Walang Palya Niyang Kinukumpleto ang Siyam na Simbang Gabi; Matutupad Kaya ang Hiling ng Kaniyang Puso?

Walang Palya Niyang Kinukumpleto ang Siyam na Simbang Gabi; Matutupad Kaya ang Hiling ng Kaniyang Puso?

FamilyInspiringStories

“Domeng! Pakihakot naman ‘tong nasa tapat ng bahay namin!” malakas na sigaw ni Aling Miring sa binatilyong magbabasura.

“Parating na po!” sigaw pabalik ni Domeng bago nagmamadaling tinakbo ang bahay ng sumigaw na babae.

“Ayan, kunin mo ‘yan, Domeng,” turo nito sa isang tumpok ng basura sa tapat ng bahay. 

Maliksi namang kumilos si Domeng at inihagis ang nakabalot na basura sa truck na nakahinto. 

Sa edad na labing pitong gulang ay kung ano anong trabaho na ang napasok ni Domeng. Kinailangan niya kasing maging matatag dahil sa murang edad ay ulila na siya. 

Wala naman siyang ibang dapat asahan kundi ang kaniyang sarili. 

Kumabog ang dibdib ni Domeng nang mapatapat siya sa pinakamalaking bahay sa kanilang bayan. 

Ang bahay ng nakakatakot si Don Marshall. Malaki ang bahay nito subalit ni minsan ay wala pang nakapasok sa bahay nito dahil bali-balita na nuknukan daw nang sungit ang matanda. 

May malalaking aso sa bakuran ng matanda na handang lumapa ng kahit na sinong mangangahas pumasok sa bahay.

Tahimik na kinuha ni Domeng ang basura sa tapat ng bahay ng matandang kinatatakutan.

“Sana magkaroon din ako ng ganito kalaking bahay…” nangangarap na bulong niya habang nakatulala sa magarbong bahay. 

“Hoy! Domeng! Halika na at nang makarami tayo!” sigaw ni Jomer, isa sa mga kasama niya. 

Sa tuwing napapadaan si Domeng sa bahay na iyon ay tila nahihipnotismong napapatitig siya dito. Kung minsan pa nga ay tila may humihila sa kaniya papasok sa bakuran ng bahay lalo pa’t hindi naman ito nakakandado. 

Hindi naman siya pumapasok doon, sa takot na malapa siya ng naglalakihang mga aso. 

Sumapit ang Disyembre. Ang buwan ng Disyembre ang pinaka-paboritong panahon ni Domeng.

Bago masawi sa sunog ang kaniyang mga magulang, sariwa pa sa alaala ni Domeng ang maaga nilang paggising kapag nagsimula na ang simbang gabi. 

Walang palya ang kanilang buong pamilya sa pagkumpleto ng tradisyunal na siyam na simbang gabi taon taon. 

Hindi mapigilan ni Domeng na magbalik tanaw noong nabubuhay pa ang kaniyang mga magulang. 

“Tatay, bakit po araw araw tayo nagsisimba? Bakit naman po dati, tuwing Linggo lang?”

“Sabi ng tatay ko ay matutupad daw ang ating kahilingan kapag nakapagsimba tayo ng siyam na madaling araw bago ang kapanganakan ni Hesus. Kaya naman gusto ko na makumpleto natin.”

“E ano naman po ang hinihiling mo, Tatay?” takang tanong ni Domeng sa ama. Bagaman kasi salat sila sa mga materyal na bagay ay masasabi niya na masaya ang kanilang pamilya. 

“Ah. Gusto ko na makasamang muli ang aking tatay. Gusto ko na mapatawad niya na ako.” May malungkot na ngiti sa labi ng kaniyang ama. 

Sa murang edad ni Domeng nang mga oras na iyon ay hindi niya naunawaan ang sinabi ng ama. 

Hindi na rin naman siya nagkaroon ng pagkakataon na makilala ang kaniyang lolo dahil sa trahedya na sinapit ng kaniyang mga magulang. 

Gayunpaman, ipinagpatuloy ni Domeng ang tradisyon ng kanilang pamilya. 

Sa tuwing sasapit ang ikalabing anim hanggang dalawampu’t apat na araw ng Disyembre ay walang palyang nagsisimba si Domeng. 

Mayroon kasi siyang munting hiling. Alam niya na malabo itong mangyari, subalit umaasa siya na mayroong Isang nakikinig sa kaniyang piping dasal. 

Bisperas ng Pasko. Huling araw ng simbang gabi. Naglalakad pauwi galing simbahan si Domeng nang muli siyang mapadaan sa malaking bahay. 

Muli siyang napahinto upang pagmasdan mula sa malayo ang naglalakihang parol na na nalilibutan ng makukulay na pailaw. 

“Ang ganda!” nagniningning ang matang minasdan ni Domeng ang pagkutitap ng mga ilaw. 

“Sana ay nandito kayo kasama ko, Mama at Papa…” mahinang bulong ng binatilyo. 

Napansin ni Domeng na wala ang mga aso kaya naman naglakas loob siyang pumasok sa gate. 

“Sandali lang… mamasdan ko lang ang mga ilaw at aalis din ako,” pagkumbinsi niya sa sarili.

Umupo bago tahimik na minasdan ni Domeng ang mga ilaw habang dinadama ang mabining haplos ng malamig na hangin. 

Sa kaniyang pagpikit ay hindi niya namalayan ang pagdating ng isang pigura sa malawak na bakuran.

“Sino ka? At bakit ka nasa bakuran ko?” Tila kidlat sa talim ang boses na namayani sa tahimik na bakuran.

Hintakot  na napatayo ang binatilyo sa gulat. 

Nilingon niya ang matanda. 

“Naku po! Pasensiya na po at tumambay ako dito! Tinitingnan ko lang po ang magagandang ilaw!” natatarantang paliwanag ni Domeng sa matandang salubong ang kilay. 

Hindi niya kayang salubungin ang tingin ng matanda kaya naman agad siyang nagbaba ng tingin. 

Hindi niya na nakita ang panlalaki ng mata ng matanda. 

“Ikaw na bata ka! Kaninong anak ka ba, ha?” sita nito. 

“Wala na po akong magulang. Namat*y po sa sunog,” malungkot na sagot niya sa matanda. 

Matagal itong hindi nagsalita. Napapikit si Domeng. Sigurado siya na ipapa-pulis siya ng matanda. 

Kaya ikinagulat niya sumunod na sinabi nito. 

“Gusto mo ba na mag-almusal kasama ko?” mahina ang boses na tanong nito.

“Po? Almusal po?” paglilinaw ni Domeng. Hindi kasi siya sigurado kung tama ba ang narinig niya. 

Ngumiti nang malawak ang matanda saka tumango. 

Naguguluhang napatango si Domeng. 

Inaya siya ng matanda papasok sa bahay. Doon ay nakita niya ang hindi bababa sa limang kasambahay na abala sa paglilinis at paghahanda ng almusal. 

“Wow!” hindi napigilang bulalas ni Domeng. Napangiti naman ang matanda. 

Sinalubong sila ng isang matandang babae na sa tingin niya ay isang mayordoma.

Sa hindi malamang kadahilanan, nang makita siya nito ay nanlaki ang mata nito. Nagtatanong tumingin ito sa matandang lalaking kasama niya subalit hindi naman ito nagsalita.

Nalula si Domeng sa mga pagkaing nasa hapag-kainan.

Madalas kasi ay salat siya sa pagkain lalo na nung mawala ang kaniyang mga magulang. 

Hindi magkandaugaga na minasdan niya ang mga pagkain na sa palabas niya lang nakikita. 

“Kumain ka hijo, ‘wag kang mahiya,” nakangiting alok ng lalaki nang makita nito ang pag-aalinlangan niya. 

Walang pagdadalawang isip na tumodo ng kain si Domeng. Hindi kasi siya sigurado kung kailan ulit siya makakakain nang marami.

Naaaliw na minasdan siya ng matandang lalaki. 

“Anong pangalan mo, hijo?” tanong ng matanda.

“Dominick Cruz, Jr. po. Pero pwede niyo po ako tawaging Domeng,” sagot niya sa pagitan ng pagnguya. 

Narinig niya ang pagsinghap ng mayordomang nakatayo sa gilid ng matanda. 

“Bakit ka nasa bakuran ko nang ganitong oras? Wala ka bang bahay na inuuwian?” muling tanong ng matanda.

“Galing po ako sa simbahan, Sir–”

“Lolo. Tawagin mo akong Lolo Marshall, hijo,” putol ng matanda sa sasabihin niya. 

“Ah. Lolo. Nagsimba po kasi ako, kaya nasa labas ako,” paliwanag niya.

“Galing din akong simbahan. Kinukumpleto mo din ba ang siyam na araw kagaya ko?” may kislap sa mata ng matanda nang muli itong magtanong. 

“Ah, opo. Mula noong nabubuhay pa ang Tatay ko ay taon taon naming kinukumpleto ang simbang gabi. Pwede daw po kasi humiling kapag nakumpleto,” pagkukwento niya. 

“Sabi ng Tatay ko, gusto daw niya na mapatawad na siya ng Lolo ko. Sayang nga lang po at hindi na nahintay ni Tatay ‘yun,” patuloy na kwento ni Domeng. 

Nahinto lamang siya nang marinig ang pagsinghot ng matanda. 

“Hala, Lolo Marshall! Bakit po kayo umiiyak?” tarantang tanong niya sa matanda. 

“W-wala. N-aalala ko lang anak ko,” wika ng matanda habang pinupunasan ang pisngi nitong nabasa ng luha. 

“Ikaw, Domeng, may hiniling ka ba?” maya maya ay tanong ng matanda. 

Nahihiyang ngumiti si Domeng. “Naku, meron po. Pero hindi naman po ‘yun matutupad dahil walang magbibigay nun sa akin.”

“Sabihin mo sa akin. Ibibigay ko kahit na anong gusto mo,” sagot ng matanda.

Malungkot na ngumiti si Domeng. “Hindi po kasi nabibili ng kahit na anong pera ang gusto ko. Gusto ko po magkaroon ng pamilya.” 

Sumagot ang matanda. “Pareho pala tayo. ‘Yun din ang kahilingan ko. Gusto kong ibalik sa akin ang pamilya ko.”

Matagal na namayani ang katahimikan. Maya maya ay inaya siya ng matanda sa isang silid sa loob ng bahay. 

Isang larawan ang iniabot ng matanda sa kaniya. 

Ganun na lamang ang gulat ni Domeng nang makita ang isang pamilyar na mukha sa litrato. 

Si Lolo Marshall, kasama at ang isang babaeng sa tingin niya ay asawa nito. At isang binatilyo na kamukhang kamukha niya!

“P-paanong? Sigurado po ako na hindi ako ang bata sa picture pero bakit po magkamukha kami?” naguguluhang tanong ng binatilyo. 

“HIndi talaga ikaw ‘yan. ‘Yan ang itinakwil kong anak na si Dominick,” bigong wika ng matanda. 

“A-anak? Ibig sabihin po ikaw ang…”

“Oo, ako ang iyong Lolo Marshall. Ang tatay ng Tatay mo,” walang kurap na pagkumpira nito.

Hindi makapaniwala si Domeng. Sino nga ba ang mag-aakala na magtatagpo ang landas nila ng kaniyang Lolo?

Mahigpit siyang niyakap ng kaniyang Lolo. Naramdaman niya ang labis na pangungulila nito sa anak.

“Patawarin mo ako, apo. Kung hindi ko lang itinakwil ang tatay mo noon ay baka kasama pa natin siya,” lumuluhang sabit ng matanda. 

“‘Wag kang mag-alala, Lolo. Walang sama ng loob sa’yo si Tatay. Maiksi man ay masaya ang naging buhay niya dito sa mundo,” niyakap niya pabalik ang matanda. 

Matagal na pala siya hinahanap ng kaniyang Lolo. Nagsisi ito nang mabalitaan ang pagkasawi ng anak nito sa sunog kaya ginusto nitong kupkupin siya subalit hindi siya nito natagpuan. 

“Lolo, sa huli, natupad din naman ang mga kahilingan natin, hindi po ba?”

“Oo nga. May nakikinig talaga sa mga panalangin natin, gaano man kalaki ang hinihingi natin ay posible pa ring matupad, apo,” masuyong wika ng matanda sa apo na nawalay dito nang matagal na panahon. 

Namuhay nang magkasama ang mag-lolo. Binawi nila ang panahong nawalay sila sa isa’t isa. 

Tuwing sasapit ang simbang gabi ay walang palyang nagsisimba nang magkasama ang mag-lolo bilang pasasalamat kay Hesus, ang milagro na naghatid sa kanila sa piling ng isa’t isa. 

More Stories