaniya ng kaniyang ama.
Dumating ang araw na nabigyan si Gino ng isang full scholarship sa Italya para mag-aral. Tinanggap niya naman ito ng buong puso at nangakong babalik na isang mahusay na chef.
Hindi naman nabigo ang matandang kumupkop at nag-aruga kay Gino dahil tinupad nito ang pangako sa kaniya. Makalipas ang ilang taon ay naging isang ganap at mahusay na chef si Gino. Mas lalong pinalaki at pinalago niya pa ang negosyo nila.
Kung sa ama ng binata ay isa itong malas sa buhay at isang pagkakamali, para naman sa matanda ay isang biyaya si Gino.
Pakiramdam niya ay ang binata ang anak na hindi naibigay sa kaniya ng Panginoon dahil sa maagang pumanaw ang kaniyang asawa at hindi na siya muli pang nag-asawa ulit.
Para sa isang matandang walang pamilya at nag-iisa na sa buhay, ang pagkupkop at pag-aalaga kay Gino ang pinakatamang nagawa niya sa buhay niya. Si Gino, na minsan ay hindi nakatanggap ng pagmamahal sa sariling pamilya, ngunit sobrang nagmahal at nag-aruga naman sa kaniya. Si Gino na itinuring siyang isang ina at pinunan ang pakiramdam niya ay kulang sa buhay niya. Si Gino na ipinagmamalaki niya sa buong mundo.
“Ma, I’m home!” nakangiting bati ni Gino sa kaniyang pinakamamahal na tagapagligtas, ang inang hindi ipinagkaloob sa kaniya. Natapos na rin sa wakas ang kaniyang trabaho sa Italya na tumagal din nang ilang taon, ngayon ay maaari niya na muling makasama ang ina sa Pilipinas.
“Welcome home, anak,” nakangiting sagot ng matanda kay Gino at niyakap ito.
Minsan sa buhay natin, sa ibang tao pa natin nahahanap ang pagmamahal at pagtanggap na kailangan natin kaysa sa sariling mga kadugo natin. Sila ay maituturing natin na tunay nating pamilya.