Inday TrendingInday Trending
Balak na Niyang Iwan ang Asawa sa Pag-aakalang Nababawasan na ang Kaniyang Timbang; Agad Niya Pala Iyong Pagsisisihan

Balak na Niyang Iwan ang Asawa sa Pag-aakalang Nababawasan na ang Kaniyang Timbang; Agad Niya Pala Iyong Pagsisisihan

Magkasama noon sina Danilo at Andrea sa supermarket. Namimili sila ng kanilang pang-araw-araw na pagkain, nang mapansin ni Danilo na napunit pala ang suot na pang-ibaba ng kaniyang asawa.

“A-Andrea, isuot mo itong jacket ko para matakpan ’yang punit sa likuran mo. Nakikita na ang panloob mo. Nakakahiya!” dahil doon ay sabi ni Danilo na ikinabigla naman ni Andrea.

Nasaktan siya sa tono ng pagkakasabi ng asawa, dahil para bang ikinahihiya siya nito. Buhat kasi nang ipanganak niya ang kanilang panganay ay hindi na niya naiwasan pang madagdagan ang kaniyang timbang. Napabayaan na niya ang kaniyang sarili dahil wala na rin siyang oras pang mag-ayos.

Buhat nang araw na iyon ay naging mailap na si Andrea kay Danilo. Naging malayo ang loob niya sa asawa dahil nahihiya siya rito. Ikinahihiya niya ang kaniyang sarili, lalo pa at alam niyang hindi na siya kaakit-akit sa paningin nito dahil sa paglaki ng kaniyang katawan. Wala na siyang kakurba-kurba at ni hindi na rin nalalapatan ng kolorete ang mukha niya.

Bihira na rin kung magtabi ang mag-asawa sa higaan. Palagi na lang kasing inuubos ni Andre ang panahon niya sa kanilang anak. Gustuhin man kasi niyang magpaayos ng sarili ay iniisip niyang magiging makasarili siyang ina kung gagawin niya ’yon. Hindi na rin siya bumibili ng mga damit na magkakasya sa kaniya kaya naman madalas nang mapunit ang kaniyang mga kasuotan na naging dahilan kung bakit hindi na sumasama si Danilo sa kaniya sa tuwing siya ay aalis o mamamalengke. Palagi na lang itong nasa trabaho at gabing-gabi na kung umuwi.

Isang gabi ay naisipan ni Andrea na tabihan sa kanilang higaan ang kaniyang asawang si Danilo, ngunit tulog na ito nang madatnan niya. Ni hindi na nito nagawa pang hubarin at palitan ang suot na pantalon dahil sa sobrang pagod kaya naman si Andrea na ang gumawa n’on para sa asawa. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay nang may makita siyang isang bagay sa bulsa ng pantalon nito…

“Kaninong p*nty ito?!” inis na tanong niya sa sarili. Maliit lang ang naturang panloob kaya naman alam niyang hindi iyon sa kaniya. Doon pa lang at nakumpirma na niya ang matagal na niyang hinala na may babae ito!

Lalong inilayo ni Andrea ang loob sa asawa ngunit wala siyang lakas ng loob upang komprontahin ito. Lalo siyang nalugmok at mas naging pabaya sa sarili, hanggang sa isang araw, habang namimili siya ng susuoting damit ay napansin niyang nagkasya na sa kaniya ang isa sa mga dati niyang damit na nang manganak siya ay halos hindi na niya maisuot pa dahil nagsikipan na ang mga ito sa kaniya.

Ipinagtataka man ni Andrea kung papaanong bigla na lamang siyang pumayat ay hindi na siya nag-abalang alamin pa ang dahilan. Lalo na nang unti-unti, halos lahat ng kaniyang kasuotan ay nagkakasya nang muli sa kaniya! Dahil doon ay bumalik na ang dating kumpiyansa niya sa kaniyang sarili. Muli na siyang nag-aayos at pakiramdam niya ay napakaganda niyang muli… habang ang asawa namang si Danilo ay malaki ang itinanda ng hitsura dahil sa palagi nitong pagpupuyat.

“Makikipaghiwalay na ako sa ’yo, Danilo! Marami pa akong mahahanap na mas higit sa ’yo. Doon ka na sa babae mo na siyang pinagkakapuyatan mo gabi-gabi para naman maging malaya na tayo pareho!” isang araw ay sumbat niya sa asawa. Ngunit bago pa man tuluyang makasagot si Danilo ay nagulat si Andrea nang bigla na lang itong mawalan ng malay sa harap niya! Isinugod niya naman ito sa ospital. Mabuti na lang at doktor ang matalik na kaibigan ni Danilo at ito ang siyang umasikaso sa kanila. Wala pa naman siyang kapera-pera nang mga sandaling ’yon.

“Na-over fatigue ang asawa mo, Andrea, pero huwag kang mag-alala dahil maayos naman na ang lagay niya. Kailangan niya lang ng pahinga mula sa dalawang trabahong pinapasukan niya, pagkatapos ay nag-aaral pa siyang manahi,” sabi sa kaniya ng kaibigang doktor ni Danilo na ipinagtaka ni Andrea.

“Dalawang trabaho? Manahi? Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Hindi mo ba alam na nag-aral manahi si Danilo, Andrea? Paano kasi ay naaawa daw siya sa ’yo dahil hindi ka niya mabilhan man lang ng bagong damit. Hindi na rin daw kasi magkasya sa ’yo ang mga damit mo noon dahil nadadagdagan na ang timbang mo sa kaaalaga sa anak n’yo. Kaya naman naisipan niyang i-repair na lamang ang lahat ng damit mo tuwing uuwi siya sa trabaho niya sa pabrika o ’di kaya’y sa patahian. Iyon ang dahilan kung bakit halos wala nang pahinga ang asawa mo.”

Biglang nakonsensiya si Andrea sa narinig na sinabi ng doktor. Naluha siya. Ngayon niya napagtanto na kaya pala nagkakasya nang muli ang damit niya sa kaniya ay dahil inaayos ito ng kaniyang asawa! Hindi pala totoong may babae ito dahil mahal na mahal siya nito.

“Hinding-hindi ko magagawa sa ’yo iyon, Andrea. Ikaw lang ang babaeng mahal ko,” sabi pa nito na nagpaluha pa sa kaniya.

“Mahal din kita, Danilo. Patawad sa pag-iisip ko sa ’yo ng masama!”

Bumawi si Andrea kay Danilo hanggang sa ito’y maka-recover. Bukod doon ay nagbukas din sila ng maliit na patahian lalo pa at naging napakagaling na ni Danilo doon kaya’t kalaunan ay dinayo sila ng maraming mamimili. Doon na nagsimulang umayos muli ang kanilang pagsasama, pati na rin ang kanilang kabuhayan.

Advertisement