Inday TrendingInday Trending
Pinagtabuyan Siya Noon ng Kaniyang Sariling Ina; Isang Mabait na Matanda ang Kumupkop sa Kaniya

Pinagtabuyan Siya Noon ng Kaniyang Sariling Ina; Isang Mabait na Matanda ang Kumupkop sa Kaniya

“‘Nay! Tao po!” marahang sigaw ng labing isang taong gulang na si Nina kasabay ng mahihina niyang pagkatok sa isang bahay.

Matapos ang ilang saglit ay lumabas ang hinahanap niya, ang kaniyang tunay na ina. Nanlalaki ang mga matang lumapit ito sa kaniya.

“Anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t sinabi ko sa’yong ‘wag na ‘wag kang pupunta rito dahil ayaw ng asawa ko na narito ka!” galit nitong singhal.

“Alam ko po, pero mahalaga po kasi na makausap ko kayo. Alam niyo naman pong wala na si Tatay at wala po akong ibang kamag-anak maliban sa inyo,” nakayuko niyang sagot.

Tila mas lalo lang itong nainis.

“Ang totoo po kasi nasira ng dumaang bagyo ang kubo namin ni Tatay, kaya wala na po akong matutuluyan. Baka pwede pong dumito muna ako pansamantala…”

Dahil sa narinig ay pagak itong tumawa, tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.

“Nababaliw ka na ba? Alam mong hindi pwede ‘yang gusto mo. Matagal na kaming hiwalay ng tatay mo at mula noon kinalimutan ko na ang tungkol sa’yo. Wala na akong pakialam pa, umalis ka na rito at ‘wag ka nang babalik! ‘Wag mo na akong guluhin!” galit nitong litanya bago siya pinagbagsakan ng pinto.

Bagsak ang balikat na umuwi siya. Habang naglalakad siya ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Para siyang basang sisiw, yakap ang sarili habang nakasilong sa isang saradong tindahan.

Walang nagawa si Nina kundi ang tahimik na umiyak. Bagama’t alam naman na niyang mabibigo siya na kumbinsihin ang kaniyang ina, may kaunting parte sa puso niya na umasang lalambot ang puso nito.

Hindi naman niya gusto ang nangyari. Kung nabubuhay pa ang ama niya ay hindi niya tatangkain na lumuwas para puntahan ito pero napilitan siyang makipagsapalaran. Ngunit wala naman ding pinatunguhan iyon.

Kumakalam na rin ang kaniyang sikmura pero wala naman siyang magagawa dahil naubos na ang pera niya dahil sa pamasahe.

Mawawalan na sana siya ng pag-asa nang may narinig siyang boses.

“Ineng! Naku, anong ginagawa mo sa ulanan? Basang-basa ka na! Magkakasakit ka sa ginagawa mo!” anang isang matandang babae na may tulak na kariton.

Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya sa estranghero.

“Ayos lang po ako. Titila rin po ang ulan maya-maya.”

Akala niya ay aalis na ito pero lumapit ito sa kaniya.

“Mukhang mamaya pa ‘yan hihinto. San ka ba pupunta? Sa bahay ka na muna magpatila. Halika!” yaya nito.

Hindi niya alam kung paano siya nito nakumbinsi ngunit natagpuan na lang niya ang sarili sa loob ng isang maliit na bahay. Inabutan siya ni Lola Doray ng tuwalya at bagong damit na pamalit. Pagkatapos ay nagluto pa ito ng sabaw na pampainit ng tiyan. Laking pasasalamat ni Nina dahil kahit papaano ay napawi ang kaniyang gutom.

Maya-maya pa ay inusisa na siya nito tungkol sa kung anong nangyari. Kung bakit siya nasa ulanan. Dahil magaan ang loob, hindi na niya tinago pa rito ang totoo.

“Ano? Pinagtabuyan ka niya? Hindi man lang ba siya naawa sa’yo na sarili niyang anak?” hindi makapaniwala tanong ng matanda.

“Ayaw niya po sa’kin dahil makakagulo lang daw po ako sa kanilang mag-anak…” aniya.

“Ano nang plano mo ngayon? Saan ka na tutuloy?” nag-aalala nitong tanong.

“Hindi ko po alam, pero siguro po magtatrabaho muna ako para makaipon ng pamasahe pauwi sa probinsya,” sagot naman niya.

“Ang sabi mo, wala kang kamag-anak doon! Kahit makauwi ka, wala namang mag-aalaga sa’yo,” anang matanda.

“Wala naman po akong ibang magagawa. Kaysa naman manatili ako sa lugar na hindi ako tanggap, hindi ba?” sagot niya sa nangingilid na luha.

Bumuntong-hininga ito, ngunit hindi na nagsalita.

Nang tumila ang ulan, binitbit niya na ang mga gamit at nagpaalam dito. Paalis na siya nang magsalita itong muli.

“Ineng, kung papayag ka… dumito ka na lang sa bahay ko. Wala rin naman akong kasama rito kaya pwedeng-pwede ako rito. Mas matutulungan kita sa ganitong paraan,” suhestiyon nito.

Halos tumalon siya sa tuwa. Labis ang pasasalamat niya sa mabait na matanda.

Lumipas ang mga taon.

Hindi lang siya inampon, pinakain at inalagaan ni Lola Doray. Pinag-aral pa siya nito kahit na hirap din ito sa buhay.

Bilang sukli sa kabutihan nito ay nag-aral siya nang maigi. Hindi rin naman siya nabigo dahil nagtapos siya nang may mga medalya at kalaunan ay nakapagtayo ng sariling negosyo.

Hindi nagtagal ay mas lalong lumago ang negosyo niya, kaya ganoon na lang ang pasasalamat niya kay Lola Doray, na naging malaking bahagi ng tagumpay niya.

Nang lumaon ay nakalipat na sila sa mas malaking bahay at nagkaroon ng mas maginhawang buhay.

Hanggang sa isang araw ay isang hindi inaasahang panauhin ang dumating.

“Ma’am! May bisita po kayo. Ang sabi niya siya po ang nanay niyo,” anang kasambahay.

Nagkatinginan sila ni Lola Doray.

Nang makita niya ang babae, agad niya itong nakilala dahil halos wala naman itong pinagbago. Malaki ang ngiti nito.

“Anak, Nina, ikaw na ba ‘yan? Ang laki ng pinagbago mo. Kung hindi pa ako nanood ng balita, hindi ko pa malalaman na asensado ka na! Bakit hindi mo man lang ako binisita?” masiglang tanong nito, na para bang hindi siya nito pinagtabuyan noon.

“Hindi ba’t pinagtabuyan n’yo ako noong huli tayong magkita?” nakangiwing sagot niya.

“Naku! Nasabi ko lang naman ‘yun dahil galit ako. Matagal na naman ‘yun, kalimutan na natin. Ako pa rin naman ang nanay mo kahit na anong mangyari, hindi ba? Kaya patawarin mo na ako,” anito, bago hinawakan nang mahigpit ang kamay niya.

Hindi siya nakapagsalita.

“Tatawagan ko ang mga kapatid mo. Kawawa naman kami dahil nagtitiis kami sa luma naming bahay, kung pwede naman palang dumito sa bahay mong maganda,” sabi pa nito.

Sasagot sana siya nang sumabat si Lola Doray.

“Hindi pa pumapayag si Nina kaya’t wag mo siyang pangunahan…”

Agad na bumakas ang galit sa mukha ng kaniyang ina.

“Sino kayo at anong karapatan niyong mangialam sa usapan naming mag-ina? Napaka-pakialamera, kasambahay lang naman. Umalis ka nga sa harapan ko!” asik nito sa matanda.

Doon napigtas ang pasensya ni Nina. Kung kanina ay tahimik siya dahil kahit papaano ay nirerespeto niya pa ito, hindi na ngayon. Hindi niya hahayaan ang kahit na sinong bastusin ang taong tumanggap at nagmalasakit sa kaniya nang buong puso noong mga panahong walang wala siya.

“Hindi kasambahay si Lola Doray dito kaya’t ‘wag niyo siyang pagsalitaan ng kung ano-ano. Kayo ang walang karapatan, at kayo ang dapat na umalis,” sikmat niya sa babae.

“Ako ang inang nagluwal sa’yo! Bakit siya ang kinakampihan mo?” galit nitong singhal.

“Oo! Ikaw ang nagluwal sa akin, pero kailan ka ba nagpaka-ina? Si Lola Doray ang nag-alaga at nagmahal sakin kaya’t ‘wag na ‘wag niyo akong susumbatan!” pigil ang galit na pahayag niya.

Natameme ito at walang nagawa kundi ang umalis.

Napaluha na lang siya sa sama ng loob. Kung hindi pa siya umasenso ay hindi yata siya nito maaalala.

Niyakap siya nang mahigpit ni Lola Doray—ang nag-iisang naging kasangga niya sa buhay.

Noon niya talaga nakumpirma na ang pagiging pamilya ay hindi ang nagdala sa’yo sa mundo, kundi sa kung sino ang nagprotekta sa’yo sa kalupitan ng mundo. Kung minsan, mas nagmamalasakit pa ang mga hindi mo kadugo.

Advertisement