Tinaboy Niya ang mga Katutubong Pumasok sa Tindahan Niya; Nanlambot Siya nang Makita ang mga Shopping Bag na Bitbit Nito
Dumating na ang kinakatakutang pangyayari ng ginang na si Josefina. Unti-unti nang nalulugi ang kauna-unahan at ang tanging tindahan na sumuporta sa lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.
Limang taon na ang lumipas simula nang itayo niya ito gamit ang perang iniwan ng yumao niyang asawa. Hilig niya rin noon ang mga mamahaling bag at sapatos dahilan upang ito ang gawin niyang negosyo at siya’y mangupahan ng pwesto sa isang mall.
Noong mga unang buwan, pakiramdam niya’y nasa langit na ang katauhan niya dahil sa dami ng mga kustomer na bumili ng kaniyang mga paninda. Sa isang bag o sapatos, siya’y kumikita ng mahigit sampung libong piso hanggang dalawangpung libo.
Malaki man ang nilabas niyang pera upang makabili ng mga mamahaling bag na inaangkat niya pa kung saan-saang bansa, lahat naman ito ay agad niya ring nabawi. Sa katunayan, dahil sa negosyo niyang ito, napag-aral niya sa isang kilalang unibersidad sa Maynila ang dalawa niyang anak.
Kaya lang, nang nauso na ang online shop sa social media, napansin niyang tila halos wala nang nagpupunta sa kaniyang tindahan. Kung mayroon man, iisa o dalawa lang at hindi pa bibili dahil mas mura ang paninda sa online shop kaysa sa kaniya na nagrerenta pa ng pwesto at ilang empleyado.
Dito na siya nagdesisyong ibenta na rin sa online ang kaniyang mga paninda sa mas mababang halaga. Nakakabenta man siya rito, talo pa rin siya dahil sa laki ng nilalabas niya upang mabayaran ang kaniyang mga empleyado at upa.
Dahil doon, upang hindi siya tuluyang malugi, napagpasiyahan niyang tanggalin na ang dalawa niyang empleyado, tutal naman ay wala nang nagpupunta sa kanilang tindahan.
Kahit pa siya’y mag-isa na lang sa tindahan niyang iyon sa buong maghapon, ginagawa niya ang lahat upang makabenta kahit isang bag man lang o sapatos. Kada may dadaan sa shop niyang mukhang mayaman, agad niyang hinaharang ang mga ito upang yayaing pumasok sa kaniyang shop.
Tanggihan man siya o sang-ayunan ng mga ito, ang mahalaga sa kaniya ay makabenta upang matustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak.
“Kailangan kong mabawi ang pinuhunan ko sa negosyong ito. Kung susumahin lahat ng ginastos ko sa mga mamahaling bag at sapatos na ito, kayang-kaya ko nang magtayo ng isang grocery store!” buntong-hininga niya habang matamlay na kumakain ng kaniyang pananghalian sa loob ng kaniyang tindahan.
Maya maya, may isang lalaking katutubo ang pumasok dito. Kasama nito ang kaniyang mga anak na panay ang himas sa mga paninda niyang bag at panay ang sukat sa kaniyang mga sapatos.
“Kung hindi po kayo bibili, mangyari lamang na lumabas na kayo. Hindi po presyong Divisoria ang mga paninda ko na pwede niyong hawakan at sukatin kahit marumi ang kamay at paa niyo,” mataray niyang saway sa mga ito dahilan para bahagyang matakot ang mga anak nito.
“Ah, ganoon ba? Pasensya ka na, ha? Nakita ko kasing walang kustomer dito sa shop mo kaya rito ko naisip na tumingin ng ipangreregalo,” malumanay na sagot ng ama saka tinipon ang mga bata sa gilid niya.
“Magkano po ba ang kaya niyong ilabas para sa bag o sapatos?” taas kilay niyang tanong ngunit imbes na sagutin siya nito, ngumiti lang ito saka lumabas ng kaniyang tindahan, “Ayan, tama ‘yan, umalis na kayo kaysa dungisan niyo ang tindahan ko!” sigaw niya pa sa mga ito saka siya bumalik sa kaniyang pagkain.
Pagkatapos niyang kumain, muli siyang puwesto sa tapat ng kaniyang tindahan upang mag-abang ng mga mayayamang mamimili na mapapadaan. Dito niya nakita kung gaano kadami ang hawak na shopping bag ng lalaking katutubong tinaboy niya kanina pati mga anak nitong masayang naglalakad.
Nabasa niya pa ang tatak sa paper bag na hawak na mga ito at nang mapagtanto niyang iyon ang pinakamahal na tindahan ng bag at sapatos sa mall na iyon, siya’y agad na nanghina.
“Ayos ka lang ba, ma’am?” tanong sa kaniya ng lalaking katutubo nang makitang tila hinang-hina siya habang nakatingin sa mga paper bag na dala nito, “Wala, eh, gusto ko sanang bumili sa’yo dahil nga parang malulugi ka na. Kaso, hindi kasi maganda ang ugali mo. Kung gusto mo talagang kumita, dapat kahit mukhang mahirap, inaasikaso mo at hindi tinataboy na parang aso,” pangaral pa nito sa kaniya saka tuluyan siyang nilisan kasama ang mga anak.
Doon na siya tuluyang napaiyak. Napagtanto niyang tama nga ang katutubong iyon. Mayayaman lang ang pinupuntirya niyang papasukin at asikasuhin sa loob ng tindahan niya kaya simula noon, pinangako niya sa sariling hindi na niya hahayaang may mapalagpas siyang kustomer na katulad ng katutubong iyon.
Tila naging maganda ang kinahinatnan ng pagbabago niyang iyon dahil paglipas ng isang buwan na lahat ng kustomer na napapadaan sa kaniyang shop ay kaniyang inaasikaso at binibigyang oras, nakabenta siya ng mga bag at sapatos na labis niyang ikinatuwa.
“Napalampas ko man ang katutubong iyon na malaki sana ang mabibili sa akin, naturuan niya naman ako ng magandang aral,” mangiyakngiyak niyang sabi nang muli siyang dagsain ng mga mamimili dahil siya pala ay nirekomenda ng katutubong iyon na isa palang sikat na negosiyante.