
Malungkot at Laging Nakatingin ang Aso sa Pintuan ng Ospital; May Hinihintay Pala Itong Lumabas
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nakasanayan na ni Melba ang maglakad mula sa bahay nila hanggang sa kanto kung saan ang sakayan ng mga jeep.
Bago pa man siya makarating sa sakayan ay marami na muna siyang madadaanang malalaking establisyimento, gaya na lang ng malaking ospital sa lugar nila at ang mga fastfood chain na pare-pareho lang naman ang lasa ng chicken. Tapos ang dalawang magkabanggang mall sa naturang lugar.
Ngunit ang mas nakaagaw ng kaniyang pansin ay ang asong halos dalawang linggo na niyang napapansing nakatambay lamang sa may mismong pintuan ng ospital.
“Bantay niyo si doggie, guard?” Tanong ni Melba. Hindi na siya nakatiis, kaya nagtanong na siya mismo sa gwardya ng ospital.
Agad namang umiling ang gwardya at malungkot na ngumiti. “No’ng nakaraang Linggo kasi ay isinugod dito ang amo niya. Hindi ko alam kung ano ang sakit. Pero kasama ang asong iyan nang isinugod rito ang amo niya. Kaso bawal kasi sa loob ang aso, kaya iniwan siya ng mga kasama niya rito sa labas. Hanggang ngayon ay hindi na niya muling nakita ang amo niya’t ang isang kasama nito,” paliwanag ni Denmark ang gwardya sa naturang ospital.
“Kawawa naman,” malungkot na niyuko ni Melba ang asong tila may hinihintay. “Nasaan na pala ang amo niya?”
“Balita ko de@d on arrival ang amo niya. Magdadalawang linggo na siya rito, hinihintay ang paglabas ng amo niya. Kaso paano pa lalabas ang amo niya sa pinasukan nilang pintuan kung nam@tay na ito sa mismong araw na isinugod ito sa ospital,” malungkot na wika ni Denmark. “Kinakausap ko nga ‘yan na hindi na babalik ang amo niya. Kaso hindi pa rin yata siya nawawalan ng pag-asang lalabas ang amo niya sa pintuang iyan at uuwi rin sila. Nand’yan lang siya palagi, naghihintay. Kaya akala tuloy ng lahat, bantay siya riyan,” dugtong pa ng binata.
Mas lalong nasaktan si Melba sa narinig. Man’s bestfriend nga talagang maituturing ang mga aso. Sila ang kaibigang hinding-hindi ka susukuan.
“Doggie,” tawag ni Melba sa aso. Agad naman itong lumingon sa kaniya at nag-alinlangang lumapit. “Hali ka,” anyaya niya sa aso. “Ampunin na lang kita, gusto mo ba? Kawawa ka naman. Hindi ka man lang ba hinanap ng iba mo pang kasama sa bahay?” nahahabag na kausap ni Melba, kahit alam naman niyang hindi ito sasagot sa kaniya.
“Pinapakain naman namin ‘yan dito. Saka pinapaliguan ko rin ‘yan araw-araw. Marami na ang nag-alok na ampunin ‘yan kaso ayaw niyang sumama. Gusto niya na nandito lang siya palagi sa may pintuan. Nagbabakasakali at naghihintay na lumabas sa pintuang iyan ang amo niya,” wika ni Denmark.
Gustong maiyak ni Melba para sa kawawang aso. “Kawawa ka naman. Hayaan mo, aaw-araw kitang kukumustahin rito. Saka ipo-post na rin kita sa social media ko para makita pa ng ibang amo mo na narito ka lang sa ospital at naghinhintay sa kanila,” kausap ni Melba sa asong animo’y naiintihand siya sapagkat nakatingin ito sa kaniya na para bang nagmamakaawa at humihingi ng tulong.
Iyon na nga ang ginawa ni Melba. Pinicturan niya si Doggie, saka ipinost sa social media account niya at kumalat nga iyon. Makalipas ang isang Linggo ay may mag-asawang pumunta sa ospital at umiiyak na sinundo si Doggie.
“Salamat sa pag-aalaga kay Jackie ah,” mangiyak-ngiyak na wika ni Yolly. “Ang totoo’y akala talaga namin ay tuluyan na siyang nawala. Noon kasing isinugod si Oliver dito ay hindi namin napansin na sumama pala siya,” humihikbing wika ng ale. “Matagal nang may liver c@ncer ang anak kong si Oliver, at ang tanging naging kaibigan niya na lang mula noong nagkasakit siya’y si Jackie. Masyado kaming nag-pokus noon kay Oliver, nakalimutan naming kagaya namin ay nagluluksa rin pala ang aso niyang si Jackie,” tumatangis na wika ni Yolly, yakap-yakap si Jackie.
Hindi naman napigilan ni Melba ang hindi maiyak sa kwento ni Aleng Yolly.
“Salamat, Melba ah. Kung hindi dahil sa’yo. Hindi namin malalaman na narito lang pala si Jackie, patuloy na naghihintay sa paglabas ni Oliver,” humahagulhol na wika ni Yolly.
“Tahan na po kayo, ma’am,” alo ni Denmark. “Ang totoo niyan ay matagal rin po kayong hinintay ni Do— ahh, Jackie. May mga tao pong naawa sa kaniya at gusto siyang ampunin na lang. Pero hindi po siya sumasama. Nariyan lang po siya sa may pintuan, naghihintay at nagbabakasakaling makita niya kayo ulit,” paliwanag pa ng binata.
“Kitang-kita naman ang saya sa mga mata ngayon ni Jackie, Ma’am Yolly. Alam kong kahit wala na si Oliver, masaya pa rin iyang si Jackie. Kasi nakabalik na siya sa poder ninyo,” masayang kausap ni Melba sa ale. Saka binalingan si Jackie. “Mag-iingat ka roon ah. Bisitahin mo kami rito minsan. Mamimiss kita,” mangiyak-ngiyak na wika ni Melba.
Sa wakas ay nakabalik na rin ang naligaw na aso sa kaniyang totoong pamilya. Aso lang si Jackie, ngunit taglay naman niya ang pusong tao. Kahit malabo nang balikan siya ng kaniyang mga amo ay nagpatuloy pa rin siya sa paghihintay at sa pagkapit sa pag-asang makakasama niya ulit ang mga ito.