Hindi Matanggap ng Dalaga ang Nakaraan ng Ina; Hanggang Kailan Niya Kaya Mapanghahawakan ang Galit Niya Rito?
Sampung taong gulang na si Gigi nang malaman niyang may unang pamilyang nabuo ang kaniyang ina sa ibang lalaki. Durog na durog ang puso niya noon lalo na nang malaman niyang may mga anak din itong halos ilang taon lang ang agwat sa kaniya. Hindi niya matanggap na ang masayang pamilyang kinamulatan niya ay may baliko palang pinagmulan dahil sa maling pasiya ng kaniyang mga magulang.
Ito ang tanging dahilan para simula noon, lumayo ang loob niya sa kaniyang ina at madalas itong kainisan. Ni minsan hindi niya rin ito inintindi o pinakinggan sa tuwing siya’y papayuhan nito dahil para sa kaniya, ang isang ginang na walang pakialam sa iniwan niyang mga anak ay hindi rin dapat bigyan ng atensyon at pagmamahal.
Tumanda na siyang ganito ang paniniwala at ginagawa niya sa kaniyang ina. Kahit anong gawin nitong panunuyo at kabaitan sa kaniya, palagi niya itong tinataboy o sinisigawan.
Gusto man niya itong tuluyan tanggalin sa buhay niya, hindi niya magawa dahil nga mahal ito ng kaniyang ama. Kaya kahit lingid sa kagustuhan niya, hinayaan niya itong manirahan sa pinagawa niyang bahay gamit ang naipon niyang pera mula sa pagtatrabaho.
“Maraming salamat, anak, ha? Hinayaan mo akong makasama rito sa bahay mo. Asahan mong pagsisilbihan kita hanggang sa abot ng makakaya ko. Gusto mo bang mag-mall ngayon? May naipon akong pera rito mula sa pag-aalaga ko ng matanda sa kabilang barangay,” masayang sabi nito sa kaniya habang sila’y kumakain ng almusal. “Huwag na, ayoko ng perang mula sa isang katulad mo,” mataray niyang tugon dito.
“Gigi, niyayaya ka ng mama mo, sumama ka na. Minsan lang kayo makakapag-bonding niyan,” sabat ng kaniyang ama kaya siya’y napilitang makisama rito.
Pagtapos nilang kumain, agad na silang nagpunta sa mall. Nang makita niya ang taba ng pitaka nito, agad niya itong hinila sa isang tindahan ng mga mamahaling make-up at doon siya nagturo nang nagturo. Dahil nga gusto ng kaniyang ina na makuha ang loob niya, lahat ng tinuro niya ay binili nito dahilan para bahagyang gumaan ang loob niya rito.
Iyon na ang naging simula nang maayos niyang pakikitungo sa kaniyang ina. Ngunit ngayong alam na niyang malaki-laki ang perang kinikita nito sa pag-aalaga ng matanda, halos araw-araw na niya itong niyaya sa mall upang magpabili ng kung anu-ano at tuwing tatanggi ito, katakot-takot na panunumbat ang ginagawa niya rito.
“Wala kang pera? Wala ka na ngang ginagastos dito sa bahay ko, wala ka pa ring pera? Ako na ang sumasagot ng pagkain mo, ako ang nagbabayad sa kuryente at tubig na ginagamit mo tapos sasabihin mo sa aking wala kang pera?” wika niya.
“Pasensya na, anak, wala na talaga, eh. Ilang libong piso ang nagastos ko nang bumili tayo ng mga gamit mo,” nakatungo nitong sabi.
“Aba, nanunumbat ka na ngayon? Sige, simula ngayong araw, anumang gagamitin o kakainin mo rito sa pamamahay ko, kailangan mo nang bayaran, ha?” taas kilay niyang sagot.
“Gigi! Baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo!” sabat ng kaniyang ama na nakarinig ng kanilang pag-uusap.
“Paano ko makakalimutan ang isang ginang na inuna ang kalandian kaysa sa kaniyang mga anak na ngayo’y nagmamakaawang mahalin ng anak niya mula sa pangalawa niyang asawa?” tugon niya kaya siya’y nasampal nito at dahil nga galit siya rito, ginantihan niya ito hanggang sa sila’y magkasakitang mag-ina, “Lumayas ka sa pamamahay ko!” sigaw niya pa rito nang maawat sila ng kaniyang ama.
Sa sobrang pagkainis, buong maghapon siyang nagkulong sa kaniyang silid. Kinabukasan na siya ng umaga muling lumabas upang maghanda sa pagpasok sa trabaho.
Ngunit muli na naman siyang nainis sa ina nang makitang hindi pa ito nagluluto ng almusal at wala pa siyang mainit na tubig panligo. Dali-dali niya itong sinugod sa kwarto nito at nagulat siya nang makitang ama niya lang ang tahimik na natutulog doon habang malinis na ang damitan ng kaniyang ina.
“Sa wakas, umalis na ang malanding ginang,” nakangisi niya pang sabi.
Noong una’y akala niya, ayos lang na wala ito sa bahay niya ngunit hindi kalaunan, napansin niya kung gaano kadumi ang bahay niya simula nang mawala ito. Wala na rin siya oras kumain dahil wala nang naghahanda ng kaniyang pagkain. Palagi na rin siyang huli sa trabaho dahil walang nanggigising sa kaniya sa umaga. Hindi niya naman maasahan ang kaniyang ama na mas tamad pa kay Juan Tamad.
Sa hirap na dinaranas niya araw-araw, naisip niyang hindi lang pala basta-basta ang ginagawa ng kaniyang ina. Bukod pa roon, napagtanto niyang nasaktan niya nga ito nang labis dahil sa ginawa at mga sinabi niya.
“Nagkamali man kami ng nanay mo noon, sinigurado niya namang magagawa niyang mahalin ka sa abot nang makakaya niya. Lumayas siya hindi dahil naiinis siya sa’yo, kung hindi dahil ayaw niyang nakikitang nagiging salbahe ka dahil sa kaniya at sa nakaraan namin,” tapat na sabi ng kaniyang ama nang makita siyang tulala sa kaniyang bintana.
Dahil doon, napag-isip-isip niyang buong buhay niya, nagalit siya sa kaniyang ina na walang ginawa kung hindi ang mahalin siya. Napagdesisyunan niya ring tuldukan na ang galit na nararamdaman para dito upang pare-parehas na silang mamuhay nang mapayapa.
Oramismo, pinuntahan nilang mag-ama ang kaniyang ina sa inuupahan nitong silid. Agad niya itong niyakap at humingi ng tawad.
“Patawarin mo ako, mama,” hikbi niya na labis din nitong ikinaiyak dahil sa tuwang nararamdaman.
“Sa wakas, napatawad at natanggap mo ako, anak,” tugon nito saka sila nagyakapang tatlo.
Simula noon, pinakitunguhan na niya na nang maayos ang kaniyang ina. Ginawa niya ang lahat upang makabawi sa malulungkot na araw na pinaranas niya rito at nangakong habambuhay niya itong mamahalin kasama ng kaniyang ama.