Bukod sa Magandang Mukha ay Nagtataglay ng Magandang Buhok ang Dalaga Kaya Nagustuhan Siya ng Binata; May Pinakatatago Pala Siyang Lihim

Ilang araw pa lang nakikilala ni Hero ang bago niyang ka-opisina na si Danna ay tinamaan na agad siya sa dalaga.

Bagong lipat sa pinagtatrabahuhang kumpanya nina Hero si Danna na nanggaling pa sa probinsya. Lumuwas ang pamilya ng dalaga sa Maynila para roon na manirahan.

Napakaganda kasi ni Danna. Mayroon itong maputi at makinis na balat, mabilog na mga mata na bumagay sa mukha nito. Pero ang pinakanagustuhan ng binata ay ang mahabang buhok ni Danna. Ang gusto kasi niya sa babae ay may mahaba at magandang buhok. Bukod sa gandang panlabas ay napakabait din ng dalaga.

Masaya ang binata dahil natupad ang hiling niya na mapalapit sa kaniyang hinahangaang babae.

“Hi, Danna! Balita ko ikaw raw ang napipisil ni boss na ilaban sa gaganaping beauty contest sa nalalapit na anniversary ng kumpanya,” wika ni Hero.

“Ha, naku bakit ako? Ayokong sumali sa mga ganyan, e!” tanggi ng dalaga.

“Bakit naman? Ang ganda-ganda mo at siguradong malakas ang laban mo!”

“Mahiyain kasi ako at hindi ako sanay humarap sa maraming tao,” paliwanag pa nito.

Advertisement

Dahil sa taglay na kagandahan ay madalas mapili si Danna sa mga patimpalak na may kinalaman sa pagandahan lalo na noong nasa kolehiyo pa ito ngunit palagi itong tumatanggi.

Naging malapit sa isa’t isa ang dalawa. Napalapit ang loob ng dalaga sa binata dahil mabait ito at masayang kasama hanggang sa tuluyang manligaw si Hero kay Danna.

“Ano, Danna, sinasagot mo na ba ako?” tanong ng binata habang nakaluhod sa harapan ng nililigawan.

“Eh, ano pa nga ba ang magagawa ko, kaysa kulitin mo ako araw-araw. Sige na, Oo na. Sinasagot na kita!”

“Talaga, sinasagot mo na ako?” masayang sabi ni Hero na hindi pa makapaniwala sa narinig.

Niyakap ng binata ang dalaga at tangkang hahaplusin ang maganda at mahaba nitong buhok nang bigla siya nitong naitulak.

“O, teka may problema ba?”

“W-wala! A-ayoko lang nagugulo ang buhok ko,” wika ni Danna.

Advertisement

Hindi pinansin ni Hero ang inasta ng nobya.

Nang sumunod na araw habang namamasyal sila sa mall ay nakakita ng magandang bandana ang dalaga.

“Wow, ang ganda naman! Gusto kong bilhin ‘to!” mangha nitong sabi.

“Gusto mo ba iyan, labs? Magkano ba at bibihin ko,” ani Hero.

“Totoo ba, bibilhin mo para sa akin?”

“Oo sabi!”

Tuwang-tuwa ang dalaga sa biniling bandana ni Hero. Nang tangkang isusuot na ng binata ang bandana sa ulo ng nobya…

“Wait, ako na lang ang magsusuot, ha!” sabi ni Danna.

Advertisement

Nagtaka na ang nobyo sa ikinikilos ng dalaga.

“Ano bang problema at ayaw mong ipagalaw ang buhok mo, labs?” tanong niya rito.

“A, e wala lang. Ayoko lang nagugulo ang buhok ko,” anito.

Muling pinalagpas ng binata ang ginawi ng nobya. Sa isip nito ay baka ganoon lang talaga ang dalaga at ayaw na pinakikialaman ang buhok nito.

Minsan habang nakasakay sila sa jeep ay hinangin ang buhok ni Carmina. Napasigaw ito at dali-daling inayos ang nagulong buhok.

“Labs, easy lang. Gusto mo ipusod ko ‘yang buhok mo para hindi nahahanginan?”  tanong niya sa kasama.

“H-huwag na labs. Ako na lang!” tanggi ng dalaga.

Napansin niya na habang nag-aayos ng buhok ay hindi mapakali si Danna na para bang takot na takot.

Advertisement

“Ano kaya ang itinatago ng mahal ko?” nag-aalalang bulong ni Hero sa sarili.

Pagdating sa bahay ng dalaga ay agad niyan itong kinumpronta.

“Magsabi ka nga sa akin ng totoo. Ano bang mayroon diyan sa buhok mo at ayaw na ayaw mong ipagalaw o magulo?” aniya.

Kinabahan si Danna sa tanong ng binata.

“A, e kasi, kasi ano, eh…”

Hinawakan ni Hero ang mga kamay ng dalaga.

“Wala kang dapat ikatakot, labs. Sabihin mo sa akin kung ano ang dahilan,” mahinahon pa ring sabi ni Hero.

Huminga muna nang malalim si Danna bago nagsalita.

Advertisement

“M-May dapat kang malaman tungkol sa akin, Hero.”

“A-ano iyon, labs?”

Dahan-dahan dumampi ang mga kamay ni Danna sa kaniyang ulo at hinawakan ang mahabang buhok ngunit laking gulat ni Hero nang hilahin ng dalaga ang mga hibla niyon.

“A-ano? Hindi totoo ang buhok mo?!”

Tinanggal ni Danna ang mahabang buhok sa kaniyang ulo na isa lang palang peluka. Tumambad kay Hero ang kalbong ulo ng dalaga.

“Hindi totoo na mayroon akong maganda at mahabang buhok. Isa lang itong peluka na isinusuot ko sa aking ulo dahil ako ay may sakit na ‘alopecia’ kaya nakakalbo na ako. Itinatago ko lang ang pangit kong hitsura sa pelukang ito. Patawarin mo ako, Hero. Maiintindihan ko kung hihiwalayan mo na ako o lalayuan sa natuklasan mo sa aking pagkatao. Natakot lang kasi akong ipagtapat sa iyo dahil ayokong layuan mo ako at pandirihan lalo na ngayong mahal na mahal na kita,” hayag ng dalaga.

Hindi man makapaniwala sa ipinagtapat ni Danna, nilapitan pa rin ni Hero ang nobya at mahigpit na niyakap.

“Bakit hindi mo sinabi agad sa akin? Hindi mo dapat ikahiya ang iyong sarili, mahal ko. Wala akong pakialam kung ganyan ang hitsura mo, kahit wala kang buhok o kung anuman, basta isa lang ang gusto kong sabihin sa iyo. Mahal na mahal kita at tanggap ko ang lahat-lahat sa iyo kahit ano pa ang hitsura mo dahil isa kang mabuting tao, mahal ko,” sabi ng lalaki sa nobya sabay halik sa noo nito.

Advertisement

Napaluha si Danna sa sinabi ng binata. Napagtanto niya na kahit wala siyang magandang buhok ay nananatili pa rin ang pagmamahal sa kaniya ni Hero. Tanggap siya nito anuman ang kaniyang hitsura dahil hindi naman siya minahal ng lalaki dahil sa kaniyang anyo, minahal siya nito dahil sa taglay niyang kabutihan.

“Salamat, Hero. Mahal na mahal kita!”

Mula noon ay wala nang inilihim ang dalaga sa binata. Nagkaroon na rin si Danna ng lakas ng loob at tiwala sa kaniyang sarili.