Inday TrendingInday Trending
Sa Tuwing Kaarawan ng Kanilang Kaibigan ay Hindi Nila Ito Mahagilap; Kuripot nga ba Ito at Ayaw Manlibre?

Sa Tuwing Kaarawan ng Kanilang Kaibigan ay Hindi Nila Ito Mahagilap; Kuripot nga ba Ito at Ayaw Manlibre?

“Kailan kaya ulit masusundan ‘tong pagkikita natin mga pare? Mukhang matatagalan na naman dahil lahat tayo’y abala,” tanong ni Gilbert, isang beses habang nag-iinuman silang magkakaibigan.

Tahimik lang si Diego, nakikinig sa usapan ng mga kaibigan.

“Oo nga. Kung hindi pa nag-birthday ‘tong si Tony, hindi pa tayo magkita-kita. Kaibigan ko ba talaga kayo?” pabiro namang hirit ni Felix.

Anim sila sa barkada. Magkakasama na sila mula pa noong hayskul pero magmula nang makatapos sa pag-aaral at magkaroon na ng mga trabaho ay bihira na lang silang magkita-kita.

Kung hindi pa magyaya ang isa, hindi pa matutuloy.

“O sige, ganito na lang mga pare, magkita na lang tayo sa susunod na linggo. Birthday naman ni Jomar ang ise-celebrate natin!” ani Tony, ang may kaarawan sa araw na ‘yun.

Sinulyapan niya si Jomar na tahimik lang sa isang tabi. Tila may malalim itong iniisip.

Bilang siya ang pinakamalapit dito, hindi niya na napigil na magkomento.

“Ano ba kayo! Alam n’yo namang hindi nagse-celebrate ng birthday ‘tong si Jomar. Hindi ba?” aniya.

Totoo ang sinabi niya. Sa tagal ng pagkakakilala nila dito, ni minsan hindi ito nagdiwang ng kaarawan.

Tanda pa ni Diego noon, pinuntahan pa talaga nila ang bahay nito dala ang cake para sana surpresahin ito pero hindi nila naabutan ang kaibigan.

Buong araw nila itong hinintay pero hindi ito nagpakita. Kinabukasan, tinanong nila kung saan ito nagpunta, pero hindi naman sinagot ang tanong.

Hanggang sa nasanay na silang magkakaibigan na sa tuwing sasapit ang kaarawan nito, nawawalan ito at hindi nila alam kung saan ba ito nagpupunta. Nanatiling itong misteryo sa kanila pero mukhang hindi palalagpasin ng kaibigan nilang si Gilbert ang kaarawan ni Jomar ngayong taon.

“Basta! Minsan lang tayo magkita-kita kaya wala nang kokontra. Magkikita tayo dito sa susunod na linggo at dapat kumpleto tayong lahat,” pinal nitong pahayag.

Napabuntong-hininga na lang siya. Kilala niya si Gilbert. Mahirap nang baguhin ang isip nito. Hindi rin naman kumontra si Jomar kaya hindi na siya nagsalita pa.

Kaya naman noong sumunod na linggo ay muling nagtipon ang magkakaibigan, maliban sa isa—wala ang may kaarawan mismo na si Jomar.

Hindi na nagulat pa si Diego dahil inaasahan niya na ‘yun. Ngunit ang mga kaibigan nila ay dismayado.

“Sabi ko naman sa’yo, pare. Hindi sisipot si Jomar,” naiiling na komento ni Felix.

“Nakakainis naman. Kung kontra pala siya, sana sinabi niya para hindi tayo nag-mukhang t*nga! Siguro sadyang kuripot lang talaga si Jomar at ayaw tayong ilibre!” inis na sabi ni Gilbert.

Napangiwi na lang siya.

“Ano ba naman kayo! Siguradong may dahilan ‘yung tao kaya’t hayaan niyo na. Ako na ang magbabayad sa iinumin natin ngayong gabi!” pag-iiba niya ng usapan.

Wala namang nagawa ang mga ito kundi ang sumang-ayon. Ang akala niya ay nakalimutan na ni Gilbert ang nangyari, pero nagkamali siya dahil maya-maya lang ay nagpaalam ito na aalis.

“San ka pupunta, p’re?” tanong niya rito, lalo pa’t marami-rami na rin ang nainom nito.

Isa pa ay takaw away din ito!

“Pupuntahan ko si Jomar! Kakausapin ko!” anito.

Tulong-tulong sila na pigilan ito ngunit wala silang nagawa. Sa huli ay sinamahan na lang nila ang kabarkada.

Mabuti na lang at malapit lang ang bahay ni Jomar at hindi na nila kailangan pang magmaneho.

Sa wakas ay nakarating ‘din sila, kinatok nito ang pintuan at ilang minuto lang ang lumipas, bumukas ito at lumabas ang asawa ni Jomar.

“Mare, nandiyan ba si Pareng Jomar? Gusto sana naming makausap! Birthday niya kasi ngayon, hindi man lang namin nabati!” paliwanag niya.

“Naku Diego, wala si Jomar dito. Siguro nasa sementeryo na naman ‘yun maghapon,” sagot nito na ikinakunot ng noo niya.

Maging ang kaniyang mga kabarkada ay nagkatinginan.

“Sementeryo? Ano’ng ginagawa niya roon, mare?” takang usisa niya.

“Hindi niya pala nasabi sa inyo? Pasensya na mga pare, siya na lang ang tanungin n’yo. Puntahan niyo na lang at pakisabi na rin na ‘wag siyang magpagabi masyado,” pakisuyo nito.

Nagdesisyon sila na puntahan ang kaibigan at tama nga ang asawa nito, nakita nila itong nakaupo malapit sa isa sa mga puntod. Malayo ang tingin nito at nakatulala lang sa kawalan.

Dahan-dahan nila itong nilapitan.

“Pare,” untag niya.

Nagulat ito sa kanilang presensya ngunit nang makabawi ay inanyayahan sila nito na maupo sa damuhan.

Umupo sila sa tabi nito.

“Pasensya na kung hindi na naman ako sumipot. Sadyang ayaw na ayaw ko lang talaga kapag sumasapit ang birthday ko. Hangga’t maaari nga, ayaw kong sumapit ang araw na ito,” pahayag ni Jomar.

“Bakit naman?” tanong ni Gilbert.

Akala niya, hindi sasagot ang kaibigan gaya ng dati pero nagkamali siya.

“Noong bata pa ako, nasangkot kami ni Mama sa isang aksidente. Birthday ko noon, papunta kami sa isang amusement park kasi pinilit ko siyang ‘yun ang gusto kong regalo. Kaso nabangga ang sinasakyan namin. Sa huli, ako lang ang nakaligtas. Si Mama, agad na binawian ng buhay,” kwento nito, nangingilid ang luha.

Natahimik silang lahat. Hindi nila akalain na iyon pala ang kwento sa likod ng kaarawan nito.

“Sorry p’re… Hindi naman namin alam,” ani Gilbert na halatang nakonsensiya sa mga nabitiwan nitong salita.

Ngumiti lang ito at umiling.

“Ayos lang. Ako nga dapat ang mag-sorry, ang tagal na nating magkakaibigan pero hindi ko nasabi ni minsan. Mahirap lang talaga ikwento sa ibang tao dahil kahit matagal na, parang kahapon lang nangyari. S’yempre, nanay ko ‘yun,” dagdag pa nito.

Alam nilang lahat na kahit na anong sabihin nila, hindi mapapawi noon ang sakit na nararamdaman nito. Ang tanging magagawa lang nila ay ang damayan ito.

“Salamat sa inyo, mga pare,” sinsero nitong pahayag na may tipid na ngiti sa mga labi.

Nangibabaw ang katahimikan, ngunit may isang ideya na naglalaro sa isipan ni Diego. Sa susunod niyang kaarawan, hihilingin niya na sana balang-araw ay tuluyan nang maghilom ang mga sugat sa puso ng kaibigan nilang si Jomar.

Advertisement