Inday TrendingInday Trending
Pinagsamantalahan ng Babaeng Ito ang Awang Ipinapakita sa Kaniya ng Kaniyang Pamangkin; Sa Huli ay Karma pala ang Kaniyang Aabutin

Pinagsamantalahan ng Babaeng Ito ang Awang Ipinapakita sa Kaniya ng Kaniyang Pamangkin; Sa Huli ay Karma pala ang Kaniyang Aabutin

Hatinggabi na. Naalimpungatan ang binatang si Jerwin dahil sa sunod-sunod na katok sa kaniyang pintuan. Pupungas-pungas tuloy siyang bumangon mula sa kaniyang higaan.

“Sino ’yan?” tanong niya bago pa niya buksan ang pintuan.

“Jerwin, ako ito, ang Tita Laarnie mo. Pakiusap, buksan mo itong pintuan. Ang lakas ng ulan. Wala kaming masilungan ng mga pinsan mo,” halos paiyak nang sabi naman ng nasa kabilang pintuan na nabobosesan niya ngang ang Tita Laarnie niya.

“Naku po! Bakit naman sumugod kayos sa gitna ng ulanan?” Dali-daling pinapasok ni Jerwin ang tiyahin at tatlong anak nito na siya niyang nakababatang mga pinsan. Hindi niya naiwasang agad na mapaawa sa mga ito nang makitang animo sila mga basang sisiw na nanginginig at nangangatog dahil sa lamig.

“Pasensiya ka na, Jerwin. Iniwan kami ng asawa ko at natanggal ngayong gabi ang bubong namin dahil sa bagyo. Wala kaming ibang masisilungan kaya baka p’wedeng dumito muna kami,” umiiyak na pakiusap naman sa kaniya ng kaniyang tiyahin.

Hindi naman nagdalawang isip si Jerwin na tulungan ang mga ito. Matapos niya silang patuluyin ay agad niya pa silang ipinagluto ng pagkain upang mainitan ang kanilang mga sikmura lalo na at ayon sa kaniyang Tita Laarnie ay hindi pa raw sila kumakain buong araw. Wala raw kasi itong mahanap na pambili man lang ng bigas kaya naman walang sabi-sabing kinuha ni Jerwin ang kaniyang wallet at iniabot iyon sa kaniyang tiyahin.

“Pagpasensiyahan mo na itong tatlong libo, tita. Hayaan mo’t sa susunod na sahod ko’y ipamimili ko kayo ng grocery,” sabi pa niya bago ito umalis kinabukasan upang bumalik sa kanilang bahay, bagama’t sira ang kanilang bubong.

Ayaw pa nga sanang paalisin ni Jerwin ang mga ito kung hindi nga lamang nagpumilit ang kanyang tiyahin dahil nahihiya raw ito sa kaniya. Saka maliit na porsyon lang naman daw ng bubong nila ang natanggal dahil sa bagyo kaya naman madali na raw iyong ayusin. Wala nang nagawa si Jerwin. Hindi na rin niya nagawang dalawin ito nang isang linggo dahil naging abala siya sa trabaho, ngunit matapos ang araw na iyon ay makailang ulit namang bumalik sa kaniyang apartment ang kaniyang tiyahin upang manghingi ng pambiling bigas, o ’di kaya’y gatas o diaper ng anak nito. Bigay naman nang bigay si Jerwin, dala ng awa sa kanila, ngunit makalipas ang isang buwan, araw ng sahuran ay naisipan niyang dalawin ang mga ito sa kanilang tahanan…

Hindi alam ni Jerwin kung bakit parang kinakabahan na siya agad habang naglalakad pa lang siya sa eskinitang papasok sa tinitirhan ng mga ito, ngunit nang tuluyan na siyang makarating sa kanilang bahay ay nadismaya siya nang makitang wala man lang kasama ang mga bata roon. Ang dudungis ng mga ito at animo gutom na gutom kaya naman naisipan niya silang tanungin.

“Nasaan ang mama n’yo?”

“Naroon po sa sabungan, kasama si papa,” sagot naman ng panganay na si Tutoy na agad niyang ikinakunot ng noo.

“Ano?! Akala ko ba hiwalay na sila?” Napakamot pa si Jerwin sa ulo. “Halika nga at samahan mo ako sa kanila!”

Kasama ang panganay na anak ng kaniyang Tita Laarnie ay pinuntahan niya ang sinasabing kinaroroonan nito at ng asawa nito… at ganoon na lang ang galit ni Jerwin nang makita niyang naroon nga ito at nagsusugal gamit ang baraha, habang ang asawa naman nito ay nagsasabong!

“Nakadelihensiya ako sa pamangkin ko. Kaunting paawa lang, hayun at bigay agad sa akin ng tatlong libo. Kaya ngayon, matagal-tagal akong makakapaglaro!” dinig pa niyang pagyayabang ng kaniyang tiyahin sa mga kalaro nito sa baraha na talagang ikinainit ng ulo niya.

Mabuti na lang pala at naisipan niyang kuhanan ito ng video at nakuha niya ang mga sinabi nitong iyon doon!

Hindi na gumawa pa si Jerwin ng eskandalo bagama’t ipinaalam niya sa kaniyang tiyahin na naroon siya sa likod nito. Sinubukan pa siya nitong habulin ngunit hindi na nagpaabot pa si Jerwin at ini-report na lamang sa kinauukulan ang ginawa nitong panloloko sa kaniya, pati na rin ang ginawa nitong pagpapabaya sa kaniyang mga pinsan.

Timbog sa ilang kaso ang mag-asawang iyon habang ang mga anak nila ay napunta naman sa kustodiya ng isang ahensiya ng gobiyernong nangangalaga sa mga bata. Habang si Jerwin naman ay ipinangako sa sarili na hinding-hindi na muling magtitiwala sa tiyahin niyang mapagsamantala.

Advertisement