Inday TrendingInday Trending
Walking Sari-Sari Store ang Bansag Niya sa Sarili; Hindi Niya Naisip na Bukod sa mga Tinitinda’y Nakakapagbigay rin Siya ng Inspirasyon sa Ibang Tao

Walking Sari-Sari Store ang Bansag Niya sa Sarili; Hindi Niya Naisip na Bukod sa mga Tinitinda’y Nakakapagbigay rin Siya ng Inspirasyon sa Ibang Tao

Pagod, bagot, antok at naiinis na si Melvin sa buhay niya. Sa paulit-ulit na nangyayari sa kaniyang buhay. Nagtatrabaho siya para bayaran lamang ang mga bills na dapat niyang bayaran. Nagtatrabaho siya para may maipadala siya sa kaniyang pamilya. Sa madaling salita’y nagtatrabaho siya para lang mabuhay. Iyon lang at wala nang iba.

  • Ang buong akala niya noon. Kapag nagkatrabaho na siya’y magagawa na niya ang lahat ng gusto niyang gawin. Matutupad na niya ang pangarap niyang maging. Mabibili ang pangarap na bahay. Mabibili ang mamahaling sasakyan. Makaka-ikot sa kung saan-saang bahagi ng mundo.

    Ngunit mali pala siya! Kaya nakakabagot ay nakakainis na ang buhay niya.

    “Má, bayad po,” abot ni Melvin sa nuwebe pesong barya, pambayad sa jeep.

    Pitong taon na siyang nagtatrabaho sa kumpanyang pinapasukan niya. Subalit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nabiling sasakyan! Ang bahay naman na kaniyang tinitirhan ay loan pa.

    Malalim ang kaniyang iniisip ng biglang may sumampa sa jeep na isang lalaki. Kung ang ibang tindero sa lansangan ay may kaniya-kaniyang bitbit, gaya ng tubig at basahan. Maliit na kahoy na may lamang mga candy at yosi. Ang taong ito naman ay tila sari-sari store na naglalakad, ginawang sabitan ang sariling damit.

    “Oh! Bili na kayo, mura lang may sukli ka pa,” alok nito saka umupo sa tapat ng bakanteng upuan niya. “Kuya, mukhang mainit ang ulo mo. Bili ka na ng candy. Pampalamig ng nagliliyab na inis,” nakangiting wika pa ng lalaki.

    Bilib rin naman siya rito. Hindi madaling bitbitin ang mga nakasabit sa damit nito. Idagdag pa ang init ng araw at pagod sa kakasampa at baba sa bawat jeep. Pero nakukuha pa rin nitong ngumiti at magbiro. Samantalang siya—

    “Meron din akong tubig dito kuya,” anito sabay lahad ng tubig na nagyeyelo pa. “Masyado nang mainit ang araw. Huwag na nating dagdagan,” nakangiti pa ring banat ng lalaki.

    “Anong pangalan mo kuya?” Walang ibang lumabas sa bibig ni Melvin, kung ‘di ang magtanong rito.

    “Johnny po.”

    “Hindi ka ba nahihirapan sa buhay mo?”

    Agad namang sumilay ang ngiti sa labi ni Johnny. “May madali po bang buhay, sir? Kahit tambay sa kanto, kapag tinanong mo sila kung nahihirapan na rin ba sila sa buhay nila’y isasagot rin nila sa’yo na oo, ang hirap ng buhay,” nakatawang sagot nito.

    Dahilan upang makitawa na rin ang iba pang pasahero.

    “Sabagay tama ka,” mahinang sambit ni Melvin.

    “Wala naman pong madali. Habang nabubuhay ka, pagdadaanan mo talaga ang hirap ng buhay. Nasa sa’yo na lang iyon kung papaano mo ito dadalhin. Kung idadaan mo sa inis at pagkabagot, mai-stress ka lang at baka mabaliw ka pa.

    Pero kung tatawanan mo lang ito at dadalhin ng tila ba walang kahirap-hirap, magaan lamang ang daloy ng buhay. Lagi niyong tatandaan, sir, na hindi lahat ng gusto natin ay siyang nangyayari. Ako nga ginusto kong maging abogado, kaso tingnan niyo naman kung ano lang ako. Walking sari-sari store sa lansangan,” biro pa ni Johnny.

    Agad namang nagtawanan ang lahat pati na si Melvin sa sinabi ng lalaki.

    “Pero kahit ganito ako’y patuloy pa rin naman akong nangangarap. Libre lang namang mangarap kaya lubos-lubosin na natin ‘di ba. Huwag lang nating i-pressure ang sarili natin. Sumabay lang tayo sa agos ng buhay.

    Kasi naniniwala ako kapag may sipag at tiyaga ka, may lalagain ka talaga pagdating ng araw.” Mahabang bigay pangaral ni Johnny. “Huwag mong sabayan ang init ng araw, sir. Baka ma-stroke ka. Kapag nangyari ‘yon, mas mahirap nang mangarap,” dugtong pa nito.

    Pabirong salita, pero lahat ay may malalim na laman. Tama si Jonny. Huwag mong madaliin ang lahat. Maging kalmante ka lang. Hindi pa man nangyayari ang lahat ng gusto mo sa ngayon, pasasaan ba’t may magandang kahihinatnan naman ang lahat ng pagsisikap mo.

    “Ang galing mo namang magbigay ng inspirasyon,” humahangang wika ni Melvin, ang kaninang inis ay biglang nawala.

    “Oh! Deserve ko naman siguro ang makabenta sa’yo sir ‘no,” nagbibiro pa ring wika ni Johnny.

    “Oo naman. May tip ka pa sa’kin,” nakangiti nang wika ni Melvin.

  • Ang sarap sa pakiramdam na may nagpapaalala sa’yong hindi isang malaking paligsahan ang buhay. May kaniya-kaniya tayong direksyon ng tagumpay. Kung ang iba’y mas napaaga, hintayin mo ang sa’yo.

    Iba-iba ang kapalaran ng bawat tao. It’s better late than never, ika’ nga sa kasabihan. Huwag lagyan ng pressure ang sarili. Matutong lasapin ang buhay. Isang beses ka lang mabubuhay, kaya gawin mo itong masaya, magaan, at positibo.

    Advertisement