Inday TrendingInday Trending
Buong Akala ng Bata, Nagtatrabaho sa Ibang Bansa ang Ama at Nakakausap Lamang Online; Nasaan Nga Ba Ito?

Buong Akala ng Bata, Nagtatrabaho sa Ibang Bansa ang Ama at Nakakausap Lamang Online; Nasaan Nga Ba Ito?

Masayang-masaya ang pakiramdam ni Lilibeth, 6 taong gulang, dahil maganda ang kaniyang panaginip. Namamasyal daw silang tatlo ng kaniyang Mama at Papa sa isang malawak na amusement park sa ibang bansa. Nagtatatakbo raw siya at sumakay sa iba’t ibang rides. Ang kaniyang Papa, na limang taon na rin niyang hindi pa nakakasama dahil nagtatrabaho sa ibang bansa bilang OFW, ay nakangiti at kumakaway-kaway pa sa kaniya.

“Mama, kailan kaya uuwi rito sa Pilipinas si Papa? Gusto ko na siya makasama dito sa bahay,” maya-maya ay tanong ni Lilibeth sa kaniyang Mamang si Lourdes.

Napahinto si Lourdes sa ginagawa niyang pagpapakain sa anak. Napasulyap kay Lilibeth.

“Naku matatagalan pa, anak. Hindi ba sinabi ko na sa iyo, matagal ang kontrata ng Papa mo sa ibang bansa?” sagot ni Lourdes.

“Saang bansa nga po, Mama?” Nakalimutan ko na po eh…” tanong ni Lilibeth.

“Sa ano… sa… Qatar. Pag bumalik na ang Papa mo rito sa atin, magsasawa ka sa chocolates. Kaya magpakabait ka. Kailangan makatapos ka ng pag-aaral mo, iyan ang gusto niya para sa iyo.”

“Mama, kailan natin makakausap ulit si Papa sa online parang noong nakaraan?” muling usisa ni Lilibeth.

“Bukas. Maghanda ka ha. Gusto ko ibida mo sa Papa mo ang natanggap mong medal sa First Grading. Sabihin mo sa kaniya na nasa top 10 ka. Ipakita mo sa kaniya yung certificate at medal na ibinigay ng teacher mo,” bilin ni Lourdes.

Pagkakain, nasasabik na inilabas ni Lilibeth ang sertipiko at medalyang natamo niya para sa Unang Markahan, patunay na isa siyang outstanding pupil sa pribadong paaralan kung saan siya nag-aaral. Nasasabik ulit siyang makausap ang Papa niya online. Noong nakaraang linggo, nakausap niya ito sa loob lamang ng 30 minuto. 25 minuto pa lamang, natapos na ang kanilang usapan. Napakabilis. Kailangan na raw niya kasing umalis at bumalik sa trabaho. Magagalit daw ang amo niya kapag lumagpas siya sa oras ng pakikipag-usap.

Iyon ang unang beses na nakaharap niya ang kaniyang Papa. Hindi na niya ito nakalakhan. Lumaki siyang nasa pangangalaga ng kaniyang Mama. Basta alam niya, ipinagbubuntis pa lamang siya ng kaniyang Mama, nasa ibang bansa na ang kaniyang Papa. Sa totoo lang, hindi naman Qatar ang natatandaan niyang bansang pinagtatrabahuhan ng Papa niya: ang pagkakatanda niya, binubuo ito ng dalawang salita. Hindi niya matandaan kung Saudi Arabia o Abu Dhabi. Basta ang alam niya, matagal na itong OFW o nagtatrabaho sa ibang bansa.

At dumating na ang araw nang muling pag-uusap nina Lilibeth at ang kaniyang Papa sa pamamagitan ng video conferencing.

“Hello Papa! Kumusta po? Papa oh, nasa top 3 ako sa First Grading, may medal ako at certificate…” pagbibida ni Lilibeth sa kaniyang Papa. Ipinakita niya ang mga hawak sa camera ng laptop. Nakangiti naman ang kaniyang Papa. Napansin ni Lilibeth na may pasa sa kanang pisngi ang kaniyang Papa.

“Ang galing-galing naman ng anak ko! Manang-mana sa Papa niya. Gagalingan mo lagi ah? Ipinagmamalaki ka namin ng Mama mo. Maging mabuti kang mag-aaral. Hayaan mo, kapag nakabalik na ang Papa riyan, babawi ako sa ‘yo anak. Miss na miss na kita…” nabasag ang tinig ng kaniyang Papa. Nangilid ang luha. Napasulyap si Lilibeth kay Lourdes. Nakita niyang naiiyak din ito.

“Yes Papa. Kahit tanungin n’yo po si Mama mabait po ako,” sabi ni Lilibeth. Ngumiti naman si Lourdes at ginusot ang kaniyang mahabang buhok.

Ang kaniyang Mama at Papa naman ang nag-usap. Umalis sandali si Lilibeth upang kumuha ng tubig subalit pinakikinggan niya pa rin ang pag-uusap ng dalawa. Narinig niyang humina ang boses ng Mama niya, subalit naririnig pa rin niya.

“Napaano iyang pasa mo sa mukha?” narinig niyang tanong ng Mama niya.

“Wala. Pinag-initan na naman ako ng isa kong kosa rito. Wala naman akong ginagawang masama. Kaya ko pa naman magtimpi. Nagsumbong na ako, papalipat ako ng ibang selda…”

“Mag-iingat ka riyan. 15 taon na lang. Maghihintay kami ni Lilibeth sa ‘yo… I’m sure by that time, maiintindihan niya ang lahat. Huwag kang magpapasaway sa mga kasama mo riyan. Magsumbong ka lagi sa warden kapag…”

Naputol na ang pagsasalita ni Lourdes nang may lumapit na isang unipormadong lalaki sa kaniyang asawa.

“Hoy tama na ‘yan. May susunod pa sa ‘yo. Sa susunod na lang,” marahas na sabi nito.

Tumango-tango ang mister. Sumenyas ng pagsang-ayon.

“Aalagaan mong maigi si Lilibeth. Alagaan mo ang sarili mo. 15 taon na lang at makakalaya na ako. Magsasama-sama ulit tayo. Babawi ako sa inyo…” naiiyak na sabi nito. Hindi na ito nakapagpaalam kay Lilibeth dahil biglang nawala na ito sa linya.

Pinahid ni Lourdes ang kaniyang mga luhang tila ilog na bumabalong sa kaniyang pisngi. Sinulyapan niya si Lilibeth na nakamata lamang sa kaniya. May mga tanong sa mga mata nito, ngunit hindi binigkas ng kaniyang mga labi. Tinawag niya ang anak at niyakap ito.

Sa mahabang panahon, itinago nila kay Lilibeth ang katotohanan; kung nasaan ba talaga ang Papa nito. Nakulong ito sa panahong ipinagbubuntis pa lamang niya ang anak. Mahigpit ang bilin ng mister na huwag sabihin sa anak kung nasaan ba talaga siya, na nasa Pilipinas lamang talaga siya, at nasa isang silid na may mga rehas na bakal, dahil sa kasalanang hindi naman siya ang may gawa.

Mabuti na lamang at nauso na ang “E-Dalaw.” Balang araw, sasabihin din nila kay Lilibeth ang totoo, at alam niyang mauunawaan nito ang lahat…

Advertisement