
Halos Sumuko na Siya sa Buhay dahil sa malubhang Karamdaman; Ngunit Isang Kaibigan ang Nagmulat sa Kaniyang Mata
“Inaapoy ng lagnat si Vanessa! Kailangan natin siyang isugod sa ospital!”
Pilit niyang idinilat ang mata kahit na nahihirapan. Rinig niya ang pagkataranta sa boses ng kaniyang ina habang tinatawag nito ang kaniyang mga kapatid at ama.
Ilang minuto pa ay naramdaman niya na ang pagbuhat sa kaniya bago siya isinakay sa ambulansya.
Hindi niya na alam ang mga sumunod na nangyari dahil talagang masakit ang kaniyang ulo at hirap siyang gumalaw.
“Alam na natin kung bakit siya nagkakaganyan. Kumakalat na ang sakit sa kaniyang katawan. Sa susunod ay mas lalong titindi ang mga mangyayari.” Bumuntong hininga ang doktor.
Nang magising siya ay iyon agad ang kaniyang narinig. Mukhang nag-uusap ang doktor at kaniyang pamilya.
“Baka gusto niya ulit i-konsidera ang chemotherapy? Makakatulong ito kay Vanessa nang lubos.”
Nagpanggap siyang tulog hanggang sa umalis ang doktor. Dumausdos ang luha sa gilid ng kaniyang mata nang marinig na umiiyak ang kaniyang ina.
Ayaw na ayaw niyang nasasaktan ito, pero anong magagawa niya? May sakit siya at ilang taon niya na itong tinitiis.
“‘Ma.”
“Gusto mo ba ng prutas? Gutom ka na ba?” Pinaghiwa agad siya nito ng prutas. Kitang-kita niya pa kung paano nito pinunasan ang mata nitong may ilang butil pa ng luha.
“Heto, kumain ka na.”
Naglapag ito ng platito kung saan nakalagay ang hiniwang mansanas at peras.
Tahimik lang ang kaniyang tatay at mga kapatid na nanonood.
“‘Nak, sa tingin mo dapat ulit natin pag-isipan ang chemotherapy?” maya maya ay basag nito sa katahimikan.
Alam niya na iyon ang sasabihin nito. Ilang beses na siya nitong pinilit noon na subukan iyon pero siya na mismo ang umaayaw.
“’Ma, alam mo naman ang sagot ko riyan. Ayaw ko.” Nag-iwas siya ng tingin.
“Kahit subukan lang? Malay mo makatulong talaga sa’yo, hindi ba? Wala namang mawawala,” pangungumbinsi ng kaniyang ina. Nanginginig ang boses nito at halos magmakaawa na.
Bumuntong-hininga si Vanessa. “Hindi naman ibig sabihin nun ay gagaling talaga ako, Mama. Ang mahal mahal pa po. Gagastos lang tayo,” tanggi niya.
Naitanong niya na ito sa doktor dati, ayon dito ang ay unti unting papat@yin ng chemotherapy ang mga c@ncer cells niya ngunit hindi garantisadong tuluyan na siyang gagaling.
“Kahit na. Gusto ko lang naman subukan, Ness. Pwede bang subukan natin? Sige na, anak. Para kay mama,” Pagsusumamo nito.
Napatingin siya sa kaniyang pamilya na tahimik lamang na nagmamasid. Alam niyang hindi man magsalita ang mga ito ay sumasang-ayon ang mga ito sa pakiusap ng kaniyang ina.
“‘Wag mo ng alalahanin ang bayad. Pagtutulungan namin nila Ate Ella,” sabi pa ng kaniyang kuya na si Homer nang mapatingin siya dito.
Ibinalik niya ang tingin sa kaniyang ina at nag-ipon ng lakas ng loob bago nagsalita. “Kung ganun po, eh di sige. Subukan natin.”
Kaya naman sumailalim siya sa gamutan.
Unti-unti ay nararanasan na ni Vanessa ang mga epekto nito sa kaniya kagaya ng pananakit ng kaniyang katawan, pagkapagod at maging paglalagas ng kaniyang buhok.
“Ang panget ko na.” Nakangiwi niyang minasdan ang kaniyang sarili sa salamin.
Nangingilid ang kaniyang luha.
Hindi lang kasi ang buhok sa ulo ang naglagas pati na rin ang kaniyang kilay.
“Hindi ah, ang ganda ganda mo kaya. Anong pangit diyan?”
Nagulat siya nang magsalita ang isang babae na kakapasok lang sa CR. Mas bata ito sa kaniya ng ‘di hamak at ‘di gaya niya ay napakakapal ng itim na itim nitong buhok. May malaki itong ngiti.
“Sinasabi mo lang ‘yan kasi hindi ka kalbo,” nakairap na sagot niya sa babae.
Lalong lumawak ang ngiti ng babae.
“Wala naman sa buhok ang ganda. Nasa mukha. At nandito.” Itinuro nito ang dibdib.
Alam niyang pinapalubag lang nito ang kaniyang loob ngunit napangiti siya sa sinabi nito. Palagi kasi iyong sinasabi ng kaniyang ina. Ang tunay na kagandahan ay nasa loob.
Magaan agad ang loob niya dito. Nagkwentuhan sila habang naglalakad sa malaking garden sa likod ng ospital. Napag-alaman niyang Via ang pangalan nito at labing-pitong taong gulang pa lang ito.
“Anong sakit mo?” usisa niya rito isang araw.
“Sa puso. Namana ko kay Mama. Malala na ‘to kaya kapag hindi mo na ako nakita sa susunod, ibig sabihin tegi na ako,” nakangising saad nito.
“Sa puso lang pala, eh. Eh di magpa-opera ka. Tapos!” sagot niya kay Via.
Humalakhak ito na parang baliw sa kaniyang sinabi.
“Sana ganoon kadali, ano? Pero kasi huli na namin nalaman na may sakit pala ako kaya ayun, sabi ng doktor wala na raw pag-asa,” pagkukwento nito.
Natahimik siya sa sinabi nito. Pareho pala sila, e. Parehong nasa bingit ng kamat@yan sa murang edad. Nagkuwento rin siya tungkol sa sakit niya.
“Mas masuwerte ka, ikaw may pag-asa pa. Ako? Wala na talaga. Pero tanggap ko naman na kaya ngayon, sinusulit ko na lang ang buhay ko. Ayaw ko naman na hanggang sa huli nakakulong ako dito, ‘no.”
Hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi nito. Parang ang gaan gaan lang dito na pag-usapan ang katapusan ng buhay nito.
“Paano? Pwede kang lumabas?” takang tanong niya dito.
Lumawak ang ngiti ni Via.
“Hindi, kaya nga tatakas na lang ako. Ano? Sama ka?” anyaya nito sa kaniya.
Gusto niya ang ideya nito kaya tumango siya. Pinagplanuhan nila na tatakas sila nang gabing iyon kaya excited siyang bumalik sa kwarto at naghintay ng oras na kanilang pinag-usapan. Nang sumapit iyon at humanap siya ng tiyempo at naging matagumpay naman sila ni Via. Tuwang-tuwa ang dalawa habang naglalakad palayo. Kung ano ano ang napagkwentuhan nila. Nabanggit niya rin dito na ayaw naman talaga niyang magpagamot na pero mapilit ang kaniyang ina.
“Bakit?” tanong niya ng mapansing natahimik ito bigla.
“Alam mo, ang swerte mo talaga kasi yung mama mo kasama mo pa rin hanggang ngayon. Ako kasi, hindi na.”
Nakinig siya sa kuwento nito. Wala na ang ina dito dahil din sa parehong sakit habang ang tatay nito ay dahil sa isang car acc*dent.
Niyakap niya ito nang mahigpit pagkatapos para damayan ito. Hindi niya kailanman akalain na ang dami na nitong pinagdaanan ngunit heto ito at matatag pa rin.
Naisip niya na kung si Via nga na nag-iisa at mas kakaunti ang tiyansa na mabuhay, lumalaban, siya pa kaya? Siya na may pag-asang gumaling at may mapagmahal na pamilya?
“Ikaw rin, ha. Dapat magpakatatag ka rin para sabay tayong gumaling at makapasyal tayo sa mas magagandang lugar.” Hinaplos niya ang buhok ng kaibigang napamahal na sa kaniya.
“Salamat, Vanessa. Kung mauuna akong mamat*y ay dadalhin ko na kasama ko ang sakit natin para gumaling ka na rin,” mahinang sabi ng babae.
“Gagawin ko din ‘yun para sa’yo, Via.”
“Pangako ‘yan, ha? Kung sino ang mauna sa atin sa langit ay siya na ang bahala!” humahagikhik na wika ng babae.
“Oo na! Luka luka ka talaga!” nakangiting sagot niya sa babae. Ngunit alam niya na kung magkataon ay talagang gagawin niya ‘yun para sa kaibigan.
Ilang araw ang lumipas at mas lalo siyang naging bantay sarado. Humina nang husto ang kaniyang katawan at hindi na siya pinapayagan umalis ng kwarto. Patuloy pa rin siya sa chemotherapy.
Gusto niyang bisitahin si Via dahil hindi na niya ito nakikita ngunit mahigpit nang ipinagbabawal ng kaniyang doktor ang paglabas.
Isang araw ay nagising na lamang si Vanessa na wala nang sakit na nararamdaman. Hindi na siya nakakaramdam ng pananakit ng ulo, katawan, o kahit na panghihina.
“‘Ma, pwede na ba akong bumisita kay Via? Parang magaling na ako!” ungot niya sa ina.
Kinakabahan kasi siya. Nung nakaraang gabi ay nakita niya ito sa kaniyang panaginip. Nakita niya na kumaway ito sa kaniya, tila namamaalam, bago ito sumama sa ama’t ina nito papunta sa liwanag. Alam niya dahil ipinakita na nito sa kaniya ang mga magulang nito.
“Anak…” banayad na sabi ng kaniyang ina. Nakita niya ang pangingilid ng luha nito.
Wala itong sinabi ngunit hindi na nito kailangan magsalita.
Alam niya na wala na si Via. Wala na ang kaniyang pinakamamahal na kaibigan. Hindi niya na ito makikita pang muli.
Tuluyan na itong sumama sa mga magulang nito.
“Hindi!” napahagulgol na lamang siya lalo na nang ilapag ng kaniyang ina sa kaniyang harapan ang isang maliit na papel at isang regalo.
Nang buksan niya ang papel ay maikling mensahe ni Via ang nakasulat.
Vanessa,
Alam kong hindi na ako tatagal pa sa mundong ito pero gusto kong sabihin na napakasaya ko na naging kaibigan kita. ‘Wag kang malungkot dahil masaya akong umalis para sumama kay Mama at Papa. Tandaan mo na matatag ka at maganda ka palagi. Sana ay gumaling ka dahil gusto kong makita kang masaya. Mabuhay ka para sa ating dalawa.
Via
Nang buksan niya ang regalo nito ay nakita niya ang isang peluka, na alam niyang gawa sa makapal at itim na itim nitong nitong buhok.
Napakaraming bagay na binigay sa kaniya ni Via.
Ligaya, pagkakaibigan, at pag-asa. Lubos ang pasasalamat niya sa kaibigan dahil tinuruan siya nitong lumaban.
“Salamat, Via. Sigurado ako na isa kang anghel na isinugo ng Diyos upang magbigay pag-asa sa akin,” naluluhang bulong niya habang sinusuot ang peluka na regalo ng kaibigan.
Nagulat naman ang lahat sa bilis ng paggaling ni Vanessa dahil dalawang buwan lamang ang lumipas at tuluyan nang idineklara ng kaniyang doktor na gumaling na siya mula sa sakit na canc*r.
Maraming doktor ang hindi maipaliwanag ang bilis ng kaniyang paggaling.
Sa huli ay tila tinupad pa rin ni Via ang pangako nito na dadalhin nito sa pag-alis ang sakit niya para patuloy na siya makapamuhay nang normal.
Namuhay si Vanessa nang normal matapos ang gamutan.
Nang tuluyan siyang makalabas ng ospital, suot suot ang peluka na bigay ni Via ay tinupad niya ang pangarap nila na makapunta sa magagandang lugar.
At siyempre, hindi man niya kapiling ang pinakamamahal na kaibigan ay alam niya na masaya itong gumagabay sa kaniya mula sa langit.