Alam ng Lalaking Ito na Isang Lambing lang Niya sa Asawa ay Mabubura Lahat ng Kasalanan Niya; Paano kung Maapektuhan na Pati ang mga Anak Nila?
Si Mario ay isang pabayang ama. Tamad at mas gusto pang umistambay at mag-inom kasama ang barkada kaysa asikasuhin ang kaniyang mga anak. Habang si Lena ay halos magkandakuba na sa pagtratrabaho at pagbabantay ng kanilang mga anak kaya’t madalas ay nagtatalo silang mag-asawa.
“Araw-araw ka nang nag-iinom, Mario! Paglilinis na lang ng bahay, hindi mo pa maasikaso!” hiyaw ni Lena bago ibinato sa asawa ang nadampot na walis-tambo. Kanina niya pa binubungangaan ang asawa dahil pagkarating niya pa lang galing sa trabaho ay makalat na bahay agad ang sumalubong sa kaniya habang ang asawa’y lasing at pahila-hilata lang.
“Alam mo, ang ingay ng bunganga mo!” naririndi namang hiyaw din pabalik ni Mario pagkatapos ay hinablot nito ang buhok ni Lena’t kinaladkad ito palabas ng bahay.
“Aray! Mario, bitawan mo nga ako!” pigil ni Lena sa kaniyang asawa habang hawak ang kamay nitong nakasabunot sa buhok niya.
Ngunit parang walang naririnig si Mario. Matapos kaladkadin si Lena ay pinagtatadyakan niya ito at binigyan ng isang malakas na sampal. Nasaksihan naman ni Mary at Joy ang ginawa ng kanilang ama. Wala silang magawa dahil sa takot na baka pati sila ay pagbuhatan nito ng kamay kapag nagsalita sila.
Kinabukasan ay makikita ang mga pasang tinamo ni Lena dahil sa ginawang pambubugb*g ni Mario sa kaniya, ngunit makalipas lang ang ilang araw na panunuyo ni Mario ay napatawad din ito ni Lena. Hindi niya kayang iwan ang kaniyang asawa, kahit pa ganoon ang ginagawa nito sa kaniya na palaging nasasaksihan ng kanilang mga anak.
Nagpatuloy ang ganoong pangyayari sa buhay ng pamilya ni Lena. Halos taon-taon ay nagkakaroon sila ng pagtatalo ng kaniyang asawa at nagagawa pa rin siya nitong saktan. Ganito ang buhay na kinamulatan ng kanilang mga anak, hanggang sa magdalaga na ang mga ito.
Isang beses pagkauwi sa trabaho ay galit na galit sinisigawan ni Lena si Mario na ikinabigla ng dalawang dalagang noon ay naghahain pa man din ng hapunan.
“Mario, kung kailan ka nagka-edad tsaka ka mambabae?!” sigaw ni Lena sa asawa pagkapasok pa lamang niya sa pintuan.
“Ano’ng pinagsasabi mo? Nagu-umpisa na naman ’yang bunganga mo!” sagot naman ni Mario.
“Itatanggi mo pa? E, kitang-kita ko ’yong picture na magkasama kayo ng babae mo sa mall! Naka-post pa talaga sa peysbuk!” ngunit muli ay hiyaw ni Lena.
Sa inis ay bigla namang kinuha ni Mario ang plorerang nasa tabi niya at ibinato iyon sa asawa. Nakaiwas naman si Lena sa ginawa ni Mario ngunit nadaplisan siya sa kaniyang mukha at dumudugo ito. Hindi na natiis ni Lena ang ginagawa ng kaniyang asawa kaya dali-dali niyang kinuha ang kaniyang bag, at inempake ang damit nila ng kaniyang mga anak, habang ang dalawang dalaga naman ay tulala dahil sa nangyayari at nanginginig na naman sa takot, ’tulad ng palagi nilang reaksyon sa tuwing makikita nilang sinasaktan ng kanilang ama ang kanilang ina.
“Ano, iiwan n’yo ako? Sige, lumayas na kayo. Akala n’yo kakayanin n’yong wala ako?” Ngingisi-ngisi pa si Mario.
Matapos iyon ay tinulungan ni Mary at Joy ang kanilang nanay na magligpit ng damit. Kahit na masakit sa kanila ang pag-iwan nila sa kanilang tatay, kailangan nilang tanggapin sapagkat naawa na sila sa kanilang ina. Bilang nakakatandang anak si Mary ay kinumbinsi ang kaniyang nanay na si Lena na huwag nang babalikan pa ang kanilang Tatay Mario. Ito ang unang pagkakataong nagsalita ang dalawa sa nararamdaman nila sa nangyayari sa kanilang pamilya. Ang totoo ay matagal nang apektado ang dalawa sa away ng kanilang mga magulang kaya naman kahit masakit ay mas gusto na nilang maghiwalay ang mga ito noon pa.
Matapos makaalis sa puder ni Mario ay nangupahan si Lena at ang kaniyang mga anak sa isang maliit na apartment. Alam nilang mahihirapan sila ngunit mas maigi na ito kaysa manatili sila sa puder ng isang walang kuwentang ama. Natauhan na si Lena ngayon. Dapat pala ay matagal na niyang ginawa ito para sa kaniyang mga anak.
Ilang linggo ang nakalipas na wala ang pamilya niya sa kaniyang puder at napagtanto ni Mario na hindi tama ang ginawa niya. Pinuntahan niya si Lena at sinubukang makipag balikan dito ngunit buo na ang desisyon ni Lena. Para sa kapakanan ng kanilang mga anak ay hindi na siya babalik pa sa asawa.
Lugmok na lugmok naman si Mario dahil doon. Huli na ang lahat para magsisi pa siya lalo na nang makita niyang mas masaya ang mag-iina noong nawala siya sa puder nila. Masakit man ay tinanggap ni Mario ang karma niya at handa siyang gawin ang lahat makabawi man lang sa kaniyang pamilya, kahit pa mukhang matatagalan pa bago siya muling pakitunguhan ng mga ito nang maayos.