Natatakot na ang Maybahay na Ito sa Nagmamanman sa Labas ng Kanilang Bahay; Siya Rin Pala ang Tutulong Dito
“Hon, napapansin mo ba ‘yung babae sa labas tuwing alas singko ng hapon? Palagi ‘yung humihinto sa tapat natin tapos tititigan niya lang nang matagal ang bahay saka aalis. Isang buwan ko na rin na napapansin ang babaeng iyon,” sabi ni Olivia sa kaniyang asawa habang abala ito sa pagluluto ng hipon bilang hapunan nila.
“Baka nagagandahan lang ‘yun sa bahay natin. Alam mo naman dito sa village natin, hindi pa ganoon kahigpit ang seguridad sa mga pumapasok na bisita. Huwag kang mag-alala, ipapareview ko ang CCTV sa guard house para matanong din natin kung sino man siya,” mabilis na sagot ni Mike, ang asawa ng babae.
“May isa pa akong napapansin doon sa babae, bago siya umalis, parang bubulong muna siya ng kung anong orasyon. Basta, nangingilabot ako kasi pipikit siya nang mataimtim sabay bubulong. Nung huling nakita ko ‘yun, nagtayuan talaga ang mga balihibo ko, hon!” dagdag pa ng babae rito.
“Sigurado ka bang malinis mong nabili ang bahay na ito? Mamaya ay may kababalaghan na nakaraan ‘to! Nakakatakot lalo na’t mag-isa lang ako!” pangingilabot pang muli ni Olivia.
“Ano ka ba naman, hon, nasa ibang bansa na ang may-ari ng bahay na ito, at walang nang ganon ngayon. Sa panahon ngayon, hindi ka na sa multo o orasyon matatakot,” natatawang balik ng kaniyang asawa.
Kakabili lamang ni Mike ng bahay na tinitirhan nila ngayon sa may Paranaque, regalo niya ito sa kaniyang misis bilang bagong kasal lamang ang dalawa. Ngunit ilang beses na rin nababangit ni Olivia ang kinatatakutan niyang babae kaya naman pinagbigay alam niya na ito sa admin ng kanilang tinitirhan. Sa kasamaang palapad ay walang kontrol ang mga guwardiya sa mga taong pumapasok sa lugar lalo pa nga’t hindi naman daw eksklusibong pabahay ang mayroon sila.
“Ayan na, hon, alas singko na. Tingnan mo, nandito na siya,” natatakot na silip ni Olivia sa bintana nang matanaw ang babae.
Minatyagan ito ng lalaki at totoo nga ang deskripsyon ng kaniyang misis sa ginagawa nito. Maging siya man ay nagtaasan din ang balahibo.
“Anong gagawin natin? Lumipat na lang kaya tayo? Ibenta na lang natin ‘to ulit. Bumalik na lang tayo sa condo natin sa Makati, hon,” mabilis na suhestiyon ni Olivia sa mister.
“Hindi, akong bahala, bukas aabangan ko ‘yan sa labas,” sagot ng lalaki.
Kaya naman kinaumagahan ay naghintay ang mag-asawa sa labas ng bahay nila sa pagdating ng babae, katulad ng inaasahan ay dumating ito sa eksaktong oras.
“Sino ka?” matapang na tanong ni Mike sa babae.
Hindi ito sumagot at mabilis naglakad ngunit bago pa man makahakbang ito ay kaagad na hinarang ng lalaki.
“Bakit palagi kang humihinto sa bahay namin? Alam mo bang pwede kitang ipabarangay sa ginagawa mong iyan? Kami na ang bagong may-ari ng bahay na ito,” siwalat ng lalaki.
“Ano po kasi, ano po… Gusto ko lang pong magdasal, nagdadasal lang po talaga ako,” nanginginig ang boses ng babae na sumagot sa kaniya. Halatang may kaba at takot sa tinig nito.
“Hindi po ako masamang tao, maniwala po kayo,” pakiusap niyang muli sa mag-asawa.
“Sa barangay na tayo mag-usap,” yaya pa kaagad ni Mike rito.
“Hindi na po, huwag na po. Ayaw ko po ng gulo, pasensya na po kayo,” nangingilid ang mga luha ng babae.
“Pwede ka ba namin makausap sandali? Natatakot na kasi ako kapag nakikita kita, pasensya ka na sa mister ko pero gusto lang din talaga namin malaman kung bakit ka palaging humihinto sa bahay namin,” singit ni Olivia nang maramdaman niya ang sinseridad sa boses nito.
“Pasensya na po kayo kung ganoon ang naramdaman niyo pero ito po ang mga papel ko. Nag-iisa po akong anak ng may-ari ng bahay na ito, pero anak lang po ako sa labas. Mahirap lang ang nanay ko at matagal na rin siyang sumakabilang buhay. May sarili na rin akong pamilya at nagtatrabaho para mabuhay pero ito po, ito po ang huling habilin ng tatay ko na sa akin niya pinamamana ang bahay na ito. Pero dahil mahirap lang ako at anak sa labas, ‘yung mga kapatid ng tatay ko ang kumuha ng bahay na ito. Hindi ko na sila nahabol pa dahil nag-abroad na silang lahat,” kabadong siwalat ng babae at mabilis na ibinaba sa sahig ang bitbit na bag upang ipakita ang mga sinasabi niyang papeles.
“Ako nga po pala si Wena, hindi ko po intensyon na manggulo, maniwala po kayo. Lumapit na ako sa mga abogado at sabi nila may laban naman daw ako kaya lang masyadong maraming gastos at isa pa nga, kayo na ang may-ari nito. Pero hindi ko po mapigilan na huminto sa bahay na ito at mag-iwan ng dasal na sana balang araw, nangangarap kahit imposible, ay maitira ko ang pamilya ko sa bahay na ito,” dagdga pa nito. Saka niya ipinakita ang kaniyang mga papeles at lihitimong pagkakakilanlan. Kaagad naman na humingi ng tawad ang mag-asawa ngunit sinabi rin nilang labas na sila sa gulo na mayroon si Wena. Mabilis naman na tinanggap ito ng babae at nangakong hindi na mangugulo kina Mike at Olivia.
Ngunit sa kabilang banda, dahil hindi matahimik ang mag-asawa ay tinulungan nila si Wena sa paglalakad ng legal nitong papeles lalo na nga noong makumpirma nila na totoo ang istorya ng babae. Ngayon ay kasalukuyang dinidinig sa hukuman ang kaso ni Wena at ang karapatan nito sa nasabing bahay. Habang sila Mike at Olivia naman ay naghihintay lamang ng desisyon ng korte at kung ano man maging resulta ay igagalang nila ito ng buong puso.
Laking pasasalamat naman ni Wena sa mag-asawa dahil isa sa milyong tao lamang ang may puso na katulad ng kina Mike at Olivia.