Agad na Pinatattoo ng Binata sa Kaniyang Braso ang Mukha ng Bagong Nobya; Sa Preso Pala Siya Dadalhin Nito
Noong kabataan ni Zoey, pinangako niya sa sarili niyang kahit sa dulo ng hininga niya, hinding-hindi siya magpapatattoo sa kahit anong parte ng katawan niya. Paniniwala niya noon na kapag may tattoo ang isang tao, masamang tao ito at paniguradong galing sa kulungan.
Ngunit ang paniniwala niyang iyon ay agad na naalis nang siya’y magbinata at makakilala ng isang ubod na gandang dalaga sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya sa Makati.
Kahit mala-artista ang ganda at kutis nito, ni minsan, hindi niya ito nakitaan ng kahit katiting na pag-iinarte, mapatungkol man sa kanilang trabaho, pagkain, o init sa kanilang opisina, wala siya ni isang reklamong narinig dito. Bukod pa roon, palagi pa itong nakangiti at nagbibigay ng mataas na respeto sa kaniya.
Dahil doon, ilang linggong pagtatrabaho lang ang ginugol niya sa kumpanyang iyon, agad na siyang nahulog sa dalaga.
Dito na niya naisip na sa oras na pumayag itong pumasok silang dalawa sa isang romantikong relasyon, agad niyang ipapa-tattoo sa katawan niya ang mukha nito kagaya ng ginagawa ng iba niyang katrabaho upang patunayan ang pagmamahal niya rito.
“Seryoso ka ba riyan, hijo? Akala ko ba ayaw mong magpalagay ng kahit anong tattoo sa katawan mo?” gulat na sabi ng kaniyang ina nang malaman ang balak niya.
“Dati lang po iyon, mama, ngayong nakahanap na ako ng magandang mukhang ipapatattoo sa katawan ko, gustong-gusto ko na pong magpatattoo!” paliwanag niya rito habang kinikilig-kilig pa.
“Paano kapag hindi siya pumayag na maging magkasintahan kayo?” pag-aalala nito.
“Malabo po ‘yon, mama! Sa gwapo kong ito, tatanggihan niya ako? Kahit mala-artista siya, makarisma naman ako!” pilyo niyang sabi saka kinindatan ang inang tawang-tawa sa kalokohan niya.
Tila umayon nga ang tadhana sa kaniya dahil nang siya’y magkaroon ng lakas ng loob na tanungin ang dalaga, agad itong pumayag sa kagustuhan niya. Ito pa ang unang humalik at yumakap sa kaniya saka sinabing, “Unang kita ko palang sa’yo, alam ko nang ikaw ang makakatuluyan ko!” na labis niyang ikinaiyak sa tuwa.
Dahil sa sayang naramdaman, oramismo, agad silang nagtungo sa isang tattoo artist at doon niya pinatatak sa braso niya ang mukha ng kaniyang una at bagong kasintahan.
“Grabe naman ‘yan, boss! Kuhang-kuha mo ang mukha ng nobya ko! Masakit man, napakaganda naman!” sabi niya sa kaniyang tattoo artist nang makita niya ang naging resulta ng halos walong oras itong pagtatattoo sa kaniya.
“Ginandahan ko talaga ‘yan, sir, dahil unang tattoo mo ‘yan! Malaki ang magiging parte niyan sa buhay mo!” masayang sabi nito.
“Naku, maraming salamat! Asahan mong babalik at babalik ako rito sa shop mo!” sagot niya pa saka agad nang umalis upang ihatid pauwi ang dalagang matiyagang naghintay sa kaniya roon.
Agad na napansin ng kanilang mga katrabaho ang tattoo sa braso niya kaya agad na kumalat sa kanilang buong kumpanya na siya’y may nobya na. Samu’t sari man ang reaksyon ng kanilang mga katrabaho, siya’y walang inintindi ni isa sa mga ito dahil masaya siyang makasama ang nobya.
Kaya lang, paglipas ng dalawang buwan, habang siya’y tahimik na umiihi sa palikuran, siya’y nabigla nang mapansing may mga pulis na naghihintay sa kaniyang matapos.
“Napag-alamanan naming may relasyon ka sa kr*minal na nasa braso mo. Nais ka naming imbestigahan para malaman kung sangkot ka ba sa nagawa niya,” sabi ng pulis saka siya hinawakan sa makabilang braso ng dalawa pang pulis.
“Teka lang po! Hindi ko kayo maintindihan!” sigaw niya.
Sa presinto niya nalamang ang dalagang ngayo’y kasintahan niya ay isa palang nagtitinda ng pinagbabawal na gamot at utak ng mga pagk*t*l ng buhay sa kanilang lungsod. Nais din nitong tapusin ang buhay ng may-ari ng kumpanyang kanilang pinagtatrababuhan dahil sa alitan sa kalsada. Natanggap lang pala ito sa kanilang kumpanya dahil nagparetoke ito ng mukha at nagpapalit ng pangalan para makaganti. Ginamit siya nito upang mas makilala ang kaniyang boss.
Ang katotohanang iyon ay nagbigay sa kaniya ng labis na pagsisisi.
“Bakit ba kasi ginusto mo agad na ipatattoo ang mukha niya, Zoey? Ngayon tuloy, nasangkot ka pa sa gulo!” sabi niya habang tinutuktukan ang sarili.
At dahil nga wala naman siyang kinalaman sa kaso ng dalaga, siya rin ay agad na napalaya ilang araw lang ang nakalipas. Noon din ay agad siyang nagtungo sa tattoo artist niya upang ipatanggal ang tattoong iyon.
“Hindi ko akalain na babalik ako rito sa shop para ipabura ang una kong tattoo,” malungkot niyang sabi rito na ikinabuntong-hininga na lang nito.
Doon niya tuluyang napagtantong hindi man masama ang magpatattoo, nawa’y dapat nating isipin muna ang desisyong ito. Lalo na kung mukha o pangalan ng isang tao ang ipapatatak natin sa ating balat dahil anumang oras, pupwede natin itong pagsisihan.