Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Kaniyang Asawa at Napagbuhatan Siya ng Kamay; Iyon ay Dahil Lamang sa Limang Daang Piso

Nagalit ang Kaniyang Asawa at Napagbuhatan Siya ng Kamay; Iyon ay Dahil Lamang sa Limang Daang Piso

Umiiyak at may black-eye sa kanang bahagi ng mata si Jenna, habang nagsusumbong sa Punong Barangay, tungkol sa ginawa ng kaniyang malupit na asawang si Arnold.

“Ano ba kasi ang ginawa mong kasalanan, Jenna?” Mahinahon ngunit bakas ang awa sa boses ni Kapitan Nonoy, dahil sa nakitang pasa sa mukha ng babae.

“Hindi ko po maisip na kasalanan ang ginawa ko kap,” humahagulhol pa ring wika ni Jenna. “Binigyan kasi ako ni Arnold ng isang libong piso, para pambili ng gatas sa anak namin. Iyong isang libo na iyon, gusto pa niyang ibalik ko sa kaniya ang limang daan.

Kaso, kap, mahal ang gatas ng anak ko. Kaya ang naibalik ko na lang sa kaniya’y dalawang daang piso. Ang sabi niya’y kinukupitan ko pa raw siya. Kaya sinuntok niya ako at pinagpapalo ng kung ano-anong mahawakan niya,” nagsusumbong na wika ni Jenna, habang walang tigil sa pag-agos ang kaniyang mga luha.

Matagal na siyang pinagbubuhatan ng kamay ni Arnold, ngunit ito ang pinakamalala. Nagtamo siya ng malaking pasa sa may kanang bandang mata at nararamdaman pa niya ang sakit sa bawat palo nito sa kaniya kanina.

“Magpaliwanag ka, Arnold! Bakit mo ito ginawa sa asawa mo?” Tanong ni Kapitan Nonoy sa lalaki.

“Lagi na lang po kasi niyang ginagawa ang bagay na iyon sa’kin, kap. Kapag binibigyan ko siya ng pera, imbes na para lang talaga sa pangangailangan niya ang bilhin. Minsan binibili pa niya ng mga walang kakwenta-kwentang bagay,” nakayukong paliwanag nito.

“Ano naman ang mabibili kong iba sa isang libo, Arnold, bukod sa gatas ng anak mo?” Sagot ni Jenna, umiiyak pa rin. “Wala ka na ngang ibinibigay na pera sa’kin. Kasi ang katwiran mo palagi ay magastos ako.

Kapag aalis ka papuntang trabaho. Iiwanan mo lang ako ng bente, kasi sabi mo may gatas naman si baby, kaya magtipid ako. Hindi na nga ako nagrereklamo sa’yo kahit lagi na lang itlog at tuyo ang ulam ko. Basta ang mahalaga lang ay may gatas ang anak natin.

Tapos bubug*b*gin mo ako sa perang hindi ko naman talaga ginalaw. Sana ikaw na lang ang bumili ng gatas ng anak mo para hindi mo ako pinagdudahan!” Naiinis na litanya ni Jenna.

Napapailing na lamang sa inis si Kapitan Nonoy, dahil sa mga narinig na sinabi ni Jenna. “Grabe ang lupit mo pa lang asawa, Arnold!” Hindi makapaniwalang wika nito.

“Talagang malupit, kap!” Segunda ni Jenna.

“Magastos ka—”

“Alam mo Arnold, ito lang ang payong ibibigay ko sa’yo bilang ako ang nakakatanda sa inyong dalawa. Nag-asawa ka, tapos nagkaroon kayo ng anak. Hindi por que may anak ka’y hindi mo na oblibasyon ang asawa mo.

Mas dapat mong unahin ang asawa mo, dahil kung hindi dahil kay Jenna, ay hindi ka magkakaroon ng anak. Kung pakakainin mo ang anak mo, dapat pakainin mo rin ng tama ang asawa mo. Dahil pareho mo silang obligasyon.

Sabihin na nating naiinis ka kasi magastos ang asawa mo, kaya ikaw na ang humahawak sa sarili mong sahod. Karapatan mo pa rin siyang iwanan ng pera para sa pagkain niya. Nanay ‘yan ng anak mo e. Siya ang nagbabantay at nag-aalaga sa anak niyo.

Kapag kumuha kayo ng katulong para bantayan ang anak niyo, hindi pwedeng bente lang ang ibigay mo. Sana iyan ang isipin mo. Masyado mo namang inaalila ang asawa mo na tila ba wala siyang halaga sa’yo.

Kapag sinabi ni Jenna, na makipaghiwalay na siya sa’yo’y susuportahan ko siya, Arnold. Hindi niya nararapat ang isang walang kwentang asawa na kagaya mo,” dire-diretsong wika ni Kapitan Nonoy.

“Makikipaghiwalay na po ako sa kaniya, kap. Ilang beses na niyang ginawa ang bagay na ito sa’kin, hindi lang ako nagrereklamo kasi iniisip ko na baka nga may mali ako. Pero ngayon ay punong-puno na ako, kap. Ayoko na po siyang makasama at gusto kong suportahan na lamang niya ang anak namin,” matigas na wika ni Jenna.

Pumalag man si Arnold ay nagmatigas na si Jenna. Kahit anong hingi nito ng tawad ay hindi na niya ito pinatawad pa. Ayaw na niyang maulit ang nangyari sa kaniya. Natatakot siyang baka kapag nagbalikan sila’y mas higit pa ang magawa ni Arnold sa kaniya.

Magkaayos na lamang sila alang-alang sa anak nila. Pero sila bilang mag-asawa ulit ay huwag na. Hindi pa naman sila kasal, kaya walang rason para magpaka-martyr siya.

Tinulungan naman siya ni Kapitan Nonoy na makauwi sa probinsya nila sa Masbate, kaya laking pasasalamat niya rito. Hindi man maganda ang kinahinatnan nilang dalawa ni Arnokd, nagpapasalamat pa rin siya dahil binigyan siya nito ng isang anghel na makakasama niya habang buhay.

Advertisement