Inday TrendingInday Trending
Dahil Masipag Mag-Aral ay Inampon ng Babaeng Negosyante ang Batang Kargador; Malaking Pagbabago ang Mangyayari sa Buhay Niya

Dahil Masipag Mag-Aral ay Inampon ng Babaeng Negosyante ang Batang Kargador; Malaking Pagbabago ang Mangyayari sa Buhay Niya

Sampung taong gulang pa lamang noon si Cholo nang ipagbili siya ng mga magulang sa isang haciendero para alilain.

Bukod sa palaging masungit ay napakalupit pa nito. Kaunting pagkakamali lang niya ay palagi siya nitong sinasaktan kaya pinagplanuhan niya kung paano siya makakaalis sa poder ng amo. Nang tuluyang makatakas ay laking tuwa niya.

“Nakaalis din ako sa lugar na iyon. Hinding-hindi na ako babalik doon,” wika niya sa sarili.

Mula nang umalis sa poder ng malupit na amo ay ang lansangan na ang naging tirahan niya. Natutulog siya sa malamig na semento sa tuwing sasapit ang gabi dahil wala naman siyang ibang matutuluyan ngunit kahit ganoon ang kalagayan niya ay may pangarap din naman siya. Pursigido siyang makapag-aral kaya nag-isip siya ng paraan para magawa iyon. Nag-apply siya bilang kargador sa palengke kahit sa mura niyang edad.

“Parang-awa niyo na po, tanggapin niyo na ako. Masipag po ako, kailangan ko lang pong kumita ng pera para makapag-aral ako,” pakiusap niya sa may-ari ng gulayan.

Pinagtawanan siya ng lalaki.

“Ano? Ang bata bata mo pa! Hindi mo kakayanin ang trabaho rito. Saka gagamitin mo kamo sa pag-aaral ang kikitain mo rito? Barya lang ang kaya kong ipasahod. Siguradong hindi iyon sasapat para makapag-aral ka!” tugon ng lalaki.

“Kaya ko po ang mga ipapagawa niyo sa akin. Wala pong problema sa akin kahit magkano lang po ang ibigay niyo sa akin, ako na po ang bahala na pagkakasyahin iyon,” aniya.

“Siguro ka ha? Sa bagay, kailangan ko nga ng isa pang makakatulong sa akin dito sa gulayan ko. Sige, maaari ka nang mag-umpisa ngayon,” sagot ng lalaki.

Gaya ng sinabi ng amo ay maliit na halaga lang ang ibinayad nito sa kaniya ngunit balewala iyon kay Cholo. Kahit kulang ang pera niya ay buo ang loob niyang ituloy ang plano.

Nang sumunod na araw, napansin si Cholo ng isang babaeng kustomer.

“Ang sipag mo naman, bata. Habang naglalagay ka ng mga gulay sa sako, eh naisasabay mo pa ang pagbabasa,” sabi nito nang mapansing nagbabasa siya ng libro na hiniram niya sa anak ng kaniyang amo.

“Nagsasanay po akong magbasa para kapag pumasok na ako sa eskwela ay magaling na akong magbasa,” sagot niya.

“Aba, nakakatuwa ka naman. Bakit, hindi ka ba nakakapasok sa eskwela?” usisa ng babae.

“Hindi po, eh, pero nag-iipon po ako ng pera sa kinikita ko rito sa palengke para makabalik po ako sa pag-aaral.”

Mas lalong humanga sa kaniya ang babae.

“Nakakabilib ka naman, bata. Anong pangalan mo?” anito.

“Ako po si Cholo. Gustung-gusto ko po talagang makapasok sa eskwela at mag-aral para balang araw ay umasenso ako,” tugon pa ni Cholo.

Ikinuwento niya sa babae ang mga pinagdaanan niya. Nang matapos niyang isalaysay ang naging buhay niya ay nakaramdam ito ng awa sa kalagayan niya.

“Kawawa ka naman pala, bata. Eh, magkano naman ang kinikita mo rito? Saan ka tumutuloy ngayon?”

“Maliit lang po ang kinikita ko rito, ma’am. Diyan lang po ako natutulog sa tabi ng bangketa,” sagot ni Cholo.

Mas lalong natuwa sa kaniya ang babae.

“Ako nga pala si Aleli, Tita Aleli na lamang ang itawag mo sa akin. Isa akong negosyante. Huwag kang mag-alala at tutulungan kitang makapag-aral nang libre,” wika nito.

“Talaga po?!” gulat na sabi ni Cholo.

“Oo. Saka isa pa, wala naman akong ibang kasama sa bahay ko, kaya doon ka na rin tumira. Bukas ay isasama kita sa eskwelahan kung saan din ako nagtapos noon ng elementarya, kaibigan ko ang prinsipal doon. Dadaanan kita rito mamaya at susunduin kita,” wika ng babae.

“Naku, maraming salamat po, ma’am!”

Pagkatapos ng trabaho ni Cholo sa palengke ay sinundo siya ni Aleli para sa bahay na siya nito tumira. Kinaumagahan naman ay isinama siya nito sa eskwelahan na sinabi nito. Pinakiusapan nito ang prinsipal para ipasok siya roon. Mula noon ay nag-aral nang mabuti si Cholo. Nang tumuntong siya sa edad na labingwalong taon ay pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi kasi siya pumayag na libre palagi ang pag-aaral niya sa poder ni Aleli na itinuring na niyang parang tunay na ina, gusto niya na tumayo sa sarili niyang paa. Suportado naman ng babae ang desisyon niya.

“O, Cholo, parang antok na antok ka? Napuyat ka na naman sa trabaho mo ‘no?” tanong ni Aleli nang makita siya na panay ang hikab habang nag-aalmusal..

“Sorry po tita, bukod po kasi sa pagtatrabaho ko sa fast food chain ay suma-side line din po ako bilang online tutor.”

“Hindi mo na kasi kailangang gawin iyan dahil binibigyan naman kita ng perang pambaon mo at saka mayroon ka ring allowance na natatanggap sa eskwelahan dahil isa ka sa matatalinong estudyante,” wika ni Aleli.

“Pasensya na po, p-pero gusto ko pong paghirapan ang pag-aaral ko at ang pagtuloy ko sa inyong bahay. Ang perang ibinibigay niyo sa akin at ang allowance na natatanggap ko bilang iskolar ay iniipon ko na lang po.”

Napahanga ang babae sa tinuran ni Cholo. Hindi niya inakala na makakatagpo siya ng kagaya ng binata.

Kahit mahirap ay nagtiyaga si Cholo hanggang sa nakapagtapos siya sa kursong Arkitektura. Nakuha rin niya ang pinakamataas na marka sa Board Exam ngunit isang araw, isang magandang balita pa ang bumungad sa kaniya.

“Tita Aleli, inalok po ako ng isang kilalang kumpanya sa Amerika para roon magtrabaho” masaya niyang sabi.

“Talaga? Wow, congratulations, Cholo! I’m proud of you, malayo na talaga ang narating mo!”

“Salamat po, tita, kundi dahil sa inyo ay hindi ako makakapag-aral. Utang ko po sa inyo ang aking tagumpay,” aniya.

“Hindi, Cholo. Ikaw ang gumawa sa iyong tagumpay. Lahat ng tao ay may karapatang makapag-aral lalo na ang mga kagaya mo na masipag, matiyaga, at matalino,” sagot ng babae.

Limang taong nagtrabaho si Cholo sa Amerika. Isa siya sa pinakamahuhusay na arkitekto roon. Pagkatapos ng limang taon ay bumalik siya sa Pilipinas para sariling bansa naman ang kaniyang pagsilbihan. Nang siya ay bumalik ay naisipan niyang hanapin ang mga magulang na nag-abandona sa kaniya noon ngunit sa kasamaang palad ay matagal na palang namayapa ang mga ito. Nabalitaan din niya na may sakit at mahina na ang Tita Aleli niya na umampon sa kaniya. Nagmamadali niya itong dinalaw.

“Ipinagmamalaki kita, Cholo. Ang balita ko’y sikat na sikat ka sa Amerika bilang pinakamagaling na Pinoy na Arkitekto,” sabi ng babae sa mahinang boses.

“Malaki po ang naitulong niyo sa akin, tita, para maabot ang aking pangarap. Ngayong narito na ako’y kayo naman po ang aking pagsisilbihan at aalagaan. Tunay na ina na po ang turing ko sa inyo.”

Mula noon ay si Cholo na ang nag-alaga sa kaniyang mabait na ina-inahan. Makalipas ang ilang buwan ay tuluyan nang pumanaw si Aleli. Ikinagulat ni Cholo na sa kaniya ipinamana ng babae ang lahat ng ari-arian, pera sa bangko at ang negosyo nito. Napaluha siya dahil higit pa sa inakala niya ang ibinigay sa kaniya ni Aleli na minsang nagtiwala sa kaniyang kakayahan at nagmahal sa kaniya bilang tunay na anak kahit hindi sila magkadugo.

Advertisement