Inday TrendingInday Trending
Natapilok ang Isang Paa ng Karpinterong Ito na Naging Dahilan Kaya Hindi Siya Nakapasok sa Trabaho; Paano na Kaya ang Gastusin ng Kaniyang Pamilya?

Natapilok ang Isang Paa ng Karpinterong Ito na Naging Dahilan Kaya Hindi Siya Nakapasok sa Trabaho; Paano na Kaya ang Gastusin ng Kaniyang Pamilya?

Oras ng uwian, punuan ang mga bus at mga jeep. Akay-akay ni Domeng ang kaniyang kasamahan sa trabahong si Mando, na hindi sinasadyang matapilok habang nagbubuhat ng mga sako ng semento sa ginagawa nilang condominium. Pareho silang karpintero.

“Ihahatid na kita sa inyo pare, magang-maga ang paa mo,” alok ni Domeng sa kaniyang kasamahan.

“Sige nga, p’re, at nang makalibre ka na rin ng pagkain. Ipakikilala na rin kita sa pamangkin ko. Siya ang nag-aalaga sa nanay kong paralitiko.”

Dahil hindi sila puwedeng makipagbalyahan sa jeep, nagtiyaga na lamang ang dalawa sa pagsakay sa masikip na bus. Walang nagawa si Mando kundi itaas ang kaniyang kaliwang paa na namamaga na dahil sa pagkakatapilok. Mabuti na lamang at may dala siyang tsinelas kaya nakakahinga-hinga pa naman ang kaniyang paa.

Magmula kaninang sumakay sila ni Domeng ay hindi pa sila nakakaupo.

Hanggang sa pumara na si Mando.

Bumaba sila sa tapat ng napakaliit na eskinita; sa tabi nito ay isang ilog na burak na yata ang tubig.

“Diyan kami nakatira sa looban,” nguso ni Mando. “Iskwater lang kami, pasensya ka na, pero mukhang hindi ka naman maselan, p’re.”

“Oo, ayos lang ‘yan p’re. Ganyan din naman sa tinitirhan ko pero wala nga lang ilog na marumi sa gilid,” pahayag naman ni Domeng.

“Maliit pa lang ako ganyan na ‘yan. Kapag umuulan nga eh pagkabaho-baho. Nagkakasakit ang mga tao rito. Pero nasanay na lang din. Patibayan na lang ng sikmura. Kapag umarte-arte pa, saan naman titira, ‘di ba?” saad ni Mando habang paika-ika silang naglalakad papasok.

Ang kina Mando ay bandang dulo pa kaya matiyaga nilang nilakad iyon; hindi rin naman makakapasok ang traysikel dahil sa sobrang sikip ng eskinita. Tipong umungol lamang ang mag-asawang nagnin*ig sa gabi ay maririnig na ng lahat.

Naglisaw ang mga bata. Takbuhan nang takbuhan. Ang mga nakatatanda, kung hindi nag-iinuman ay nagbabaraha. Ang mga ginang naman ay may kaniya-kaniyang umpukan. Tiyak na pinagtsitsismisan nila ang isa’t isa.

Hanggang sa wakas ay makarating na nga sila sa tinutuluyang bahay ni Mando. May apat na baytang ng hagdan na yari sa kahoy na parang anumang sandali ay bibigay na. Ang dingding nila ay mga inunat na timba ng petrolyo at binaklas na mga kahon ng prutas. Ang sahig ay may iba’t ibang kapal, lapad, at kulay. Ang atip ay mga sunog at kinakalawang na yero na pinabigatan ng mga palyadong gulong ng sasakyan.

Walang partisyon ang kabahayan. Kung ano ang madatnan sa loob, iyon na ang sala, ang kainan, at ang tulugan. Sa dulong kanan ay may batalan kung saan matatanaw ang ilog na namamaho dahil sa burak. Punumpuno ng basura at kung ano pang mga p*tay na hayop. Matatanaw rin ang mga iba pang barong-barong sa kabilang kalsada, na saka lamang gumaganda kapag may ilaw na at sumapit na ang pusikit na dilim.

“Ano pong nangyari sa tiyuhin ko?” tanong ng pamangkin ni Domeng na si Osang, 19 na taong gulang. Agad nitong dinaluhan ang tiyuhin.

“Natapilok ako kanina eh. Kumuha ka nga ng isang tuwalya at saka magpainit ka ng tubig. Dampian na lamang natin ng mainit na tubig, saka lagyan mo ng asin,” utos ni Mando sa kaniyang pamangkin.

Tumalima na nga si Osang upang mawala na ang pamamaga ng kaniyang paa.

“Napakamalas ko naman, paano na ako makakapagtrabaho niyan kung ganito ang paa ko?”

“Ako na ang bahala sa trabaho mong naiwan. Ako na lang ang magpapatuloy niyon. Tapos sa suweldo ko, hahatian na lang kita,” wika ni Domeng sa kaniyang kasamahan.

“Ha? Bakit naman? Naku, nakakahiya naman sa iyo, Domeng…” nahihiyang sabi ni Mando.

“Huwag mong intindihin iyon, pare. Natatandaan mo ba noong unang pasok ko? Tinulungan mo rin akong makipag-usap sa foreman nang sa gayon ay kunin niya ako kahit marami na siyang tao. Malaking bagay iyon. Tapos, naalala mo noong pinagalitan ako ng boss natin dahil nakabasag ako ng hollow block? Ikaw ang nagtanggol sa akin. Ikaw rin ang nagpapautang sa akin kapag hindi ako nakakabale sa amo natin. Kaya itong ginagawa ko sa iyo, maliit na bagay lamang ito,” paliwanag ni Domeng kay Mando.

“Maraming salamat Domeng. Napakabuti ng puso mo,” pasasalamat ni Mando.

“Pare, sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo rin? Kaya nga siguro magkakadikit ang bahay ng mga gaya nating iskwater—simbolo iyon na sa oras ng pangangailangan, tayo-tayo ang magtutulungan at magkakapitan. Naiintindihan natin ang isa’t isa dahil pareho tayo ng sitwasyon.”

At ganoon na nga ang ginawa ni Domeng. Doble-kayod siya upang masustentuhan ang mga pangangailangan ng pamilya ni Domeng kahit man lamang sa pagkain.

Makalipas ang dalawang linggo ay gumaling na nga ang paa ni Domeng. Mabuti na lamang at nakuha sa pahinga at pagdampi-dampi ng mainit na tubig na may asin, at walang nabaling buto dahil tiyak na malaking gastusin ito. Balik na siya sa trabaho.

Napagtanto ni Mando na ang tunay na kaibigan ay tiyak na maaasahan sa panahon ng kagipitan at mahigpit na pangangailangan!

Advertisement