Inday TrendingInday Trending
Misteryoso at Itinatago Niya ang Katauhan ng Kaniyang Nobyo; Ano ang Dahilan sa Likod Nito?

Misteryoso at Itinatago Niya ang Katauhan ng Kaniyang Nobyo; Ano ang Dahilan sa Likod Nito?

“Ikakasal na ako!”

Imbes na tuwa ang makita ni Maureen sa mukha ng matalik na kaibigang si Jessa ay pagtatampo ang nabanaag niya.

“Maureen, ikakasal na lang kayo ng nobyo pero hindi ko alam kahit pangalan man lang. Kailan mo ba ipapakilala ‘yan?” usisa nito.

“Naku, hindi pa pwede. Abala siya sa trabaho,” sagot niya.

“Sinasabi mo lang ‘yan. Kapag gusto, may paraan. Kapag ayaw, maraming dahilan. Ayaw mo lang yata talagang makilala ko siya. Hindi ko naman siya aagawin sa’yo,” natatawang sabi nito.

Kung alam lang nito ang totoo.

“Maiba tayo, kumusta kayo ng boyfriend mo, Jessa?” Siya naman ang nag-usisa sa kaibigan.

Bumakas ang lungkot sa maamo nitong mukha.

“Ewan ko ba. Sa totoo lang, napapansin ko nitong mga nakaraang buwan na may nagbago kay Erik. Laging may ka-text. Hindi na siya kagaya ng dati, kaya hindi ko maiwasang magduda,” anito.

Sandali itong huminto, tila may malalim na iniisip.

“Hanggang sa nakumpirma ko na meron nga siyang ibang babae. Naabutan ko siyang may kausap sa cellphone isang madaling araw. Tinawag niya pa ngang ‘mahal.’ Hindi ko naman magawang hiwalayan siya dahil nanghihinayang ako sa ilang taon naming relasyon,” kwento nito.

“Ano nang plano mo ngayon?” kuryosong tanong niya.

Matagal bago ito nakasagot.

“Malapit na rin naman ang kasal namin. Iisipin ko na lang na kapag kinasal na kami, siya na mismo ang makikipaghiwalay sa kabit niya. Sigurado naman na ako ang pipiliin niya dahil ang tagal-tagal na namin,” sagot nito.

Tumaas ang kilay ni Maureen sa sinabi ng kaibigan.

“Hindi porke’t mas matagal kayo ay ikaw na ang pipiliin, Jessa. Hindi naman siguro niya magagawang mangaliwa kung naging mabuti ka sa kaniya, hindi ba?” iritado niyang patutsada.

Isang hindi makapaniwalang tingin ang ipinukol nito sa kaniya.

“Pinagtatanggol mo ba siya?” Bahagyang umalsa ang boses nito, tila pigil ang galit.

Napairap siya, ngunit humingi rin ng paumanhin sa kaibigan.

“Gusto mong makilala ang lalaking pakakasalan ko, hindi ba?” pag-iiba niya sa usapan.

Matamlay itong tumango.

“Sige, papakilala ko siya sa’yo bukas,” aniya, bago nagpaalam sa kaibigan.

Nang makalayo siya ay agad niyang tinawagan ang kaniyang nobyo.

“Tapos na ba kayong mag-usap ni Jessa?” bungad nito.

“Oo, at ang sabi niya ay siya ang pipiliin mo dahil kayo ang matagal nang magkasama. Totoo ba ‘yun? Ano ba ang plano mo sa akin? Habang buhay na maging kabit mo?” sikmat niya sa kasintahan.

Ang misteryoso niyang nobyo ay walang iba kundi si Erik, na nobyo rin ni Jessa. Ang pagkakaiba lang nila ay ito ang legal, ang nauna, habang siya ang itinatago.

“Sinabi ko naman sa’yo, hindi ba? Ikaw ang mahal ko, kaya ikaw ang pipiliin ko. Humahanap lang talaga ako ng tiyempo para sabihin sa kaniya ang totoo,” maamo nitong tugon, may bahagyang lambing.

“Gusto kong malaman na niya ang totoo. Sumama ka sa akin bukas at sabihin na natin para matapos na ‘to,” hamon niya sa kasintahan.

Noong una ay tumanggi pa ito, ngunit nang takutin niya ang nobyo na aatras sa kasal nila ay napapayag niya rin ito.

Pagod na pagod na siya sa mga kwento ni Jessa tungkol Kay Erik. Sa totoo lang ay siya dapat ang nasa posisyon nito.

Kinabukasan, gaya ng napag-usapan ay ipinakilala niya ang nobyo kay Jessa. Animo ay nakakita ng multo si Jessa nang makilala ang misteryoso niyang nobyo. Awtomatikong tumulo ang luha nito.

“Ikaw ang babae ni Erik? Akala ko kaibigan kita, paano mo nagawa ‘to sa akin? Pinagkatiwalaan kita!” galit na sigaw nito.

“Pasensyahan na lang tayo, Jessa. Walang kaibi-kaibigan pagdating sa pagmamahal. Ako na ang pinili niya at wala ka nang magagawa pa kundi ang bumitaw,” sagot niya rito, walang bahid ng pagsisisi. Kaibigan niya man si Jessa ay hindi noon mapapantayan ang pagmamahal niya kay Erik.

Wala itong nagawa kundi umiyak. Galit na galit ito sa pagtataksil nila.

“Tandaan niyo ‘to, hindi kayo magiging tunay na masaya. Para lang makuha ang isa’t isa ay nagawa niyong mang-apak ng ibang tao?” malamig na pahayag nito.

Lumapit ito sa kaniya at dinuro-duro siya.

“At ikaw! ‘Wag kang masyadong kampante… Kung nagawa niya akong lokohin, sa tingin mo ikaw, hindi? Ang manloloko, mananatiling manloloko,” babala nito.

Wala mang maramdaman na takot si Maureen. Alam niya kasi na hinding-hindi ‘yun magagawa ni Erik. Siya nga ang pinili nito. Ibig sabihin ay siya ang mahal.

Lumipas ang ilang buwan. Masayang-masaya siya dahil hindi na tago ang kanilang pag-iibigan. Malaya na siyang ipakilala ang nobyo sa kahit na sino. Sweet na sweet din ito sa kaniya, kaya naman wala na siyang mahihiling pa.

Hanggang sa isang beses ay naabutan niyang may tumatawag sa cellphone nito. Hindi niya pinansin iyon noong una, pero nang makita niya na hindi naka-save ang numero ay hindi niya maiwasang maging interesado.

“Baka scammer, mahirap na,” sa loob-loob niya.

Isang malambing na boses ang narinig niya.

“Hello, mahal? Kailan ba tayo magkikita ulit? Miss na kasi kita!” anito.

“Pasensya ka na, wrong number ka yata. Numero ito ng boyfriend ko,” taas kilay na sagot niya.

Hindi niya maiwasan na kabahan.

“Maling numero? Imposible dahil kabisado ko ang numero na ito. Ako si Diane, nobya ni Erik. Isang taon na kami. Sino ka ba?” mataray na usisa nito.

Nanlamig si Maureen sa narinig. Matagal siyang natulala, nagulat na lang siya nang tapikin siya ni Erik, na kababalik lang.

“Nakausap ko ang nobya mo. Paano mo ‘ko nagawang lokohin? Akala ko ba mahal mo ako?” matindi ang hinanakit na kompronta niya sa lalaki.

Imbes na humingi ng tawad ay nagalit pa ang lalaki!

“Pinakialaman mo ang gamit ko? Ano’ng sinabi mo kay Diane?” tila nagpa-panic na asik nito.

Nang hindi siya sumagot ay galit itong nagmartsa paalis habang hindi magkandaugaga sa pagpapaliwanag sa kabit nito.

Habang minamasdan ang papalayong bulto ng lalaki ay napaiyak na lang si Maureen. Sumagi sa isip niya si Jessa. Naunawaan niya na ang naramdaman nito noon. Napakasakit pala na mapagtaksilan.

Mapait siyang napangiti. Totoo nga na may karma. Lahat ng ginawa mo ay babalik sa’yo, at magsisi ka man ay huli na.

Advertisement