
Sa Pag-aakalang Ampon Siya ay Iniwan ng Binata ang Pamilya; Saan Kaya Siya Dadalhin ng Tadhana?
“Mukhang hindi na talaga kaya, Hon. Kailangan nating magsakripisyo upang mapag-aral ang dalawa,” sabi ni Ruben sa asawang si Letty. Marahang hinawakan naman ng ginang ang kamay ng asawa.
“Kung papipiliin tayo, piliin mo sana ang tunay nating laman at dugo,” sabi ni Letty na mahihimigan ang pag-aalala.
“Hindi mo ako kailangan papiliin. Kung kailangang ako ang magsakripisyo upang wala sa kanilang dalawa ang tumigil ay gagawin ko. Alam mong nangako tayo sa mga magulang ng isa, dapat nating tuparin iyon,” marahan ngunit pinal na sabi ni Ruben.
May-ari ng bigasan ang mag-asawa, ngunit dahil sa sunod-sunod na bagyo at patuloy na panggigipit sa kanila ay halos wala nang natira sa kanilang mga ipon. Dalawa ang anak nilang lalaki, si Ray at Gino, ngunit maraming nakaaalam na ampon lang ang isa. Nagsikap ang mag-asawa na huwag ipaalam sa mga ito ang totoo upang sa gayon ay magturingan ang mga ito bilang totoong magkapatid. Ngunit habang lumalaki, ‘di naiwasang may naririnig-rinig ang mga ito tungkol doon.
Si Gino bilang nakababatang kapatid ay palaging nakakarinig ng bulong-bulungan. Nung una ay ‘di siya naniwala doon ngunit hindi rin iyon matanggal sa isip niya. Nagsimula siyang obserbahan ang mga magulang sa pakikitungo ng mga ito sa kanila ng kuyang si Gino. Dalawang taon lang ang itinanda nito sa kaniya, nasa kolehiyo ito habang high school naman siya. Laging tuwang-tuwa ang mga magulang tuwing uuwi ito mula sa Maynila kung saan ito nag-aaral. Laging sinisiguro ng mga magulang nila na mayroon ito ng lahat ng kailangan nito, mula sa allowance pati laptop at iba pang gamit.
Dati pa man ay may inggit na si Gino kay Ray dahil lagi itong ipinagmamalaki ng mga magulang. Lalo siyang naiinis dahil bukod sa matalino at may hitsura, napakabait pa nito na anak at kapatid. Ni hindi niya nakitang nagalit ang kapatid sa kaniya kahit sinsadya niyang inisin ito. Nagiging seryoso lang kapag pati magulang nila ay nadadamay sa pagrerebelde niya.
‘Di alam ng mag-asawa na ang pag-uusap pala nila ay narinig ni Gino. Ngayon alam na ng bente anyos na binata na tiyak na isa nga sa kanila ang ampon. At napagtanto niyang malaman siya iyon. Kahit madalas niyang suwayin ang mga magulang para makuha ang atensyon ng mga ito ay mahal na mahal niya ito, pati na si Kuya Ray niya. Nang marinig niyang ang mga ito ang magsasakripisyo para makapagpatuloy sila sa pag-aaral, naramdaman niyang kailangan niyang umalis upang gumaang naman ang mga dalahin ng mga ito. Malamang ay ganoon din naman ang gagawin ni Kuya Ray pag nalaman nito ang sitwasyon ng kanilang pamilya. Kahit sa ganitong paraan ay makatulong man lang siya. Isa pa ay wala talaga siyang amor sa pag-aaral sa eskwela. Mas hilig niya ang pagkokompyuter.
Sa mga sumunod na araw ay nakita ni Gino gaano tinipid ng mga magulang ang sarili. Ngunit nang malamang niyang pati ang maintenance na gamot ng kaniyang ama ay hindi na nito binibili para lang makatipid ay nagdesisyon na siya.
“Doon na lang ako kila Tiya sa Olongapo, ayoko na po mag-aral,” banggit niya sa mga ito habang naghahapunan. Malamang ay pag nalaman ng mga ito ang mga tunay niyang dahilan ay hindi papayag ang mga ito, kaya’t umarte siyang nagrerebelde muli. Ilang pakiusap pa ang ginawa ni Letty, pati si Ruben ay pinagalitan siya at pinilit na manatili doon sa kanila, ngunit di siya nagpatinag.
Umalis nga si Gino at tumungo sa Olongapo. Lungkot na lungkot siyang mapalayo sa mga taong nagpalaki sa kaniya, ngunit mas masakit na iniisip pa rin nito ang kalagayan niya kahit di siya tunay na anak. Nangako siya sa sariling magsisikap upang masuklian ang mga ito balang araw.
Pumasok siya bilang taga-ayos ng mga sirang kompyuter, habang nakikituloy sa Tiya Rosalie niya. Alam nitong may gumugulo sa isipan niya kaya’t isang araw ay kinausap siya nito.
“Ano bang naisip mong bata ka? Nag-aalala na ang mga magulang mo,” marahang sabi nito.
“Hindi ko naman sila mga tunay na magulang. Ayaw kong makitang mahirapan sila dahil sa akin,” malungkot na sabi niya sa pinakamalapit na tiyahin. Lagi ito sa kanilang bumibisita noon kaya’t malapit ang loob niya dito. Doon lang nito naintindihan ang lahat, nanlaki ang mata nito sa realisasyon at agad niyakap ang binata dahil sa awa.
“Gino… sino ang nagsabi sa iyong hindi ka nila tunay na anak? ‘Di yan totoo,” haplos nito sa buhok niya. Napaiyak na lang ang binata dahil sa awa sa sarili. Nanatili siya sa mainit nitong yakap at kumalma sa wakas. Ngunit nagulat siya dahil si Tiya Rosalie ay patuloy pa rin ang pagluha.
Kinabukasan ay nagulat si Gino nang matagpuan sa sala ang buong pamilya. Si Ruben, Letty, Tiya Rosalie, pati na rin si Kuya Ray niya.
“Anak…” narinig niyang sabi ng inang si Letty at niyakap siya. Malamang ay sinabi ni Tiya Rosalie sa mga ito ang tunay niyang dahilan sa pag-alis. Magagalit na sana siya sa tiyahin ngunit nang lingunin niya ito ay nabasag ang puso niya dahil tuloy-tuloy ang pagbagsak ng luha nito. Nagulat siya nang bigla itong lumuhod sa harap ng Kuya Ray niya na noon niya lang napansin na umiiyak na rin.
“Patawarin mo ako, Ray… anak. Natakot ako at nagtago sa responsibilidad nang iwan ako ng iyong ama. Menor de edad ako at walang muwang sa buhay kaya’t si Kuya Ruben ang kumupkop sa’yo. Nahiya n-na akong sabihin na a-ako ang ina mo dahil wala naman akong naitulong sa pagpapalaki sa’yo” hagulgol nito.
Doon lang naging malinaw ang lahat. Hindi pala siya ang ampon kung hindi ang Kuya Ray niya. Higit pa doon, si Tiya Rosalie pala ang tunay nitong ina! Kaya pala’t ganoon na lang kagiliw ito sa kanila.
Tulad ng inaasahan, mabilis napatawad ni Ray si Rosalie. May agam-agam na rin pala ang binata noon pa man na ampon ito, ngunit hindi na lang binanggit sa mga tumayong magulang. Nangako si Ray na ‘di tulad ng ama niya, hinding-hindi niya iiwanan ang ina.
‘Di akalain ni Gino na doon hahantong ang maliit na pagsasakripisyo niya para sa mga taong mahal niya. Tunay nga na sikreto kung kumilos ang Diyos, ngunit tiyak na ito’y laging para sa ikabubuti natin.