
Kung Saan na Abutan ng Gutom ay Doon na rin Sila Kakain; Sino nga ba ang Lalaki?
Nasa loob ng sasakyan si Nestor, tahimik na nakikinig sa tugtog ng kaniyang bluetooth speaker at may hawak na libro sa kanang kamay at nagbabasa nang sa hindi sinasadya’y nalingunan niya ang isang lalaking nakatayo sa may bisikleta nito at kumakain.
Base sa suot ng lalaki’y alam niyang isa itong delivery man at mukhang wala na nga yatang ma-pwestuhan kaya kumain na lamang ito sa tapat kung saan naka-park ang bisikleta.
Sa hindi malamang bugso ng damdamin ay lumabas si Nestor upang kausapin ang lalaking nakatayo habang kumakain.
“Boss, bakit hindi kayo pumasok sa loob ng mall at doon na mismo kumain? Mas komportable roon, hindi gaya rito,” kausap niya sa lalaki.
Ngumunguya itong ngumiti saka nagsalita. “Ayos na ako rito, sir. Sa loob kasi ng mall walang signal mahirap makakuha ng booking. Mas maigi na rito, para kapag may booking, alam ko kaagad,” anito.
“Naka-ilang booking ka ba ngayong araw na ito?”
“Matumal nga po e. Isa pa lang ang nakukuha ko. Kanina pa akong alas syete lumabas. Ala-una na ngayon pero hindi pa rin ako nakakakuha ng booking ulit,” anito.
“Paano iyan? Wala kang pang-boundary?” Takang tanong ni Nestor.
Agad namang natawa ang lalaki saka marahang tumangon at nagpatuloy sa pagkain. “Ayos lang iyon sir. Gano’n po talaga. Hindi naman araw-araw ay pasko. May mga araw rin talagang minamalas ka, kasi mahina ang mga booking na napupunta sa’yo.
Minsan naman ay magpasalamat ka na lang kung sa maghapon makakuha ka ng dalawa o tatlo. Basta huwag lang iyong it’s a prank sir, totoong nakakasama talaga iyon ng loob,” mahabang wika ng lalaki.
“Hanggang ngayon ba’y may gumagawa pa rin ng gano’n?”
“Ayy, opo. Iyong kasamahan ko nga sir, iyak talaga siya e. Nagpadeliver ba naman ng halagang limang libo sir, tapos COD. Siyempre, hinanapan niya iyon ng paraan. Inutang pa niya ‘yong limang libo sir, maihatid lang iyong items.
Kaso pagdating doon sa address, walang gano’ng pangalan. Iyak nang iyak ‘yong kasamahan ko, sir. Paano nga ba naman niya iyon babayaran? Malaking halaga rin iyon. Tapos ako mismo naka-incounter ko na rin iyong may nag-order sa’kin. Panghandaan na animo’y may party.
Inabonohan ko rin sir, iyon naman ang papel naming mga delivery man. Pagdating ko sa hahatiran ko, tuwang-tuwa pa silang nakapanloko sila ng tao, sir. It’s a prank daw, nagba-blog lang sila. Ibalik ko na raw sa kumpanya namin. ‘Di ba? Nakakaloko, sir.”
“Anong ginawa mo?”
“Siyempre sir, ‘di ako pumayag. Wala namang kinalaman ang kumpanya sa pag-order nila, tapos bayad na iyong dinala ko sa kanila. Kaya nagreklamo ako sa barangay sir, napilitan silang bayaran ako. Buti sa’kin gano’n ang nangyari. Nakuha ko pa rin iyong pera ko, pero sa kasama ko, hindi na talaga,” anito.
“Kaya nga. Nakakalungkot isipin na may mga taong para sa kanila’y trip-trip lang ang trabaho niyo. Hindi nila alam ang hirap na pinagdadaanan ng mga kagaya niyo,” malungkot na wika ni Nestor. “Kanina nga habang tinitingnan kita’y nakaramdam agad ako nang pagkahabag.
Naisip kong ang hirap ng ginagawa niyo, tapos minsan pa’y nalilipasan kayo ng gutom kasi mas mahalagang maihatid kaagad ang in-order sa inyo. Tapos may mga tao pa ring pinagsasamantalahan kayo. Nakakalungkot lang isipin,” dugtong ni Nestor.
“Ang akala kasi ng iba ay papetiks-petiks lang ang trabaho namin, sir,” nakangiti ngunit bakas ang lungkot sa mata nito. “Hindi nila alam na ulan at init ang sinusuong namin, maihatid lang ang order nila. Lalo na ngayong may pandemya.
Buhay namin ang isinaalang-alang namin para sa kapakanan nila. Mabuti na nga lang ngayon sir ay wala nang gaanong mga gano’ng tao. Siguro naiintindihan na nilang inaabunuhan namin ang order nila at kami ang kawawa kapag pinagtripan nila kami,” nakangiting dugtong pa nito.
“Tama ka r’yan. May kaniya-kaniyang papel ang bawat tao sa mundo. Nagkataon lang na ito ang ginusto mong propesyon. Sana nga’y wala nang mga taong manti-trip pa sa inyo. Ako nga pala si Nestor,” pakilala niya sa sarili.
“Ako nga po pala si Darwin, sir.”
“Mag-iingat ka palagi sa biyahe mo, Darwin. Sana sa susunod na magkita tayong muli ay kumportable ka nang kumakain. Ako kasi ang nahihirapan sa sitwasyon mo kanina. Pakiramdam ko’y hindi ka naman nabusog sa ginawa mo, kasi dumiretso ito pababa,” natatawang wika ni Nestor.
“Naku! Sanay na ako sa gano’ng posisyong kumain, sir. Lalo na ngayong may pandemya, na masyadong naghigpit ang mga malls sa bawat pumapasok. Kaya kaming mga delivery boy ay sinasanay ang sariling kung saan abutan ng gutom ay doon na rin kakain,” nakangiting wika ni Darwin.
“Pagbutihan mo lang ang trabaho mo, Darwin. Isa kayong bayani na maituturing sa bansa natin,” wika ni Nestor bago nagpaalam kay Darwin.
Maituturing na marangal na trabaho ang pagiging delivery man ni Darwin. Kaya sana bago niyo sila pagtripan o isali sa kung anumang walang katuturang kalokohan, isipin niyo muna ang hirap na sinusuong nila sa araw-araw para lamang may kitain at may maipakain sa kanilang mga pamilya.