Subsob sa Trabaho ang Dalaga kaya naman Palagi na Lang Siyang Nahuhuli sa Pagpapasa ng Gawain sa Eskuwela; Pakinggan kaya ng Guro ang Pakiusap Niya?
Si Cherry ang panganay sa limang anak nina Aling Tessy at Mang Adolfo, ngunit tanging paglalako ng isda ang pinangbubuhay ng mag-asawa sa kanilang limang mga anak.
Nakikita ni Cherry ang hirap na ginagawa ng kaniyang mga magulang, kaya ganoon na lamang ang kagustuhan niyang makapagtapos ng pag-aaral. Hindi pa man nakaga-graduate sa highschool ay nagtratrabaho na si Cherry sa isang coffee shop, at may mga pampagandang produkto siyang ibinibenta bilang pandagdag kita.
“’Ma, heto nga pala iyong perang kinita ko sa pagbebenta ng mga make up,” aniya sabay abot ng pera kay Aling Tessy.
“Itago mo na lamang ʼyan, anak, pera mo ʼyan. Sapat naman ang kinikita namin ng tatay mo para sa inyo, e,” pagtanggi naman ni Aling Tessy sa binibigay ng kaniyang anak.
“Meron pa naman po akong matatangap na sweldo bukas, e. Tanggapin niyo na ito,” pagpipilit ni Cherry sa kaniyang ina.
“Itago mo na ʼyan, basta huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo, anak. ʼYon na lang ang pinakahinihiling ko sa ’yo.” Wala nang nagawa si Cherry dahil kahit anong ipilit niya ay hindi pa rin iyon tatangapin ng kaniyang ina.
Itinago na lamang ni Cherry ang pera at balak sana niyang gamitin itong pang-tuition, para sa susunod na taon ng kaniyang pag-aaral. Dahil sa pagtratrabaho ay madalas hindi nagagawa ni Cherry ang ilan sa kanilang mga projects at activities na para sa eskuwela. Noong minsan nga ay pinayagan pa siya ng kaniyang guro na gawin ang mga hindi niya naipasa, ngunit binigyan siya ito ng babala na kapag hindi niya pa ito nagawa ay wala na siyang susunod pang pagkakataon. Maaari siyang bumagsak dahil doon.
Dahil doon ay madalas na siyang nagpapaalam sa kaniyang boss na hindi siya makakapasok sa trabaho, dahil may mga mahahalagang bagay siya na dapat tapusin sa eskwelahan.
Sa isang linggo ay tatlo o dalawang araw na lamang nakakapasok sa trabaho si Cherry. Mababa ang kaniyang kinikita. Hindi niya alam kung magiging sapat ba ang kaniyang kinkikita para sa kaniyang tuition.
Hindi sinasabi ni Cherry ang kaniyang problema sa kaniyang mga magulang dahil sa tingin niya ay dadagdag lamang siya sa isipin ng mga ito. Ang ginawa niya’y muli siyang naghapit sa trabaho.
Hindi na siya halos magkandaugaga. Hindi na alam ni Cherry ang gagawin kayaʼt sa sobrang pag-iisip niya ng problema ay nawala sa loob niyang gawin ang mga proyektong kaniya dapat ipasa.
“Class, tandaan nʼyong malaking porsiyento sa inyong grado ang mga proyektong ipinagawa ko sa inyo. Kaya kung wala kayong ipinasa, malamang ay babagsak kayo,” pagpapaliwanag ng guro ni Cherry sa mga estudyanteng hindi nakapag-pasa, ʼtulad niya at doon lamang niya iyon naalala.
“Ma’am, hindi na po ba pwedeng ihabol ko na lang po iyong akin?” pagbabakasakali naman ni Cherry sa kaniyang guro.
“Isang linggo na ang binigay ko sa inyo. Sa tingin ko ay sapat na ’yon para magawa n’yo iyan,” ngunit sagot guro ni Cherry.
Ganoon pa man ay hindi pa rin siya sumuko. Sinubukan ulit ni Cherry na kausapin ang kaniyang guro sa opisina nito.
“Ma’am, baka po pupwedeng maihabol ko pa po ang project ko, please po. Kahit mababa na lang po ang markang ibigay ninyo sa akin,” pagmamaka-awa ni Cherry sa kaniyang guro
“Mahaba na ang isang linggo para gawin ang project mo, bakit hindi mo ginawa?” tanong naman nito sa kaniya.
“Nagtrabaho po kasi ako, nagsisimula na po kasi akong mag-ipon para sa tuition ko sa susunod na taon.” Maluha-luha na si Cherry.
“Anoʼng ginagawa ng mga magulang mo? Hindi ka ba nila sinusuportahan sa pag-aaral?” Nakataas pa ang kilay ng guro ni Cherry kaya naman halos mangatog na ang kaniyang tuhod.
“Mayroon po pero sapat lang po sa pang araw-araw ang kinikita nila, kaya kailangan ko din pong magtrabaho,” nayuyuko namang sagot niya.
Ilang sandali pa ang lumipas at maya-maya’y narinig niyang bumuntong-hininga ang kaniyang guro.
“Sige, magbibigay pa ako ng dalawang araw para maipasa mo ʼyang project mo. Sa totoo lang ay sobrang baba ng grade mo sa akin kaya bibigyan kita ng special projects para makapasa ka.” Nagulat naman si Cherry sa sumunod na sinabi nito.
Sobrang saya ni Cherry dahil binigyan pa siya ng pagkakataon ng kaniyang guro. Dahil doon ay muli siyang nabuhayan.
Ipinakita ni Cherry sa kaniyang guro na nagsusumikap siyang makapagpasa. Natutuwa naman ang guro ni Cherry sa kaniya sapagkat nakikita nitong desidido siya sa kaniyang ginagawa. Hindi nasayang ang pagbibigay nito ng pagkakataon sa kaniya, kaya naman nang sumunod na markahan ay itinanghal na siya bilang isa sa mga huwarang mag-aaral. Bukod doon ay tinulungan siya ng kaniyang guro para mas mapagtuunan niya ng pansin ang pag-aaral habang siya ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibigay nito sa kaniya ng mas maluwag na bagong pagkakakitaan, bilang assistant nito upang hindi na kailanganin pa ni Cherry na magtrabaho sa coffee shop.
Mas masarap nga namang tulungan ang mga taong naghihirap man ay makikita nating nagsusumikap. Iyon ang bunga ng ipinakita ni Cherry sa kaniyang guro na talaga namang hinangaan nito nang lubos.