Hindi Naniniwala sa Diyos ang Lalaking Ito Simula nang Siya ay Bata pa; Isang Pangyayari ang Babago sa Kaniyang Pananaw
Sa tabi ng simbahan kung saan nakatira si Ruben, marahan siyang napapailing habang naririnig ang sermon ng pari. Kung minsan ay natatawa pa siya. Iniisip niya rin kung bakit sa dami ng puwedeng maging tirahan niya ay doon pa. Hindi siya naniniwala sa Diyos. Lumaki at tumanda siyang iniisip kung mayroon nga bang nagbabantay sa ating lahat mula sa itaas.
Bagaman ang mga magulang niya ay tao noon sa simbahan, mas pinili niyang ’wag sumama sa mga ito kahit pa pilit nila siyang hinihila sa tuwing may simba. Bukod doon ay tinanggihan din niya ang mga alok nila na siya ay maging sakristan.
Hindi niya makita ang sarili niyang pinagsisilbihan ang Diyos na hindi naman niya nakikita.
“Hindi maililigtas ang sinumang hindi naniniwala sa Kaniya,” dinig pa niyang sabi ng Pari.
Doon siya tumawa nang malakas. Tumayo siya mula sa kaniyang upuan sa labas at pumasok na lang sa loob ng bahay. Isinara niya ang pinto upang kahit papaano, hindi niya marinig ang mga sinasabi ng pari na para sa kaniya ay pawang katatawanan lamang.
Gusto niya na ring umalis doon sa kaniyang bahay dahil hindi niya rin matiis ang kaniyang mga naririnig. Nagdadalawang-isip lang siya dahil ang bahay na iyon ay pamana pa ng kaniyang mga yumaong mga magulang.
Isang araw, habang siya ay naglalakad papunta sa trabaho, nadaanan niya ang grupo ng mga tao na nag-aaral tungkol sa salita ng Diyos. Napahinto siya nang tawagin siya ng isang lalaki na kasama roon.
“Halika, kapatid, kung mamarapatin mo sana ay maupo ka rito at makinig kahit na sandali lang,” anito sa kaniya. Mabilis naman siyang umiling.
“Pasensya na, pero may trabaho pa ako. Nagkamali rin kayong ayain ako dahil hindi naman ako naniniwala sa Diyos ninyo.” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis siyang naglakad paalis nang hindi nililingon ang mga ito.
Kung minsan naman ay may makakasalubong siyang nag-aabot ng sobre at humihingi raw ng tulong para sa kanilang simbahan. Iniiwasan niya ang mga ito at kung manghahabol, iilingan niya lang at sasabihing wala siya kahit piso man lang.
Palagi na lamang siyang ganoon. Tinatawanan ang mga nadadaanang simbahan pati ang mga taong naniniwala sa Diyos… ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang babago sa pananaw na ito ni Ruben.
Patawid sa kabilang kalye si Ruben nang sumulpot ang isang humaharurot na kotse. Huli na ang lahat bago pa siya makaiwas. Nabangga na siya nito. Tumalsik siya sa malayo. Nakita niya pang nagkakagulo ang mga tao, ngunit sadya siyang nagulat sa imaheng nakita niyang nakatayo sa kaniyang harapan.
Mahaba ang suot nitong puting damit, mahaba rin ang buhok nito ngunit hindi katulad sa mga nakikita niyang larawan, malayo ang tunay nitong itsura. Nakatitig ito sa kaniya na para bang nakikipag-usap gamit lamang ang mga mata.
Inilahad ng nilalang ang Kaniyang kamay, hinihikayat na abutin ito ni Ruben. Nahihirapan man, hindi maintindihan ni Ruben kung bakit inabot niya nga ito bago siya tuluyang mawalan ng malay. Muling nagmulat ang kaniyang mga mata pero malayo na sa lugar na kaniyang nakikita kanina. Puro puti ang paligid, maganda at maaliwalas. Magaan sa pakiramdam at wala siyang bigat na dinadala sa dibdib.
“N-nasa langit na ba ako?” tanong niya sa kaniyang isip, bagama’t para sa kaniya ay isa lamang iyong biro.
“Oo, aking anak,” ngunit sagot ng tinig mula sa kaniyang likuran. “Totoo ito at hindi isang biro lamang.”
Nang lingunin niya ito, nakita niya ulit ang imaheng nakita niya kanina. Hindi niya malaman kung ano ang kaniyang mararamdaman. Gusto niyang umiyak kahit pa hindi siya sigurado sa dahilan. Ganoon pa man ay isa lang ang sigurado ni Ruben… ngayon na nakikita niya na ang Diyos sa kaniya mismong harapan, napatunayan niyang totoo Siya at hindi dapat kinukuwestiyon.
“Pinapatawad na kita, anak,” sambit Nito nang nakangiti.
Hindi bumubuka ang Kaniyang bibig, nakikipag-usap Siya gamit ang Kaniyang mga mata. Dahil doon ay bumuhos ang luha ni Ruben. Lubos siyang nagsisisi. Maya-maya pa ay lumuhod siya at nagmakaawa.
“Humihingi po ako ng tawad dahil hindi ako naniwala sa Iyo,” aniya. “Bigyan Niyo pa ako ng pangalawang buhay at gagamitin ko ito upang ipamahagi ang mga salita Mo.”
Isang tapik sa balikat ang iginawad sa kaniya ng Diyos. Sa sandaling iyon, nagising ang kaniyang katawang lupa. Humahangos na napaupo sa kaniyang kama at naluluha pa.
Tumingin siya sa itaas at tinuran ang sobrang pasasalamat na muli siyang binuhay ng Diyos na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat. Simula nang araw na iyon, nagbasa siya ng Bibliya. Isinapuso niya ang bawat salita nito. Ikinalat niya ito katulad ng kaniyang ipinangako.