Inday TrendingInday Trending
Dahil Siya’y Naloko ng Kasintahan, Ayaw na Niyang Magkanobya pa; Hindi Niya Inasahan ang Dalagang Biglang Nagbigay Kulay sa Mundo Niya

Dahil Siya’y Naloko ng Kasintahan, Ayaw na Niyang Magkanobya pa; Hindi Niya Inasahan ang Dalagang Biglang Nagbigay Kulay sa Mundo Niya

Perpekto na sana ang buhay ng binatang si Miguel sa edad na dalawampu’t lima. May sarili na siyang negosyo na kumikita ng milyon-milyon kada taon, may mapagmahal at maasahan siyang mga magulang at kapatid, at nakumpleto na niya ang lahat ng kaniyang mga luho mula sa damit hanggang sa mga sasakyan.

Kaya lang, nitong nakaraang buwan, napag-alamanan niyang siya’y ginagatasan lamang ng kaniyang nobya upang mabili nito lahat ang pangangailangan ng pinapangarap nitong binata. Nang malaman niya ang katotohanang iyon, para bang gusto na niyang tumigil sa paghinga upang matigil na rin ang sakit at kirot na nararamdaman niya.

Ngunit dahil nga siya rin ang isa sa mga inaasahang anak ng kaniyang mga magulang, tinatagan niya ang kaniyang loob at pinangakong kailanman, hinding-hindi na siya muling iibig pa.

Sandamakmak man ang mga dalagang pinapakilala ng kaniyang ama sa kaniya dahil gusto na nitong mayroon siyang kasintahang masasandalan sa oras na mawala ito at magkaroon na ng isang apo mula sa kaniya, panay ang tanggi niya sa mga dalagang dinadala nito sa kanilang bahay at sa kaniyang opisina.

“Anak, minsan ka lang nabigo sa pag-ibig, matatakot ka na agad na umibig muli? Akala ko pa naman sa’yo ako magkakaroon ng maraming apo dahil ikaw ang may pinakakomportableng buhay sa inyong magkakapatid, tapos ikaw pa pala ang ayaw magkanobya!” sermon nito sa kaniya.

“Hindi naman sa ayaw, papa, natatakot lang akong masaktan at magmahal ulit. Baka mamaya, matalo na naman ako, mawala na naman ang gana kong mabuhay,” paliwanag niya rito.

“Huwag kang matakot! Minsan ka lang mabuhay! Paramihin mo na ang maganda mong lahi!” sigaw pa nito na ikinailing niya na lamang.

Noon pa man, buo na ang atensyon niyang hindi na muling iibig pa. Ang kaso nga lang, kinabukasan matapos ang pag-uusap nilang ito ng kaniyang ama, may bagong empleyado ang pumasok sa kaniyang opisina at siya’y tila nakaramdam ng pag-ikot ng kaniyang tiyan nang siya’y ngitian at batiin nito.

“Boss, napansin kong namula ang mukha mo nang ngitian ka ni Ms. Loraine, ha? Akala ko ba ayaw mo nang umibig?” biro sa kaniya ng body guard niyang naroon din sa kaniyang opisina.

“Tumahik ka nga riyan! Hindi ko nga rin alam, eh! Ano ba ‘tong nararamdaman ko? Nakakainis naman! Mukhang masasaktan na naman ako, ha?” kamot-ulo niyang sabi.

Napadalas pa nang napadalas ang pagkikita nila ng dalagang iyon dahil sa trabaho. Ito ang naging dahilan para lalo siyang mahulog sa mga ngiti nito at sa malambing nitong boses. Nalaman niya ring isa itong mabuting anak at nagsisilbi pa sa simbahan na mas nagpalalim sa pagtingin niya rito.

Hanggang sa isang araw, bigla na lang lumabas sa bibig niya ang mga katagang, “Pupwede ba kitang ligawan?” na ikinagulat niya rin. “Ikaw talaga, sir, mapagbiro ka talaga! May nobyo na ako, sir, huwag mo akong gan’yanin!” patawa-tawa nitong sagot na agad na ikinakirot ng puso niya.

Ngunit dahil nga sobra na siyang nahulog sa dalaga, pinilit niya pa rin itong makuha sa pamamagitan ng mga regalo at pagpapakita ng kabaitan dito. Lalo niya pang pinagpatuloy ang pagbibigay ng kung anu-ano rito at sa pamilya nito katulad ng mga pagkain, gamit sa bahay at kung ano pa nang malaman niyang mahirap lang at walang trabaho ang kasintahan nito.

Sa katunayan, nang malaman niya mula sa iba niyang empleyado na naglalakad lamang patungong opisina ang dalagang ito, agad siyang nagpabili ng kotse sa kaniyang sekretarya at ito’y ipinangalan sa naturang dalaga.

Siya pa ang personal na nagpunta sa bahay nito upang ibigay ang naturang sasakyan ngunit imbes na matuwa ang dalaga, nagulat siya sa iritableng reaksyon nito.

“Pasensya na po kayo, sir, ha? Pero hindi na po talaga tama ang ginagawa niyo. Nasabi ko naman po sa inyong may nobyo ako. Hindi niyo po ako makukuha sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng mga regalong hindi niya kayang mabili. Huwag niyo na rin pong bilugin ang utak ng mga magulang ko, ako lang po kasi ‘yong nahihirapan sa tuwing tinutulak nila ako sa’yo. Hindi kita mahal, sir, at ayokong makipagrelasyon sa isang tao para lang namnamin ang yaman niya,” diretsahang sabi nito saka agad na siyang pinaalis bago pa siya papasukin sa bahay ng mga magulang nito.

Sumakit man ang puso niya dahil sa mga sinabi nito, napagtanto niyang ngayon, napagtantong niyang tama ang taong minahal niya kahit hindi niya ito makuha. Isang dalagang tapat sa pag-ibig ang natagpuan niya ngunit sa hindi tamang panahon at pagkakataon.

“Sa saglit na panahong nakasama kita sa trabaho, napasaya mo ako sa pamamagitan ng ngiti mo na para bang buong buhay ko ang kinulayan mo. Hindi man kita makuha, napatunayan ko ngayong may matino pang babae sa mundo katulad mo. Maghihintay ako sa dalagang darating sa buhay ko na katulad mo,” sambit niya sa hangin habang minamaneho ang sasakyang para sana sa naturang dalaga.

Simula noon, patuloy niya pa ring pinakitunguhan nang maayos ang dalaga bilang isa sa mga empleyado niya. Hindi niya na rin ito ginambala at hinayaang mamuhay nang mapayapa kasama ang nobyo nitong binigyan niya rin ng trabaho.

Advertisement