Inday TrendingInday Trending
Isang Salarin ang Pinipilit Nilang Hulihin; Nagulat Sila nang Marinig ang Panig Nito

Isang Salarin ang Pinipilit Nilang Hulihin; Nagulat Sila nang Marinig ang Panig Nito

“San ka pupunta, Chief?” takang tanong ni Jimboy, kapwa niya pulis. Nakita kasi nito na papalabas siya ng presinto.

“Diyan lang. Magpa-patrol ako sa labas,” sagot ni Anton.

“Wala naman pong report sa presinto ngayong gabi, hindi ba? Napakatahimik nga po ng paligid e,” komento nito, nagtataka sa desisyon niya na mag-patrol.

Napangiti na lang siya bago pinaliwanagan ang binata. Ganoong-ganoon kasi siya noong baguhan pa lang siya. Maraming tanong.

“Hindi porke’t tahimik ay makakampante na tayo agad. Bilang pulis, dapat lagi tayong maging mapagmasid at maging mas maingat,” pahayag niya.

Saka lang ito tila naliwanagan.

“Tama po kayo! Pwede po ba akong sumama? Baka may nangangailangan din ng tulong ko,” sa huli ay hirit nito, na pinaunlakan niya naman.

Tahimik ang paligid noong una, ngunit maya-maya lamang ay nakarinig sila ng malakas na sigawan bago ang sunod-sunod na busina ng isang humahagibis na sasakyan sa kalsada.

Nasaksihan nila kung ilang beses nang muntik na may mabangga ang naghuhuramentadong sasakyan. Mabuti na lang at mabilis na nakaiwas ang mga tao.

Matapos mamerwisyo ng sasakyan ay tila walang anuman na humarurot ito paalis.

Sa isang gilid ay nagkalat ang mga prutas na tinda ng isang matanda. Bago pa man niya mautusan si Jimboy ay ito na mismo ang tumulong sa matanda.

Matapos masiguro na walang nasaktan ay hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang dalawang pulis. Dali-dali silang sumakay sa patrol car para sundan ang sasakyan.

“Ihinto mo ang sasakyan sa gilid! Overspeeding ang ginagawa mo!” sigaw niya nang bahagya siyang makalapit dito.

Imbes na huminto ay mas lalo pang bumilis ang pagpapatakbo ng drayber.

“Chief, anong gagawin natin?” nag-aalalang tanong ni Jimboy.

Napangiti na lang siya habang naiiling. Masyado kasing nerbiyoso ang kasama niya.

“Humawak ka nang maigi,” babala niya, bago mas lalong diniinan ang apak sa silinyador para makahabol.

Nanlaki ang mata niya nang mahagip ng tumatakas na salarin ang isang lalaking sakay ng bisikleta. Tumalsik ang lalaki sa gilid ng kalsada. Kasabay noon ay ang paghinto ng nagmamaneho.

Hininto niya rin ang minamaneho bago niya inilabas ang kaniyang baril kung sakaling kailangan. Inutusan niya si Jimboy na daluhan ang biktima habang siya naman ay marahas na kinalampag ang sasakyan na kanina lang ay hinahabol niya.

“Labas diyan!” puno ng awtoridad niyang utos sa tao sa loob.

Nakailang katok pa siya bago unti-unting bumukas ang pinto. Lumapit siya para kastiguhin ang may-sala pero natunaw ang kaniyang galit nang makita niya ang nagmamaneho.

Agad niyang ibinaba ang baril at dinaluhan ito.

“Ma’am, ayos ka lang ba?” usisa niya.

Noon napabunghalut ng iyak ang babae. Napaluhod ito sa daan.

“Pasensya na po! Hindi ko sinasadya! Desperado lang po talaga ako at hindi ko talaga alam kung anong gagawin!” umiiyak nitong bulalas.

Minasdan ni Anton ang babae. Halos nababalot ng pasa ang buong katawan ng babae. May iilan din itong sugat na tila sariwa pa.

“Anong nangyari sa iyo? Bakit po ang dami n’yong sugat at pasa?” agad na usisa niya.

Noong una ay nag-alinlangan pa itong sumagot pero kalaunan ay sinabi rin nito ang totoo.

“Sinasaktan po ako ng asawa kaya nagdesisyon akong tumakas. Sobrang desperado at takot ako, hindi ko na alintana ang panganib na dulot ko sa ibang tao. Patawarin n’yo po ako!” sising-sisi nitong bulalas habang matindi ang hagulhol.

Napabuntong hininga si Anton. Ganoon na lang ang awa at simpatya na nararamdaman para sa babae. Naging biktima lang din ito ng kalupitan.

“Naiintindihan ko. ‘Wag ka nang umiyak at tutulungan ko kayo,” pangako niya

Dinala nila ang ang sugatang babae sa kalapit na ospital para magamot. Sa kabutihang palad, nang malaman ng lalaking nabangga ang nangyari, agad nitong sinabing wala itong planong magreklamo.

“Naiintindihan ko po. Kahit sino naman siguro, ganoon ang magiging reaksyon. Hindi ko rin po yata makakayang isipin kung malagay sa parehong sitwasyon ang mga mahal ko sa buhay,” pahayag pa nito.

Gaya ng pangako ni Anton, tinulungan niya ang babaeng si Annalyn na magsampa ng kaso.

Kalaunan ay naaresto ang mapang-abuso nitong asawa at nahatulan ng pagkakakulong sa mahabang panahon.

“Sir, maraming-maraming salamat po. Kung hindi po dahil sa inyo, baka wala na ako ngayon,” naiiyak sa sayang pahayag ni Annalyn.

“Wala ho kayong dapat alalahanin. Ginagawa lang po namin ang tungkulin namin sa inyo,” nakangiti niyang tugon.

Nakaalis na ang babae ay hindi pa rin napawi ang ngiti niya. Masayang-masaya siya na nakatulong siya sa ibang tao, alam niyang makakapagsimula na ito ng bagong buhay na malayo sa mapang-abusong tao.

Natutunan niya bilang alagad ng batas, na maging mas mapagmatyag. Kung minsan ay may mga salarin na nag-aanyong biktima, at may mga biktima naman na tila salarin!

Advertisement