Inday TrendingInday Trending
Inis na Inis Sila sa Kanilang Kamag-aral na Sipsip; May Malalim palang Dahilan sa Likod ng Pag-uugali Nito

Inis na Inis Sila sa Kanilang Kamag-aral na Sipsip; May Malalim palang Dahilan sa Likod ng Pag-uugali Nito

“Hi, Mona!”

Pagkapasok pa lamang ni Mona sa kanilang silid-alaran ay binati agad siya ng kaniyang mga kaklase. Sinuklian niya ang mga ito ng isang matamis na ngiti.

Umupo si Mona sa kaniyang upuan saka nakipagkwentuhan sa mga kaibigan habang hinihintay ang pagdating ng kanilang guro.

“Pustahan tayo, dala na naman ni Evelyn ‘yung mga gamit ni Ma’am Ligaya,” pasaring ni Mavie, isa sa kaniyang mga kaibigan, bago ito lumingon sa pintuan at hinintay ang pagsungaw ng kanilang guro.

Ang iba ay sumang-ayon habang ang iba naman ay natawa at napailing na lang sa kamalditahan ng kaklase.

Ilang minuto lang ang lumipas ay pumasok na ang guro nila. Gaya ng hinuha ni Mavie ay kasunod nito ang nakangiting si Evelyn habang hawak ang mga gamit ng kanilang guro.

Araw araw ay ganun ang eksena sa kanilang classroom. Kaya naman madami ang naglalabasang haka haka na “sipsip” daw at nagpapalakas sa mga guro ang kaklase nilang si Evelyn.

“Sabi sa inyo, eh.” Umirap si Mavie.

“Good morning, class,” pagbati ng kanilang guro bago ito nagsimulang magklase.

Bago pa man makaupo si Evelyn ay binigyan ito ng masamang tingin ng kanilang mga kaklase.

Napailing na lamang si Mona at naawa sa kaklase.

Oras ng tanghalian. Laman ng kanilang kwentuhan ang kaklaseng si Evelyn.

“Sagot pa siya nang sagot kahit mali naman,” reklamo ni Mavie.

Sa kanilang magkakaibigan, si Mavie ang pinakainis kay Evelyn.

“Nagmumukha lang siyang t*nga,” dagdag pa ng isa pa nilang kaibigan.

Kilala kasi ang kanilang kaklaseng si Evelyn sa pagiging mapapel nito sa kanilang seksyon.

Paborito ito ng mga guro dahil kilala itong “sipsip.”

Tahimik lamang si Mona habang nakikinig sa mga kaibigan. Bagaman kasi may katotohanan ang paratang ng mga ito kay Evelyn, gusto niya pa rin kilalanin ang kaklase.

Parati kasi siyang may nasisilip na lungkot sa mga mata nito.

“Hindi ba may kapatid ‘yun? Kambal niya pa nga yata,” biglang sambit ni Mavie.

“Oo. Kaklase ‘yun ng pinsan ko. Matalino daw ‘yun,” sabad ni Lexie, isa sa kaklase nila.

Tumahimik bigla ang kanilang lamesa, bagay na ipinagtaka si Mona.

Nang itaas niya ang kaniyang tingin at nakita si Evelyn na dala ang tray nito na may pagkain.

Mukhang wala itong mahanap na mesang kakainan.

Walang pagdadalawang isip na inaya niyang sumabay si Evelyn sa kanila.

“Evelyn, dito ka na lang,” nakangiting udyok niya sa kaklase upang hindi ito mahiya.

Papaunlakan na sana ni Evelyn ang kaniyang paanyaya subalit sari-saring reklamo ang kaniyang natanggap mula sa mga kaibigan kaya natigilan ang babae.

“Salamat, Mona, ha. Pero may mahahanap naman siguro ako,” kiming wika ni Evelyn bago ito naglakad palayo.

Walang nagawa si Mona kundi pagalitan ang mga kaibigan.

Pagkadating niya sa kanilang silid-aralan ay nakita niya si Evelyn na abala sa pagsasagot ng kanilang gawain.

Napansin ni Mona na naguguluhan at nahihirapan si Evelyn. Hindi siya nakatiis at lumapit sa kaklase.

“Gusto mo tulungan kita?” nakangiting alok niya.

Gulat na napalingon si Evelyn.

“Naku, Mona! Nakakahiya naman,” nag-aalangang sagot sa kaniya ng kaklase.

“Bakit ka naman mahihiya sa akin? Magkaklase tayo,” natatawang sagot niya dito.

Tinabihan ni Mona ang kaklase at matiyagang tinuruan ito.

Abot abot pa ang paghingi nito ng pasensiya dahil hindi ito mabilis makaintindi.

“Mona, maraming salamat, ha! Ikaw lang ang mabait sa akin sa lahat ng mga kaklase natin,” malungkot na sabi ni Evelyn.

“Naku, ‘wag mong isipin ‘yun! Tutulungan kita hangga’t kaya ko,” pangako ni Mona.

Dumating na ang araw na bigayan ng grado.

“Naku, napakagaling talaga ng anak ko!” tuwang tuwa ang nanay ni Mona dahil siya ang nagkamit ng pinakamataas na marka.

Nilibot ni Mona ang kaniyang mga tingin at nakita ang iba’t ibang ekspresyon ng iba pang mga magulang.

Natawa siya ng makita niya si Mavie na nakanguso habang pinapagalitan ng nanay nito dahil sa bagsak nito.

Ang pinaka-umagaw ng atensiyon niya ay ang nanay ni Evelyn. Nakakatakot ang talim ng tingin nito sa report card ng kaklase. Lumabas ang mag-ina.

“Saglit lang po, Mama,” paalam niya sa kaniyang ina bago sinundan ang kaklase at ang nanay nito.

Napapitlag siya nang marinig ang malakas na sigaw ng nanay ni Evelyn.

“Ilang tutor na ang sumuko dahil sa kat@ngahan mo! Bakit ba hindi ka naging kasing talino ng kambal mo? Nakakahiya ka!”

Nang sumilip siya ay tahimik lang na umiiyak ang kaklase habang nakayuko.

“Kung alam ko lang na magiging kahihiyan ka ay sana hindi na kita binuhay! Mag-isip-isip ka! Kahihiyan ka ng pamilya natin!”

Matapos sabihin ang mga masasakit na salitang iyon ay umalis din ang ina ni Evelyn. Naiwan ang kaniyang kaklase na humahagulhol.

Tahimik siyang lumapit sa kaklase at hinaplos ang likod nito.

Nagulat si Evelyn sa presensiya ng kaklase.

“Kanina ka pa?” tanong nito.

Tumango lamang si Mona.

“Wala kang dapat ikahiya sa akin, Evelyn. Hindi dapat ikahiya ang kahinaan. Hindi mo naman kailangan maging pinakamagaling. Mas mahalaga ang pagiging mabuti,” banayad na paalala niya sa kaklase.

“Pasensiya na kailangan mo pang makita ‘yun,” nahihiyang sambit ni Evelyn.

“Gusto mo ba pag-usapan?” agad na naupo si Mona sa tabi ni Evelyn.

“Totoo naman ‘yun. Mas matalino ang kambal ko kaysa sa akin. Pero binibigay ko naman ang lahat ng kaya ko kaso ‘di ‘yun nakikita ni mommy,” bakas ang lungkot ni Evelyn at hindi niya kayang tingnan sa mata si Mona.

“Kaya ba ginagawa mo ‘yun?” maingat na pagtatanong ni Mona.

“‘Yung pagiging bida bida ko?”

Natawa si Evelyn dahil sinabi nito ang bagay na iniiwasan sabihin ni Mona.

Tango lamang ang naisagot ni Mona sa kaklase.

“Akala ko kasi kapag sumipsip ako sa teachers natin ay tataas ang grado ko. Nakakahiya pero gusto ko lang talagang maging proud ang nanay ko. Ano namang magagawa ko kung may hangganan ang kakayahan ko?” nakayukong pag-amin ni Evelyn.

Malambot ang mga mata ni Mona nang tumingin sa kaklase.

Ngayon ay lubos na naiintindihan na ito ni Mona. Hindi niya maiwasang makaramdam ng awa sa kaklase. Napagtanto niya na biktima lang din ito ng pagkakataon.

“Pasensiya ka na at hinusgahan ka namin,” hinging paumanhin ni Mona.

“‘Wag ka mag-sorry, Mona. Alam ko naman na sa lahat ng mga kaklase natin, ikaw ‘yung kailanman ay hindi ako hinusgahan,” nakangiting sagot ni Evelyn.

Kinabukasan ay magkakasamang kumain ang mga kaibigan ni Mona kasama si Evelyn at ang kakambal nito na si Emily.

Tahimik ang mesa at hindi maririnig ang matinis na boses ni Mavie na karaniwang pinagsasalitaan ng hindi maganda si Evelyn.

Nalaman kasi ng magkakaibigan ang tunay na rason sa likod ng inaasta ni Evelyn sa kanilang klase.

Napagtanto ng mga ito ang pagkakamali dahil imbes na unawain nila si Evelyn bilang kaklase, mas inuna pa nila na husgahan ito.

“Pasensiya ka na, Evelyn. Babawi talaga ako sa’yo.” May alanganing ngiti sa labi ni Mavie habang humihingi ng paumanhin sa kaklase.

Napaluha na lamang si Evelyn dahil sa wakas ay hindi na siya nag-iisa. May mga kakampi na siya na nauunawaan siya.

Mula noon ay siniguro ng magkakaibigan na hindi mapag-iiwanan si Evelyn dahil tinulungan nila ito sa abot ng kanilang makakaya.

Hindi nagtagal ay nagsitaasan din ang marka ni Evelyn. Sa patas na paraan. Sa tulong ng mga bago nitong kaibigan.

Masaya naman ang lahat para kay Evelyn. Mabuti na lamang at natuto silang makinig at umunawa kaysa patuloy itong tuligsain.

Advertisement