Inday TrendingInday Trending
Sabik na Sabik ang Babae sa Regalo sa Kaniya ng Nobyo; Nawindang Siya sa Ibinigay Nito

Sabik na Sabik ang Babae sa Regalo sa Kaniya ng Nobyo; Nawindang Siya sa Ibinigay Nito

Masayang-masaya si Hanilet dahil tatlong araw na lang ay sasapit na ang kaniyang kaarawan. Excited na siya kung ano ang ireregalo sa kaniya ng nobyo niyang si Douglas.

“Sweety, anong regalo mo sa akin sa birthday ko?” malambing niyang tanong.

“Ha? A, eh, wala pa akong maisip, sweety. Ano ba ang gusto mong gift?” balik na tanong ng lalaki.

“Kahit ano, basta galing sa iyo ay tatanggapin ko,” sagot ni Hanilet.

“Sige. Siguradong matutuwa ka sa regalo ko sa iyo.”

“Sinabi mo iyan ha? Aaasahan ko iyan, sweety!”

Pagkagaling sa trabaho ay dumiretso agad si Douglas sa mall para bumili ng ireregalo para sa nobya. Habang naglilibot-libot ay biglang tumunog ang selpon niya at sinagot iyon. Nabigla siya nang malaman kung sino ang nasa kabilang linya.

“O, bakit ka napatawag?” aniya.

Nang sabihin ng kausap ang pakay ay napakamot na lang siya sa ulo.

“Okay sige, ipapadala ko na lang sa iyo,” sagot niya.

Pagkatapos kausapin ang tumawag ay namili na siya ng magandang pangregalo para kay Hanilet at nang makabili ay iniisip niya kung ano pa ang maaari niyang bilhin ng gabing iyon.

Nang umuwi siya sa bahay ay agad niyang itinago ang binili niyang regalo sa aparador.

Nang sumunod na araw, habang kumakain sila sa labas ng nobya ay muling naglambing si Hanilet at may hinihiling ulit sa kaniya.

“Sweety, gusto ko’y maging memorable ang birthday ko kaya naisip ko na sa isang mamahaling restawran tayo mag-dinner o mag out of town tayo,” hiling ng babae.

“Mukhang magandang ideya iyan, sweety. Hayaan mo at magpapa-reserve ako sa isang 5 star na restawran para sa dinner date natin. Ang out of town ay gawin na lang natin sa susunod na linggo, okay ba iyon?” sagot ni Douglas

“Sige, sweety. Excited na talaga ako! Isusot ko iyong binigay mo sa aking bestida noong nakaraang birthday ko.”

“Ayun, siguradong bagay ang nabili ko sa isusuot mo,” bulong ni Douglas sa sarili.

Nang bigla siyang narinig ng nobya.

“Ano iyon, sweety? May sinasabi ka ba?” tanong nito.

Natauhan si Douglas. Hindi pa niya maaaring sabihin kay Hanilet ang tungkol sa kanyang binili kundi masisira ang sorpresa niya.

“W-wala, wala,” tanggi niya.

Bago ang espesyal na araw ni Hanilet ay muling may tumawag sa kaniya sa selpon.

“Hello, sino ito?” panatag na sabi niya sa kabilang linya.

Nang malaman ulit kung sino ang tumawag ay muli siyang napakamot sa kaniyang ulo.

“May importante akong pupuntahan bukas, e. Sa Sabado na lang tayo magkita,” mahinahon niyang sagot sa kausap.

Maya maya ay ibinababa na niya ang selpon at tila nag-isip nang malalim.

‘Di nagtagal ay sumapit na nga ang kaarawan ni Hanilet. Alas sais ng gabi ay dinala ni Douglas ang nobya sa isang sikat na restawran. Tuwang-tuwa ang babae sa pinagdalhan sa kaniya ng nobyo.

“Napakaganda naman dito, sweety. Talagang mamahalin ang pinili mo ha,” manghang wika ni Hanilet.

“Nagustuhan mo ba? Talagang pinili ko ang isa sa pinakamahal na restawran para dito natin iselebra ang birthday mo.”

“Naku, nakakatuwa naman, pinaghandaan mo talaga ang birthday ko ha. Mahal na mahal mo talaga ako!”

Tinawag ni Douglas ang waiter at um-order na sila ng makakain nila. Pagkatapos ay inilabas na niya ang kaniyang sorpresa.

“O, sweety regalo ko sa iyo!” aniya sabay abot kay Hanilet.

Napamulagat ang babae sa ibinigay niya.

“Wow, ito ang regalo mo sa akin? Thank you!” tuwang-tuwang sabi ng nobya.

“Buksan mo na, sweety. Siguradong matutuwa ka!” utos ni Douglas.

Nagmamadaling inalis ng babae ang balot ng regalo at nang buksan ang kahon ay laking gulat sa tumambad sa kanya.

“Wow, kay gandang kuwintas naman nito, mukhang mamahalin din, p-pero teka, bakit ibang pangalan ang nakaukit sa kuwintas? D-Daisy, si-sinong….”

Mas ikinawindang ni Hanilet nang may napansin siyang maliit na papel sa loob ng kahon.

“Happy Birthday! I Love you, Daisy babe!”

From: Douglas

Nag-init ang bumbunan ni Hanilet at kinompronta ang nobyo.

“Walang hiya ka! Sino si Daisy? Babae mo, ano? Regalo mo ito sa babae mo tapos ibibigay mo sa akin? At birthday din pala ng g*ga?” galit na galit sa sabi ni Hanilet.

Ikinagulat ni Douglas kung bakit iyon ang laman ng kahon na naibigay niya sa nobya. Bigla niyang naalala na magkapareho pala ng kulay ang plastic bag na pinaglagyan ng dalawang regalong binili niya, ang isang regalo na para sana kay Hanilet ay engagement ring para sa balak niyang pagyaya ng kasal para rito. Ang nabili niyang kuwintas na may nakaukit na pangalan ay para naman sa babae niyang si Daisy na nagdiriwang din ng kaarawan. Napagtanto niya na ibang regalo pala ang nadala niya, imbes na ang regalo para kay Hanilet ang nakuha niya sa loob ng aparador ay ang regalo para sa babae niya ang nadala niya. Bukod kay Hanilet ay may iba pa palang nililigawan si Douglas. Plano niya sana na hiwalayan na ang babae kapag nagkita sila at seseryosohin na niya si Hanilet kaso nabuking na nito ang kalokohan niya.

“P-patawarin mo ako s-sweety, h-hindi ko s-sinasadya…” nauutal na paliwanag ni Douglas sa nobya.

“Tapos na tayo, Douglas, akala mo’y maloloko mo ako? Manigas ka! Ayoko nang makikita pa ang pagmumukha mo!” malakas na sigaw ni Hanilet saka nagmamadaling umalis.

Magsisi man si Douglas ay huli na. Mula noon ay hindi na nakipagkita pa sa kaniya si Hanilet. Sayang, ang babae na sana ang mahal niya at nakatakda niyang pakasalan kaso’y biglang nawala sa buhay niya dahil sa panlolokong ginawa niya. Karma tuloy ang napala niya.

Advertisement