Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Naloko nang Bentahan Siya ng Sirang TV; Bakit sa Huli ay Naging Masaya rin Siya?

Isang Matanda ang Naloko nang Bentahan Siya ng Sirang TV; Bakit sa Huli ay Naging Masaya rin Siya?

“‘La, punta muna po ako kila Tutoy. Makikinood lang po,” paalam na apo niya na si Lito.

Nakangiting tinanguan ni Lydia ang apo. Nang makalabas ito ng pinto ay saka lamang sumungaw sa mata niya ang lungkot.

Matagal-tagal na rin kasi simula noong nasira ang luma nilang TV. Simula noon ay nakikinood na lang sa kapitbahay ang kaniyang apo.

Hindi man ito nagsasalita ay alam niya na gusto nito ng bagong TV.

Hindi naman din niya mapalitan ang nasira nilang TV dahil wala siyang pambili. Ang tanging ikinabubuhay lang nilang mag-lola ay ang kaniyang pensyon. Paminsan-minsan ay kumikita siya sa pagtitinda ng kakanin sa tapat ng maliit nilang bahay.

Kaya naman kahit kung minsan ay sumasakit na ang likod niya dahil sa pagluluto ng kakanin ay patuloy pa rin siya sa pagtitinda. Nais niya kasing bilhan ng TV ang kaniyang apo. Kahit na luma lang, ang mahalaga ay ‘yung hindi na ito nakikinood sa iba.

Kinabukasan ay maagang gumising si Lydia. Matagal-tagal din kasing lutuin ang mga itinitinda niyang kakanin.

Pagkalabas niya sa kusina ay gising na ang apo niya. Nagsisimula na nga itong magparikit ng apoy sa kalan sa labas.

“Lito, ang aga mo naman yatang nagising, hijo?” gulat na bulalas niya sa nabungaran.

Ngumiti ito.

“Opo, ‘La. Tulungan ko na po kayo magluto, para hindi na sumakit likod niyo,” anito.

Napangiti nang matamis si Lydia. Napakabait talaga ng apo niya.

Dahil may katulong sa pag-aayos, madilim pa ay handa na ang paninda ng mag-lola. Umuusok pa ang tinda nilang puto, kutsinta, at biko nang isa-isa nilang ilapag ang mga iyon sa mesita sa labas ng bakuran.

“Wow! Mainit-init pa!” magiliw na bulalas ng kapitbahay nila nang makita nito ang mga paninda.

“Bili ka na! Bagay na bagay ito sa kape,” nakangiting utas niya sa kapitbahay.

Mabilis na naubos ang paninda ng mag-lola. Masarap din kasi talagang magluto ang matanda.

Nagliligpit na ng gamit sa pagtitinda ang matanda nang isang lalaki ang dumaan. May dala-dala itong isang maliit, luma, ngunit maayos pa na TV.

Huminto ito sa tapat niya.

“‘Nay, may kilala ho ba kayong pwede pagbentahan nitong TV?” usisa nito.

Umiling si Lydia.

“Naku, saan naman kaya ito pwede…” narinig niyang bulong ng lalaki.

Napatitig siya sa hawak ng lalaki. Sa isip niya ay may nabuong ideya. Kahit paano kasi ay may naitabi na rin siyang pera para sana pambili ng TV para kay Lito.

“E, magkano ba ang benta mo, hijo?” atubiling tanong niya.

Tila nagliwanag ang mata nito sa narinig.

“Kahit dalawang libo lang ho. Para sa anak kong may sakit…” anito.

Mabilis na napailing si Lydia.

“Naku, wala ho akong ganoon kalaking pera…” bagsak ang balikat na bulalas niya. Nanghihinayang siya. Pagkakataon na sana para makabili siya ng TV para sa kaniyang apo.

Ito naman ang natigilan.

“E, magkano ho ba ang pera n’yo?” tanong nito.

“I-isang libo lang, eh…” nahihiyang tugon niya.

Matapos ang ilang sandali na pag-iisip, sa wakas ay pumayag din ito.

“Salamat, hijo. Sa wakas ay magkaka-TV na ulit kami,” natutuwang pahayag ni Lydia sa binata.

“Basta, kapag nagkaproblema ho ay puntahan niyo lang ang bahay ko,” anang binata bago iniabot sa kaniya ang isang piraso ng papel na naglalaman ng tirahan daw nito.

Maya-maya pa ay dumating na si Lito mula sa eskwelahan. Agad na napako ang tingin nito sa TV.

“‘La, atin po ‘yan?” namimilog ang matang usisa nito.

Nakangiting tumango siya. “Buksan mo na’t oras na nung paborito mong palabas,” udyok niya sa apo.

Sabik nitong isinaksak ang TV bago binuksan.

Makailang ulit nitong sinubukang buksan ang TV, ngunit hindi iyon bumubukas. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Lydia.

“‘La, ayaw pong bumukas,” dismayadong bulalas ni Lito.

Ilang sandali rin nilang sinubukang paganahin ang TV ngunit hindi talaga iyon bumukas.

Tila piniga ang puso ni Lydia nang makita niya ang pagkadismaya sa mukha ng kaniyang apo, habang pilit ang ngiti nito.

“Hayaan mo, apo. Bukas na bukas din ay pupuntahan ko ang nagbenta. Para man lang mabawi ko ang pera at makapag-ipon tayo ng pambili ng mas maganda,” pangako niya sa apo.

“Si Lola talaga. Pwede naman po akong makinood na lang sa bahay nila Tutoy,” anito.

Kinabukasan, tinungo niya ang address ng lalaking nagbenta sa kaniya ng TV. Tumambad sa kaniya ang isang malaking bahay.

Sinalubong siya ng isang unipormadong guwardiya.

“Bakit ho?” kunot noong usisa nito.

“Isosoli ko lang ho itong ibinenta sa akin ng TV. Ito ho ang ibinigay na address, eh.”

Maging siya ay nagtataka.

Napakamot na lang sa ulo ang kausap niyang guwardiya, tila agad na namroblema.

“Naku, naloko ho kayo! Maraming beses na ho ‘yan. Modus ho ‘yan nung lalaki—magbebenta ng depektibong produkto tapos ay ibibigay ang address na ito,” paliwanag ng guwardiya.

Nanlalambot na napaupo na lang si Lydia sa nalaman. Salat na salat na nga sila, naloko pa!

Tuluyan na siyang napaiyak nang maisip niya ang mukha ng apo. Hindi man ito nagsasalita ay alam na alam niya kung gaano katindi ang kagustuhan nito na magkaroon ng TV.

“Sa lahat naman ng lolokohin, bakit naman kami pa…” umiiyak na himutok ng matanda.

Maya-maya ay isang magarang itim na kotse ang huminto. Sumungaw mula sa bintana ang isang magandang babae.

“Manong, ano hong problema rito?” usisa ng babae.

“Ma’am, naloko po. Binentahan ng sirang TV…” paliwanag ng guwardiya.

“Grabe talaga ang manloloko na ‘yun. Walang pinalalampas. Sana mahuli na,” anang babae.

Pinalis ni Lydia ang luha sa mata. Wala naman siyang ibang magagawa. Masama ang loob na muli niyang binuhat ang sirang TV, handa nang umuwi.

“‘Nay, ‘wag muna kayo umuwi. Hintayin n’yo ako rito,” pigil sa kaniya ng babae mula sa kotse.

Nagtataka man ay naghintay siya. Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ang babae. May bitbit ito na isang magandang TV na halos bagong-bago pa. Hindi iyon lumang modelo. Sa pagkakaalam niya ay iyon ang tinatawag na “flat screen!”

“Sa inyo na ho ito,” anito.

Napanganga si Lydia.

“N-naku, bagong-bago pa ho ‘yan… S-sigurado po kayo?”

Ngumiti ang babae.

“Oho. Sa anak ko ho ito. Nagpabili siya ng mas malaki, kaya hindi na namin ginagamit at nakatambak lang. Iuwi niyo na ho nang mapakinabangan,” udyok ng babae.

Nanginginig ang kamay na inilapag niya ang sirang TV at kinuha ang magandang TV na ibinibigay ng babae.

“M-maraming salamat po!” naiiyak na bulalas niya sa mabait na babae.

“Sa susunod ho, maging maingat na kayo, ha? ‘Wag ho kayo basta-basta magtitiwala sa mga hindi n’yo kilala,” payo pa nito bago pumasok sa malaking bahay.

Naiwang galak na galak si Lydia. Sigurado siya na matutuwa si Lito!

Habang pauwi ay hindi mapuknat ang ngiti sa labi niya. Isang bagay kasi ang napagtanto niya—kung minsan ay may mga kamalasang mangyayari para ihatid tayo sa naghihintay na swerte. Kaya ‘wag mawalan ng pag-asa!

Advertisement