Inday TrendingInday Trending
Nilisan ng Dalaga ang Nobyong Tutol sa Kaniyang Pagbubuntis; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito na ang Nangyari sa Kaniya

Nilisan ng Dalaga ang Nobyong Tutol sa Kaniyang Pagbubuntis; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito na ang Nangyari sa Kaniya

“Anong buntis ang sinasabi mo, Lorie? Alam mong hindi ka p’wedeng magbuntis dito sa ibang bansa at mahigpit dito! Parehas tayong malilintikan!” galit na sambit ni Jeremy sa kaniyang nobyang si Lorie.

“Anong gagawin ko, Jeremy? Akala ko ba nung ginagawa natin ‘tong bata na ito ay mahal mo ako at hindi mo ako pababayaan. Ano ngayon ‘yang sinasabi mo?” tugon naman ng dalaga.

“Mahal kita. Pero tingnan mo ang sitwasyon natin dito! Hindi pa tayo kasal saka isipin mo ngayon lang tayo nakakapagtrabaho nang maayos dito. Tapos, magbubuntis ka?” muling wika ng binata.

“Kailangan mong ipaalis ‘yang bata na ‘yan. Gumawa ka ng paraan para alisin ‘yang bata na niyan sa sinapupunan mo. Hindi ka pa p’wedeng mabuntis!” dagdag pa ni Jeremy.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Jeremy? Gusto mong p@tayin ko ang sarili kong laman at dugo. Nahihibang ka na ba? Anong klaseng lalaki ka?!” sagot naman ni Lorie.

“Basta, hindi p’wedeng narito ang batang ‘yan kasi sisirain niyan ang lahat ng nasimulan natin dito sa ibang bansa,” saad pa ng nobyo.

Dalawang taon pa lang kasi nagtatrabaho sa isang bansa sa Middle East itong sina Jeremy at Lorie. Nagkakilala sila sa trabaho. Makalipas ang ilang buwan ng relasyon ay nagpasya silang magsama na. Noong una ay puno ng pangako si Jeremy kay Lorie. Ngunit nang makuha na niya ang dalaga at nang mabuntis ito ay masyado niya itong tinututulan. Pinipilit niya si Lorie na ipalagl@g ang bata.

Kahit na maganda na ang trabaho ni Lorie ay hindi niya nais gawin ang iniuutos ng nobyo.

“Saan ka naman ngayon pupunta?” sigaw muli ni Jeremy.

“Uuwi ng Pilipinas. Kung hindi mo kayang panagutan ang batang ito ay mas mabuti na lang na palakihin ko siyang mag-isa. Hindi ko kayang makisama sa isang lalaking walang pakialam sa akin at sa magiging anak niya,” pagtangis ni Lorie.

Masakit man ay tuluyan ng nilisan ni Lorie ang kasintahan. Mas masakit ay hindi man lamang siya nito pinigilan nang siya ay umalis.

“Bahala ka sa buhay mo kung ‘yan ang gusto mo. Sayangin mo lahat ng nasimulan natin para lang sa bata na ‘yan!” sambit pa ni Jeremy.

Hindi naging madali ang pag-uwi ni Lorie. Hindi rin niya kasi alam kung paano ipapaliwanag sa kaniyang pamilya na umaasa sa kaniya ang lahat. Nang malaman ito ng ina ng dalaga ay pinalayas din s’ya nito.

“Kahihiyan ka sa pamilyang ‘to! Akala ko pupunta ka ng ibang bansa para magtrabaho bakit nagpabuntis ka lang don? Hindi mo kami iniisip. Tapos, ano? Hindi ka pananagutan at ikaw pa ang nagmamalaki. Wala ka talagang isip!” saad ng ina ni Lorie.

Dahil hindi na siya tanggap sa bahay nila ay umalis muli si Lorie at naghanap ng malilipatan. Isang kwarto na ipinaupa sa kaniya ng isang kaibigan.

“Pasensiya ka na. Itong silid na ito lang ang ma-ibibigay ko sa’yo ngayon. Hayaan mo ipapaayos ko kaagad ito. Bigla-bigla naman kasi ang paglipat mo,” saad ni Troy, kaklase niya noong kolehiyo.

“H’wag kang mag-alala. Ayos lang ako rito. Basta may masisilungan kami ng anak ko, kayang-kaya kong magtiis,” tugon naman ni Lorie.

“Paano ka na niyan ngayon? Wala ka ng trabaho at tinalikuran ka na ng pamilya mo, tapos ay ayaw ka pang panagutan ng nakabuntis sa’yo.” tanong ng kaibigan.

“Bahala na. Basta kailangan kong protektahan ang anak kong ito sa kanilang lahat. Hindi man kasi siya inaasahan ay hindi dahilan ‘yun para hindi siya mahalin. Kakayanin ko ang lahat. Ibibigay ko sa kaniya ang lahat ng kailangan niya,” pahayag muli ni Lorie.

Kahit mahirap ay kinaya ni Lorie ang lahat. Nagtinda siya ng kung anu-ano hanggang sa nakapagpatayo siya ng sarili niyang tindahan. Nanganak si Lorie ng tanging ang kaibigang si Troy lamang ang kasama sa ospital.

“Babae ang anak mo, Lorie! Napakaganda at napakalusog niya!” masayang wika ni Troy.

“Binabati po namin kayo at malusog ang sanggol,” saad ng komadrona na nagpaanak kay Lorie.

Nagtaka si Lorie sapagkat hindi naman niya asawa si Troy.

“Pasensiya ka na. Naghahanap kasi sila kanina ng tatay. Akala nila ay ako. Kaya hindi ko na tinanggihan pa,” wika ng binata.

Napangiti na lamang si Lorie sa ginawa ng kaibigan.

Kahit na solong katawan lamang ni Lorie ay nagawa niyang itaguyod ang anak. Dala-dala niya ito sa pagtitinda ng mga lutong ulam. Kahit anong hirap ay hindi niya ininda dahil para sa kaniya ay anak na niya ang kaniyang prayoridad.

Madalas ay tinutulungan din siya ni Troy. Tanging ang binata lamang ang naging kasangga niya sa hirap at dusa. Ni hindi nga siya nakatanggap ng kahit anong suporta mula sa kaniyang pamilya at dating kasintahan.

Isang araw ay nagulat si Lorie ng may iniabot na sobre sa kaniya ang binatang kaibigan.

“A-ano itong pera na ito, Troy? Bakit mo binibigay sa akin ito?” pagtataka ng dalaga.

“Ayan ‘yung lahat ng nabayad mo sa renta dito. Saka dinagdagan ko na rin, Lorie, para nang sa gayon ay magtayo ka na lang ng kainan. Kahit isang maliit na karinderya lang. Nang sa gayon ay hindi ka na mahirapan pang maglako,” saad naman ng binata.

Labis itong ikinatuwa ni Lorie. Sa totoo lang kasi ay napapagod na rin siya.

Dahil sa dami ng bumibili at naging patok ang kaniyang karinderya ay nakapagtayo na siya ng isang restawran. Sa tulong din ni Troy ay unti-unti nila itong napalago at hindi nga naglaon ay nakamit na ng mag-ina ang buhay na inaasam-asam.

Isang araw ay muling nagbalik si Jeremy sa kanilang buhay. Natanggal na rin pala ito sa trabaho sa ibang bansa. May nakapagbalita sa kaniya ng sinapit ng mag-ina kaya agad niya itong pinuntahan.

“Baka p’wede pa nating buuin muli ang pamilya natin. Kailangan ng anak natin ng ama. Ayaw mo ba ‘yun ibigay sa kaniya?” sambit ni Jeremy sa dating kasintahan.

“Oo, tama ka, Jeremy. Kailangan nga ng anak natin ng tatay. Pero nasaan ka noong mga panahon na higit niya niyang kailangan. Natatandaan mo pa ba nung araw na gusto mo siyang mawala sa landas natin? Sana ay naaalala mo pa dahil ako, tandang-tanda ko, Jeremy,” saad ni Lorie.

“Tama ka, kailangan nga niya ng ama. Mabuti na lamang ay nandito si Troy. Kahit hindi niya kaanu-ano ang anak natin ay itinuring niyang parang sa kaniya. Napunan na niya ang pagkukulang mo sa amin ng anak ko. Kaya hindi ka na namin kailangan. Ikinasal na kami at siya na ang legal na ama ng anak ko,” pahayag ni Lorie.

Lubos na panghihinayang at pagsisisi ang naramdaman ni Jeremy. Ngunit hindi niya masisisi ang lahat ng desisyon ni Lorie sapagkat siya ang dahilan kung bakit ito nakaranas ng paghihirap. Mabuti na lamang ay nariyan si Troy na umagapay at nagmahal kay Lorie lalo na sa mga panahong walang nais na tumulong at tumanggap sa kaniya.

Advertisement