Inday TrendingInday Trending
Walang Ibang Sinusunod ang Ginang Kung Hindi Sarili Niyang Kagustuhan, Paano kaya Siya Matututo?

Walang Ibang Sinusunod ang Ginang Kung Hindi Sarili Niyang Kagustuhan, Paano kaya Siya Matututo?

Kung ang ibang ilaw ng tahanan ay sumusunod sa kanilang mga asawa at may pantay na karapatan sa kanilang pamamahay, ibang-iba sa mga ito ang ginang na si Recel. Wala siyang ibang sinusunod kung hindi ang sarili niyang kagustuhan. Mapatungkol man sa sarili niya o sa kanilang pamilya, nais niyang masunod ang lahat ng gusto niya kahit pa minsan, hindi na ito tama.

Ito ang madalas na nagiging ugat ng pag-aaway nila ng kaniyang asawa. May pagkakataon pa ngang kahit na inubos niya ang kaniyang pera sa pagsusugal kasama ang kaniyang mga mayayamang amiga sa isang kilalang casino sa Maynila, siya pa ang galit na galit sa kaniyang asawa nang siya’y pagsabihan nito.

Katwiran niya, “Hindi porque lalaki ka at babae ako, ikaw ang pakikinggan ko. Kahit mag-asawa na tayo, karapatan ko pa ring sundin kung ano ang gusto ko.”

Kaya naman, upang huwag na lang humaba pa nang humaba ang kanilang pag-uusap na wala namang ibang patutunguhan kung hindi pag-aaway na malaking nakakaapekto sa kanilang mga anak, madalas, hinahayaan na lamang siya nito sa mga gusto niya at hindi kinikibo.

Isang hapon, habang siya’y nagpapahinga sa kaniyang silid, naisipan niyang magtingin-tingin ng mga pangyayari sa kaniyang social media account. Dito unang bumungad sa kaniya ang litrato ng bagong palaruan sa kanilang siyudad dahilan para agad siyang maengganyo na dalhin ang kaniyang mga anak doon.

Kaya lang, motorsiklo lang ang kanilang pagmamay-aring sasakyan at tatlo ang anak niyang edad lima, tatlo, at isang taong gulang.

“Kung mamamasahe naman kami, malaki-laki ang magagastos namin. Una, kailangan naming sumakay ng tricycle patungo sa sakayan ng jeep tapos panibagong bayad na naman ng pamasahe sa jeep. Iaangkas ko na nga lang silang lahat! Maingat naman ako magpatakbo ng motorsiklo,” sabi niya sa sarili saka agad na tinawag ang kaniyang mga anak at isa-isang binihisan.

Kitang-kita niya ang saya sa mata ng mga ito nang sabihin niyang aalis silang mag-iina at magpupunta sa palaruan kaya agad niyang minadali ang pagbibihis sa mga ito at pag-aayos ng kaniyang sarili.

Ngunit, bago pa man sila makalabas ng bahay, bigla namang dumating ang kaniyang asawa at inusisa kung saan sila magpupunta.

“D’yan lang sa bagong tayong palaruan sa bayan. Huwag ka nang sumama, sisirain mo lang ang bonding naming mag-iina,” masungit niyang sabi rito saka agad na kinuha ang susi ng kanilang motorsiklo.

“Walang problema, basta mamasahe na lang kayo. Hindi mo ‘yan sila kakayaning iangkas lahat sa motor,” payo nito na agad niyang ikinainis.

“Hindi talaga nakukumpleto ang araw mo nang hindi ako naiinis, ano? Nangingialam ka na naman sa kagustuhan ko!” sigaw niya pa rito.

“Diyos ko, Recel, iaangkas mo ‘yang mga anak natin, eh, kaliliit pa ng mga ‘yan! Baka mamaya…” agad na niyang pinutol ang sinasabi ng asawa.

“Wala kang pakialam sa kung anong gusto ko!” sigaw niya pa rito saka agad na iniangkas ang mga bata sa motorsiklo at dali-dali niya itong pinatakbo para hindi na marinig ang sinasabi ng asawa.

Sa kabutihang palad, ligtas naman silang nakarating sa parke. Nahirapan man siya sa pagiging makukulit ng kaniyang mga anak habang siya’y nagmamaneho, nakontrol niya naman ito sa pamamagitan ng paggagalit-galitan.

Doon sa parke, walang ginawa ang kaniyang mga anak kung hindi ang magtakbuhan, magpadulas sa padulasan, magduyan, at kung ano pang pupwedeng gawin sa naturang palaruan habang siya, todo kuha ng litrato ng mga ito.

Maya maya, naramdaman niyang pagod na ang kaniyang mga anak kaya naisipan niya namang dalhin ang mga ito sa isang kainan na gustong-gusto ng mga bata.

Katulad ng ginawa niya bago umalis sa kanilang bahay, iniangkas niya sa kaniyang likuran ang panganay na anak habang ang dalawa ay nasa harapan niya. Mabagal niya muling pinatakbo ang kanilang motorsiklo upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Pero pagdaan nila sa isang highway, bigla na lang may mabilis na motor na nakasanggi sa kanila dahilan para matumba silang mag-iina at magtamo ng ilang sugat ang kaniyang mga anak na tumilapon sa kalsada. Bukod pa roon, pinakanasaktan ang bunso niyang anak na naumpog sa isang bato at pumutok pa ang ulo.

“Tulong! Tulong! Ang mga anak ko!” pagmamakaawa niya nang makita niyang nakabulagta sa kalsada ang kaniyang mga anak.

Laking pasasalamat niya nang may isang ginang na agad tumawag ng ambulansya na mabilis ding umaksyon kaya agad na nabigyan ng pang-unang lunas ang mga bata at nadala sa ospital.

Habang siya’y nasa loob ng ambulansya at hawak-hawak ang kamay ng bunso niyang anak na nag-uumapaw na ang dugo sa ulo, doon niya lang naramdaman ang sakit ng kaniyang katawan at sugat sa mga braso. Rito niya na ring naisip na hindi lahat ng gusto niya ay tama at nararapat.

Napagtanto niya ring hindi siya palagi sinasalunghat ng asawa para lang sirain ang araw niya kung hindi upang siya’y itama sa making pamumuhay niya.

Dahil sa reyalisasyong iyon, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang maiyak at manalanging iligtas ng Diyos ang kaniyang mga anak kapalit ng pagiging isa niyang mabuting ilaw ng tahanan.

Tila dininig naman siya ng Maykapal dahil pagkalipas lang ng ilang oras, nakumpirma niyang lahat ng kaniyang mga anak ay nasa mabuti nang kondisyon.

Buong akala niya’y kagagalitan siya ng kaniyang asawa sa nangyari ngunit siya’y nagkamali. Niyakap lang siya nito at sinabing, “Ngayong napatunayan mo nang hindi lahat ng gusto mo ay tama, sana makinig ka na sa akin, mahal,” na agad niyang sinang-ayunan nang buong puso.

Simula noon, kasabay ng paghilom ng sugat ng kaniyang mga anak, siya rin ay naging masunurin na sa kaniyang asawa at naging isang mabuting ilaw ng tahanan na walang ibang hinangad kung hindi ang mapabuti ang kanilang buong pamilya.

Advertisement