Sumakabilang Buhay ang Mister na Preso ng Babaeng Minamahal Niya; Pagkakataon na Ba ng Lalaking Ito Upang Mapalapit sa Kaniya?
Nag-iiyakan ang pamilya ng kapitbahay nina Jomel, palibhasa ay dikit-dikit ang mga bahay at gawa lamang sa kahoy at magagaan na materyales ang mga itinayong mga tirahan.
Hindi na kailangan pang tanungin ni Jomel sa kaniyang inang si Aling Lody kung bakit nag-iiyakan ang mga nakatira sa kabilang bahay. Ito na mismo ang nagkuwento sa kanila.
“Si Ipe, yung nakulong dahil umano sa nahulihang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot eh todas na raw. Bigla na lang bumagsak habang naglalakad sa kulungan. Sa palagay ng iba eh inutas ng mga kasamahang bilanggo. Kawawa naman.”
Iisa lamang ang sumagi sa isipan ni Jomel. Ano na kaya ang ginagawa ng misis nitong si Alicia at ang kanilang mga anak? May tatlong maliliit na anak sina Alicia at Ipe.
Sabagay, kahit naman noon, wala naman talagang naiibigay na maganda si Ipe para kay Alicia kundi puro sama lamang ng loob. Hinayang na hinayang si Jomel na napunta lamang si Alicia kay Ipe, si Ipe na patapon ang buhay.
Alam ni Jomel na mas karapat-dapat siyang mahalin ni Alicia subalit naunahan lamang siya ni Ipe. Alam niyang malaki sana ang pag-asa niya sa babaeng matagal na niyang minamahal, kung hindi lamang biglang nangialam at nagpapansin ang lalaking iyon.
Makalipas ang isang araw ay dumating na nga ang bangkay ni Ipe. Binurol ito sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Sa ikaapat na araw ay inihatid na ito sa huling hantungan.
“Alice… kumusta ka? Kumusta kayo ng mga bata?” tanong ni Jomel sa balo.
“Heto, maayos naman kami. Nag-iisip ako ng pagkakakitaan ko para naman mabuhay ko ang mga anak namin. Bagama’t matagal na naman nang ako ang bumubuhay sa kanila simula nang makulong si Ipe, iba na ngayon. Wala na talagang pag-asang muli siyang makalaya dahil nasa hukay na nga siya,” wika ni Alicia.
“Gusto mo… tutulungan kita…”
Nangunot ang noo ni Alicia.
“Tulong? Anong klaseng tulong? Anong ibig mong sabihin?”
“Alicia… alam kong kalilibing lamang sa asawa mo, pero sana naman, sa pagkakataong ito ay bigyan mo ako ng pagkakataon upang maipakita sa iyo ang pagmamahal ko, na noon pa man ay nasa puso ko na. Ngayong wala na si Ipe, baka puwedeng mapansin mo naman ako…”
“T-Teka muna Jomel… nandito tayo sa puntod ngayon ng asawa ko. Medyo nakakahiya naman na sa harapan pa niya tayo nag-uusap nang ganito. Wala pang isang araw na naililibing ang mister ko. Kahit na pasaway si Ipe, mahal na mahal ko siya at kahit na nawala siya, palagay ko ay mahihirapan akong maghanap ng ibang lalaking magmamahal sa akin at mamahalin ko…”
“Hindi na tayo maririnig ni Ipe! Narinig mo iyon? Wala na siya, nasa ilalim na siya ng lupa, wala na siyang magagawa! Akala ko pa naman kung mapapakulong ko siya at maipapaligpit ko siya, sa akin na mapupunta ang atensyon mo!”
Huli na para bawiin ni Jomel ang kaniyang mga nasabi. Nadulas na siya.
“A-Anong ibig mong sabihin? Ikaw ba ang nagsuplong sa mga pulis kaya hinuli si Ipe at nakulong?”
Hindi nakapagsalita si Jomel. Naumid ang kaniyang dila. Nadala siya ng labis na emosyon. Lahat ng ito ay ayon sa kaniyang plano, at hindi lamang niya inaasahan ang sasabihin ni Alicia na hindi na ito bukas pa sa ideyang makakakahanap ng bagong mamahalin.
Nilapitan siya ni Alicia at pinaghahampas sa dibdib habang umiiyak.
“Ikaw ba?! Ikaw ba?! Ikaw ba ang naging dahilan kung bakit nakulong si Ipe at nangyari ang mga bagay na ito? Magsalita ka!”
Hinawakan ni Jomel ang magkabilang bisig ni Alicia at niyugyog ito.
“Una kitang minahal Alicia, alam mo ‘yan! Kaya oo, tama ka… ako nga ang nagsuplong kay Ipe sa mga awtoridad upang mawala na siya sa landas mo, sa landas ko. At oo, ako ang nagpaligpit kay Ipe. Nang sa gayon ay masolo na kita…”
Sinibasib ng halik ni Jomel si Alicia. Nagwawala naman ang balo. Inihiga siya ni Jomel sa mismong puntod. Hinalik-halikan ang kaniyang leeg. Dumako ang mga kamay nito sa kaniyang dibdib.
“Hayop ka, Jomel! Hayop ka! Mas halang pa ang bituka mo kaysa kay Ipe…”
Ngunit isang malaking pala ang pumukpok sa ulo ni Jomel. Dahilan upang mapatayo ito.
“Siraulo ka ah!” sigaw ng lalaking may hawak na pala. Mabuti na lamang at napadaan ang mga sepulturero at narinig ang paghingi ng tulong ni Alicia. Kinuyog ng tatlong sepulturero si Jomel.
At ngayon, si Jomel…
Naghihimas ng rehas na bakal sa piitan.
Patong-patong na kaso ang isinampa sa kaniya ni Alicia. Naging saksi ang mga sepulturero at bumaligtad ang mga preso na kinausap ni Jomel upang gawan ng masama si Ipe.
Sising-sisi si Jomel sa kaniyang mga nagawa. Ginawa niya ang lahat ng mga ginawa niya upang mapalapit kay Alicia, subalit mas lalo yata siyang napalayo rito.
Hindi pala talaga mapipilit ang pag-ibig.