Inday TrendingInday Trending
Isang Binatilyo ang Naging Bahagi na ng Tradisyonal Nilang Noche Buena; Magiging Bahagi pa rin Kaya Ito ng Pamilya Nila sa Paglipas ng Panahon?

Isang Binatilyo ang Naging Bahagi na ng Tradisyonal Nilang Noche Buena; Magiging Bahagi pa rin Kaya Ito ng Pamilya Nila sa Paglipas ng Panahon?

Nagngangalit man ang panahon ay puno ng tawanan sa bahay ng mga Lopez. Ilang minuto na lang kasi at magpa-Pasko na, at bilang tradisyon ng pamilya nila nagpapalitan sila ng regalo.

Umalingawngaw ang malakas na sigaw ng panganay nila na si Jason nang makita nito ang regalo nilang mag-asawa.

“Wow! Salamat po, Mama!” nagtatatalon na bulalas nito habang hawak ang bagong modelo ng cellphone na buong taon yata nitong iniungot.

Napangiti nang matamis si Leila. May kamahalan man at matagal-tagal niyang pinag-ipunan ay sulit naman dahil masayang-masaya ang panganay niya.

“O, anak, ikaw naman. Buksan mo ang regalo ni Mama,” nakangiting udyok niya sa bunsong anak na si Chloe.

Sabik nitong pinunit ang balot ng regalo. Awtomatiko itong napangiti bago sumulyap sa kaniya.

Gaya ni Jason ay tuwang-tuwa rin ito.

“Thank you po, Mama!”

Ilang sandali pa ay abala na ang kaniyang anak sa pagkalikot ng mga natanggap na regalo. Natigil lamang ang dalawa nang pumatak na ang alas dose.

“Merry Christmas, mga anak! Halika, kumain na tayo ng Noche Buena!” masiglang yaya niya sa mga anak.

Habang kumakain ay hindi mapuknat ang ngiti ni Leila. T’wing sumasapit ang Pasko ay mas lalong lumalaki ang pasasalamat niya sa Diyos.

Kahit kasi mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang mga anak ay hindi naman sila naghihikahos. Maayos kasi ang sweldo niya bilang bisor ng isang malaking kumpanya. Nakapagpundar din siya ng maliit na negosyo na napaghuhugutan niya kapag minsang kinakapos ang sweldo niya.

Naibibigay niya rin naman kahit papaano ang kapritso ng mga pinakamamahal niyang anak.

Maganang kumakain ang mag-anak nang tumunog ang doorbell. Nagtataka man ay tinungo ni Leila ang pinto upang alamin kung sino ang bisita sa alanganing oras.

Napagbuksan niya ang isang binatilyo na basang-basa mula sa ulan. Nanginginig ito nagkukulay-talong na ang mga labi sa sobrang lamig. Ang kanang kamay nito ay mahigpit ang hawak sa isang sako na nahinuha niyang sako ng kalakal.

Agad siyang nakaramdam ng awa sa pobreng bata. Umiral ang kaniyang pusong ina kaya naman kahit na hindi niya ito kilala ay walang pag-aatubili niya itong pinapasok sa loob ng bahay.

Binigyan niya ito ng tuyong tuwalya at mainit na tsokolate. Nang mabawasan na ang panginginig ng binatilyo ay saka lamang siya nakapag-usisa.

“Hijo, anong ginagawa mo sa ulanan? Hindi ka ba hinahanap ng mga magulang mo sa inyo?” takang tanong niya sa binatilyo na nagpakilalang si Gene.

Mangiyak-ngiyak ito nang sumagot.

“Kasi po… hindi ako pwedeng umuwi nang walang kalakal… kailangan po ni Nanay ng gamot…” nakayukong paliwanag nito.

Labis na nalungkot si Leila sa narinig. Halos kaedaran lang kasi ito ng anak niyang si Jason. Masyado pa itong bata para magtrabaho!

Tinapik niya ang balikat ng binatilyo.

“Hayaan mo at bibigyan kita ng pambili ng gamot ng nanay mo,” aniya sa binatilyo.

Nagliwanag ang mata ng binatilyo at tuluyan nang napaiyak.

“Salamat po… Ang bait niyo po. Kayo lang po ang nagbukas ng pinto sa lahat ng kinatok ko, tapos bibigyan niyo pa ako ng pera…” humahagulhol na bulalas ng binatilyo.

Pinigil ni Leila na maiyak. Damang-dama niya kasi ang paghihirap ng loob ni Gene. Ang bata-bata pa nito, pero tila pasan na nito ang daigdig. Ni hindi man nito ma-enjoy ang araw ng Pasko!

“Halika, samahan mo kaming mag-Noche Buena. Sigurado ako na gutom ka na,” yaya niya kay Gene.

Nahihiyang tumango ito.

“Hindi pa nga po ako kumakain…” pag-amin nito.

Habang kumakain ay tila lumabas ang pagkabata ni Gene, na mukhang agad na nakagaanan ng loob ng kaniyang mga anak.

Bago ito umuwi ay pinabaunan niya pa ito ng pagkain para sa ina nito sa bahay. Labis-labis ang pasasalamat nito.

“Balik ka rito, Kuya Gene!” pahabol na sigaw pa ng bunso niyang anak.

“Oo, babalik ako. Ba-bye, Chloe!” sigaw nito pabalik.

Napailing na lamang si Leila habang nakangiti. Maging siya ay umaasa na muling bibisita ang pobreng binatilyo.

Tinupad naman ni Gene ang pangako nito sa kanila. Matapos ang ilang linggo ay bumalik ito. Ngunit may dala itong masamang balita. Pumanaw na raw ang ina nito.

Hindi man nila nakilala ang ina nito ay nalungkot pa rin nang labis ang mag-anak. Dahil sa nangyari ay isang ideya ang pumasok sa isip ni Leila.

“Talaga po? Gusto n’yo akong ampunin?” nanlalaki ang matang bulalas ni Gene nang sabihin niya rito ang plano.

“Oo… dumito ka na sa amin para naman hindi ka na masyadong hirap,” aniya.

Matagal na nag-isip ang binatilyo bago ito ngumiti. Nagulat siya nang umiling ito.

“Kailangan ko pong tumanggi, Tita Leila. Ang bahay na lang po ni Mama ang nag-iisa niyang alaala. Ayaw ko po na umalis doon,” tanggi nito.

Ilang beses niya pang kinumbinsi ang binatilyo, ngunit naging matigas ang pagtanggi nito. Sa huli ay tinanggap niya na lamang ang desisyon nito.

Gayumpaman, hindi man pumayag si Gene ay nanatili itong malapit sa pamilya nila dahil naging malapit na rin ito sa kaniyang mga anak.

Sa katunayan ay nakasanayan na nitong kumain ng Noche Buena sa bahay nila. Tunay nga na naging parte na ito ng pamilya nila.

Ilang taon man ang lumipas ay nanatili itong malapit sa kanila. Naging mahalagang bahagi ito ng buhay nila.

Bago pa mamalayan ni Leila ay isa-isa nang nagkapamilya ang mga anak niya. Ang apat na taong nagsasalo sa Noche Buena ay naging tatlo, hanggang sa silang dalawa na lamang ni Gene. May sarili na kasing pamilya ang mga anak niya.

Ang dating maingay na bahay nila sa t’wing magpa-Pasko ay nanahimik. Malungkot man si Leila ay nababawi naman iyon kahit papaano sa t’wing binibisita siya ng kaniyang anak-anakan na si Gene. Ni minsan ay hindi ito nakalimot. Hindi pa rin siya nag-iisa sa tuwing sasapit ang Pasko.

Ngunit nang ianunsyo ni Gene ang pagpapakasal nito ay doon na tinanggap ni Leila na nag-iisa na lang siya, at may kani-kaniyang buhay na ang kaniyang dating pamilya.

Sumapit ang bisperas ng Pasko. Kung dati ay hindi magkandaugaga si Leila sa pagluluto, ngayon ay nilibang niya na lamang ang sarili sa panonood ng telebisyon.

Naisip niya kasi na wala rin namang kakain ng iluluto niya dahil wala siyang ganang kumain mag-isa.

Sandali siyang naaliw sa mga batang nangangaroling, ngunit nang lumalim na ang gabi ay unti-unti na ring bumalik ang katahimikan ng paligid.

Nang mag-aalas dose na ay pumasok na siya sa kaniyang silid. Ngunit nang matutulog na siya ay narinig niya ang pagtunog ng doorbell.

Takang tinungo at binuksan niya ang pinto.

Nabungaran niya si Gene kasama ang maybahay nito na si Stella. Malaki ang ngiti ng mag-asawa.

“Merry Christmas, Tita Leila!” maligayang bati ng binata bago siya binigyan ng mahigpit na yakap.

Noon na tuluyang bumuhos ang luha ni Leila.

“Akala ko, ako lang mag-isa ang magpa-Pasko…”

Ngumiti ang kaniyang anak-anakan bago siya inakbayan.

“Pwede ba naman ‘yun, Tita? Kahit na magkaanak pa ako, o magkaanak na ang mga anak ko, narito pa rin ako sa bahay na ito tuwing Pasko. Dahil ito ang tahanan ko…” ani Gene.

Ang madilim at tahimik na bahay ni Stella ay muling nagliwanag at muling umingay. Ang hapag ay muling napuno ng mga handa para sa araw ng Pasko.

“Marahil ito ang tunay na kapangyarihan ng Pasko,” sa isip-isip ni Leila habang minamasdan si Gene, ang batang noon ay inalagaan niya, na ngayon ay siya nang nag-aalaga sa kaniya.

Advertisement