Umibig ang Isang Takas na Tulak ng Ipinagbabawal na Gamot sa Maganda at Masayahing Dalaga; Suwerte Pala Siya Dahil Nakilala Niya Ito
Pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang pinagkakakitaan ni Jamil. Bata pa lang siya ay naulila na sa mga magulang at hindi nakapag-aral kaya naman pinasok niya ang ilegal na gawain para mabuhay.
“O, pare, mukhang malaki-laki ang kinita mo ah,” wika ng isa sa mga kasama niya sa pagtutulak.
“Sinuwerte lang, pare. Malakas umorder ‘yung mga kustomer ko, eh,” sagot niya.
Ngunit hindi lahat ng pagkakataon ay pumapanig kay Jamil ang suwerte. May mga araw na minamalas din ang binata dahil nasusukol siya ng mga pulis kaya wala siyang ibang magawa kundi ang magpalamig muna at magtago. Nang minsang mahuli siya ng mga pulis habang nagbebenta, agad siyang tumakbo at nagtago sa mga ito. Mabuti na lang at matulin siyang tumakbo kaya mabilis siyang nakalayo. Hinding-hindi siya papayag na madakip ng mga awtoridad.
“Tutal, patapon na rin naman ang buhay ko’y mas gugustuhin ko pang mamat*y kaysa magpahuli sa inyo,” bulong niya sa isip.
Gamit ang naipon niyang pera ay nagbakasyon muna siya sa malayong lugar. Pansamantala muna niyang itinigil ang pagbebenta ng bawal na gamot.
Nakakuha siya ng mumurahing hotel sa isang maliit na resort sa Pangasinan. Doon muna siya habang mainit pa sa kaniya ang mga mata ng mga pulis. ‘Di niya inasahan na doon din niya makikilala si Roselle, isang napakagandang dalaga. Gaya niya ay nagpunta rin ito roon para magbakasyon. Dahil mabait si Roselle ay mabilis niya itong nakagaanan ng loob.
“Ano nga ulit ang trabaho mo, Jamil?” tanong nito sa kaniya.
“A, eh, c-call center a-agent ako sa O-Ortigas,” nauutal na sagot ng lalaki.
“Talaga? Nagtrabaho din ako sa call center dati. Anong pangalan ng kumpanya?”
“S-sa V-VitaCall Inc.”
Nag-imbento na lamang siya dahil hindi niya alam ang isasagot.
“Ah…parang ngayon ko lang narining ang kumpanyang ‘yan,” nag-iisip na sabi ng dalaga.
“Bago lang kasi iyon,” tugon na lang niya. “I-ikaw, ano ang trabaho mo at bakit ka narito?” tanong niya kay Roselle na iniba ang usapan.
Naging seryoso ang mukha ng dalaga.
“Isa akong negosyante. May-ari ako ng isang kumpanya sa Makati. Nagbakasyon lang ako rito para mag-enjoy!” sagot ng dalaga.
“Talaga? Big time ka pala, eh, kung ako ang may may-ari ng isang kumpanya ay talagang mag-e-enjoy nga ako,” manghang sabi ni Jamil.
Biglang natahimik ang dalaga. Nag-isip muna kung ano ang sasabihin.
“Tama ka, gusto kong mag-enjoy. Para sa akin, bawat oras ay mahalaga,” tugon pa ni Roselle.
Kahit hindi maintindihan ni Jamil ang gustong tumbukin ng dalaga ay nagkaroon pa rin siya ng interes dito. Sa bawat araw na inilalagi niya sa resort ay mas nakikilala pa niya ito. Palabiro, palakwento at masaya itong kasama. Habang unti-unti niyang nakikilala ang totoong pagkatao ni Roselle ay unti-unti na ring nahuhulog ang damdamin niya rito hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili. Ipinagtapat niya ang kaniyang tunay na nararamdaman sa dalaga.
“Roselle, gusto kong malaman mong may pagtinign na ako sa iyo. Hindi ko sinasadyang mahulog ang loob ko sa iyo. Bigla ko na lamang naramdaman na mahal na pala kita.” pagtatapat ng binata.
“P-pero, hindi mo pa ako lubos na kilala, Jamil. Baka nabibigla ka lang sa sinasabi mo?”
“Totoo ang sinabi ko at nararamdaman ko para sa iyo, Roselle. Sa katunayan ay gusto ko nang ipagtapat ang tunay kong pagkatao. Dati ko pa gustong ipaalam sa iyo kaso natakot ako na baka layuan mo ako. Hindi totoo ang sinabi ko na isa akong call center agent, ang totoo ay isa akong dr*g p*sher, nagbebenta ako ng ipinagbabawal na gamot. Tulak lang ako, kahit kailan ay hindi ako gumamit ng mga ibinebenta ko. Nagpunta ako rito para magtago sa mga pulis na naghahanap sa akin. Nagawa ko lamang ang trabahong iyon kasi iyon lang ang alam kong paraan para mabuhay. Hindi naman ako nakapagtapos sa pag-aaral, gustuhin ko mang magtrabaho ng marangal pero walang may gustong tumanggap sa akin dahil nga wala akong pinag-aralan. Wala na rin akong pamilya, nag-iisa na ako, patapon na at walang kwenta ang buhay ko.”
Halata sa mukha ni Roselle na nagulat sa ipinagtapat ng lalaki ngunit nagawa pa rin nitong ngumiti.
“Bakit ka nagsinungaling? Puwede mo namang sabihin sa akin ang totoo. Ano naman kung p*sher ka? Siguro kung una mong sinabi sa akin ‘yan ay hindi ako maniniwala dahil hindi isang p*sher ang nakasama ko, nakakuwentuhan ko at nakilala ko kundi isang mabuting tao. Hindi pa huli para magbago ka, Jamil. Habang may buhay, may pag-asa ka pa. Hindi pa huli ang lahat para sa iyo,” tugon ng dalaga.
Makahulugang hinaplos ni Roselle ang mga pisngi ni Jamil nang bigla itong mawalan ng malay at bumagsak sa kaniyang harapan.
“Roselle? Ano’ng nangyari sa iyo, Roselle? Gumising ka!”
Agad niyang binuhat ang dalaga at dinala sa malapit na ospital. Maya maya ay ikinawindang niya ang sinabi ng doktor na tumingin dito.
“Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na malala na ang lagay ng kasama mo. Malubha na ang kans*r niya sa dugo. Kumalat na ito sa buo niyang katawan. May taning na ang buhay niya.”
Natigilan si Jamil sa inihayag ng doktor. ‘Di siya makapaniwala na ang nakilala niyang masayahing dalaga na hindi makikitaan ng anumang problema ay may mabigat palang dinadala. May malubha palang karamdaman at may taning na ang buhay ni Roselle. ‘Di niya napigilang maiyak sa kalagayan nito. Nang magising ang dalaga ay nakita siya nito na umiiyak sa gilid ng kama.
“Sshh…huwag kang umiyak, Jamil. Ayokong kinakaawaan ako,” wika nito.
“Bakit hindi mo sinabing may sakit?” tanong ni Jamil na napahagulgol na.
“Alam mo na pala. Hindi naman ako natatakot na mawala sa mundo. Kaya nga pumunta ako rito para i-enjoy ang mga natitirang araw sa buhay ko. Nagpapasalamat ako sa iyo dahil ikaw ang nakasama ko. Pinasaya mo ang mga nalalabi kong araw. Naiinggit nga ako sa iyo dahil mahaba-haba pa ang lalakbayin ng buhay mo, malakas ka at halatang walang anumang sakit na iniinda ‘di tulad ko na naghihintay na lamang ng takdang oras. Kaya ikaw, ituloy mo ang mabuhay sa tama. Hindi pa huli para magbago ka, Jamil. Masarap ang mabuhay na malaya mong nagagawa ang gusto mo sa tamang landas. Hindi totoong patapon na at walang kwenta ang buhay mo, naniniwala ako na kaya mong magbago dahil hindi ka likas na masama, kaya nga natutunan na rin kitang mahalin dahil dumadaloy pa rin sa iyong dugo ang kabutihan.”
Mahigpit na yakap ang iginawad ni Jamil kay Roselle.
“Magbabago na ako, Roselle. Magbabago na ako. Ipinapangako ko, mahal ko.”
Mula noon ay kinalimutan at tinalikuran na ni Jamil ang masama niyang gawain. Tinulungan siya ni Roselle na makabalik sa pag-aaral hanggang sa nakatapos siya sa kolehiyo sa kursong Business Administration. Sayang nga lang dahil hindi na nakita ni Roselle ang tagumpay niya, namaalam na ang dalaga, tuluyan na itong ginupo ang karamdaman ngunit kahit wala na ang babaeng pinagkakautangan niya ng lahat at ang babaeng pinakamamahal niya ay itinuloy pa rin niya ang mabuhay dahil alam niyang darating din ang panahon na magkakasama ulit sila. Dahil ulila na rin sa mga magulang si Roselle at wala nang ibang kamag-anak ay sa kaniya ipinamana ng dalaga ang kumpanya nito. Laking pasasalamat niya rito dahil sa sobra-sobrang biyaya na ibinigay nito sa kanyia. Ipinangako niya na habang siya’y nabubuhay ay pakaiingatan niya at mas palalaguin pa ang negosyong iniwan sa kaniya ng kaisa-isang babaeng minahal niya.