Simple Lamang Dapat ang Tarayan sa Eksena, Subalit Tinotoo ng Kontrabida ang Pagsampal sa Bida sa Taping ng Teleserye; May Ahasan Daw Palang Nagaganap

“Cut! Excellent scene!”

Nagpalakpakan ang direktor, staff at crew sa mahusay na eksenang kinuhanan para sa taping ng isang teleserye. Ang bida na si Estelle, na hilam na hilam ang mga mata sa luha dahil sa mabigat na eksena ng dramahan, ay nagpahid ng kaniyang mga luhang kung tutuusin ay hindi naman totoo. Hindi raw siya makaiyak kaya nagpalagay na lang kunwari ng mga tubig sa kaniyang mukha.

Clapper Board Used On Green Stock Footage Video (100% Royalty-free)  10573436 | Shutterstock

“Bravo! Parang totoo ang pag-iyak mo Estelle,” papuri ng direktor sa bida, na halos luhuran at sambahin ng lahat sa set, dahil napakasikat nito ngayon, at halos may dinadalang catering para sa lahat. Ito ang itinuturing na “Primetime Queen” ng SNB Network, ang pinakamalaking TV station sa bansa.

“Talaga ba, direk! Thank you! Dahil diyan, padadalhan kita ng lechon!” saad ni Estelle habang hindi magkandatuto ang kaniyang PA o personal alalay sa pagpunas sa kaniyang mukha. 

“Ano ba?! Dahan-dahan naman, kita mong kausap ko si Direk oh. Wala ka talagang breeding. Pasensiya ka na direk ha, tatanga-tanga talaga ‘tong alalay ko eh,” paghingi ng pasensiya ni Estelle. Tila ang direktor naman ang napahiya sa inasal ni Estelle dahil pahiyang-pahiya ang PA. Pulang-pula ang mukha nito dahil napakalakas ng boses ni Estelle, at nadinig ng lahat ang sinabi nito ukol sa alalay. 

Subalit sanay na ang lahat sa tunay na ugali ni Estelle. Kung anong ikinabait ng mga roles nito sa teleserye, kabaligtaran naman sa tunay nitong asal. Kung mahinhin at hindi makabasag-pinggan ito sa harap ng press at camera, askad, talakera, at mabigat ang kamay nito sa mga alalay at iba pang staff at crew,

Inaaral mabuti ni Lorraine ang kaniyang linya dahil makakasama niya sa eksena si Estelle. Si Lorraine naman ang kontrabida sa teleserye. Sikat na sikat din si Lorraine, at pilit silang pinagbabangga ni Estelle ng kani-kanilang mga fandom. Subalit kung ang karakter ni Lorraine sa teleserye ay masama at palengkera, kabaligtaran naman sa tunay niyang ugali. Mas magiliw siya sa mga staff at crew gayundin sa kaniyang mga personal na assistant.

“Miss Lorraine, susunod na pong kukuhanan ang eksena ninyo with Miss Estelle. Standby na raw po in 10 minutes. Nagpalit lang po ng wardrobe si Miss Estelle. Tatawagin ko na lang po kayo,” magalang na paalala ng production assistant.

Advertisement

“Salamat, dear. O kumusta naman ang mood ng bida natin?” pabirong tanong ni Lorraine sa production assistant.

“Hay naku, pinahiya na naman ang PA niya sa harapan mismo ni direk. Prima donna na naman! Dapat talaga ikaw na lang ang bumida rito eh, mas totoo naman na ikaw ang mas mabait sa kaniya. Kung hindi lang malakas sa network eh…” pabulong na balita ng production assistant.

“Ikaw talaga… sige na balik na sa trabaho. Mag-retouch lang ako saglit,” pabirong sabi ni Lorraine.

Habang nagreretouch ng kaniyang make up, binabasa ni Lorraine ang kaniyang script para sa eksenang kukuhanan sa kanila ni Estelle. Kaunting komprontasyon lang naman, hindi ganoon kabigat ang mga linyahan. Parinigan lamang, at magtititigan nang matalim sa isa’t isa.

Maya-maya, tumunog ang cellphone ni Lorraine. Binasa niya ang mensahe.

“Lorraine, nabalitaan mo na ba? Sina Estelle at Carlos Juancho na raw. Search mo sa net,” text sa kaniya ng kaniyang kaibigan.

Mabilis na sinaliksik ni Lorraine ang internet, at nakita nga niya ang balita. Mula mismo kay Estelle ang kompirmasyon na sila na ni Carlos Juancho, ang leading lady nito sa naturang serye, na sa totoong buhay, ay kasintahan ni Lorraine.

Sikreto lamang ang relasyon nina Lorraine at Carlos Juancho dahil nakasaad sa kontrata nila na dahil bini-build up ang tambalan nina Estelle at Carlos Juancho, hindi sila maaaring ma-link sa ibang babae, o kaya naman ay amining may iba silang karelasyon.

Advertisement

Nanginginig ang mga kamay na tinawagan ni Lorraine ang nobyo upang kompirmahin ang balita.

“Anong ibig sabihin ng nabasa ko? Sabihin mo nga sa akin. Publicity lang ‘yon hindi ba?” untag ni Lorraine sa nobyo. Hindi sumagot si Carlos Juancho.

“Patawarin mo ako, Lorraine. Totoo ang sinabi ni Estelle. It’s not you. It’s me. Naging marupok ako… lagi kaming magkasama sa eksena. Laging sweet at intimate ang mga nagagawa namin. Patawarin mo ko. Again, it’s not you… it’s me. Ako ang may kasalanan. You are such a loving per…”

Hindi na natapos ang anumang boladas na sasabihin ni Carlos Juancho. Agad na ibinaba na ni Lorraine ang cellphone. Isa pa, tinawag na siya ng production assistant dahil magsisimula na raw sila.

“Okay. Ready, Estelle, Lorraine? Pinulot Ka Lang Sa Putik and 1, 2, 3… action!” sigaw ng direktor.

Walang humihinga sa set dahil alam ng lahat na take 1 lang kapag sina Estelle at Lorraine na ang magkaeksena. Pawang mahuhusay at dalang-dala nila ang kanilang mga roles. Subalit nagulat ang direktor, maging ang mga production assistant, dahil nagdagdag ng adlib si Lorraine.

“Walang hiya kang malandi ka! Ikaw, wala kang lugar sa mundong ito, alam mo kung bakit? Ahas ka! Nababagay ka sa putik! Pinulot ka lang sa putik!” linya ni Lorraine, sabay igkas ng kamay at binigyan niya ng nakatutulig na mag-asawang sampal si Estelle, na nakapagpatumba rito. Dahil wala naman talaga sa script na sasampalin siya ni Lorraine, hindi siya nakapaghanda, kaya sa matinding gulat ay nawalan siya ng balanse. 

“Cut! What was that?” tanong ng direktor.

Advertisement

“Bakit mo ako sinampal, Lors? Wala naman sa script na sasampalin mo ‘ko ah…” nagtatakang tanong ni Estelle habang hawak ang mga pisngi. Masakit na masakit ang mukha niya sa mga sampal mula sa kaeksenang si Lorraine. Dito, napaiyak na siya nang totoo.

woman Crying" photos, royalty-free images, graphics, vectors & videos |  Adobe Stock

Maang-maangan kunwari si Lorraine. Kunwa’y tinutop ang bibig.

“I’m so sorry Estelle, direk… na-carried away ako sa scenes eh. Nadala ako sa eksena. Ang galing kasi ni Estelle eh… sorry, kailangan bang ulitin?”

“No, Lorraine. Actually it’s a perfect scene! No need for take 2. Brilliant! Bagay na bagay naman sa eksena yung ginawa mong sampal. Naku for sure, mag-aaway na naman ang Team Adela at Team Morgana nito,” tuwang-tuwang papuri ng direktor. Adela ang pangalan ng karakter ni Estelle at Morgana naman ang kay Lorraine.

“Nice shot naman pala eh, okay lang…” nakangiti namang sabi ni Estelle.

Napangiti naman si Lorraine. At least, nakaganti na siya kay Estelle dahil sa pang-aahas nito kay Carlos Juancho, nagawa pa niya nang mahusay ang trabaho niya. Kung alam lang ni Estelle na totoo na iyon…