Pinahahalik at Pinayayakap Niya ang Anak sa Kaniyang mga Kaanak Kahit Ayaw Nito, Madadala Niya pala ang Anak sa Kapahamakan
Noong bata pa lang ang anak na babae ni Boyet, labis niya itong ineenganyo na humalik at yumakap sa mga kaanak nilang lalaki. Sa kapatid man niya o sa mga pinsan, tuwing sila’y dadalaw sa lugar na kinalakihan niya noon, hindi maaaring hindi niya ito pipiliting magpakita ng respeto sa mga ito sa pamamagitan ng mga aksyong iyon kahit lingid ito sa kagustuhan ng kaniyang anak.
Madalas man nila itong pagtalunan ng kaniyang asawa dahil nga napapansin daw nitong tila naiilang kanilang anak, hindi niya ito binigyang pansin at nagalit pa rito.
“Paano naman maiilang ang anak natin, mahal? Limang taong gulang pa lang ‘yan. Anong alam niyan sa pagkailang? Ang sabihin mo, ikaw lang ang nagbibigay ng malisya sa lahat ng pinapagawa ko sa anak natin!” sigaw niya rito, isang araw nang sabihin nitong hindi maganda ang kaniyang pamimilit sa anak habang sila’y kumakain.
“Boyet, kitang-kita mo naman na halos umiyak na ‘yong anak mo mahalikan lang ‘yong pinsan mong lalaking lasing!” katwiran nito na labis niyang ikinainis.
“Ewan ko ba sa’yo! Basta ako, pinapagawa ko lang sa kaniya ‘yon para maging malapit ang loob niya sa mga kaanak ko!” tugon niya, sasagot pa sana ang asawa nang bigla niya na lang itong layasan kasama ang anak nila.
Pansin man niya ang pagkailang ng anak sa tuwing kinakandong ito ng kaniyang mga pinsan o kaya’y kapag hinahalik-halikan ito sa leeg, tinatawanan niya lang ang reaksyon ng anak at pilit na sinasabi sa sariling normal lang iyon sa mga bata.
“Anak, hindi maganda ‘yang ginagawa mo. Naglalambing lang sa’yo sila tito, nagagalit ka. Dapat hayaan mo silang lambingin ka katulad ng ginagawa namin ni mommy mo,” pangaral niya rito.
“Opo, daddy, sorry po,” malambing nitong sabi saka humalik sa kaniyang pisngi.
Napadalas pa ang pagdalaw nilang mag-ama sa lugar na kinalakihan niya kung nasaan nakatira ang halos lahat ng kaniyang kapamilya at dahil nawili na siya rito, pinakiusapan niya na ang kaniyang asawa na roon na lang din sila manirahan.
Hindi kalaunan, napapayag niya ang kaniyang asawa na doon tumira lalo na nang sabihin niya ritong pupwede silang manirahan sa bahay ng kaniyang lolo roon.
Naging maayos naman ang paglilipat nila ng mga gamit at ilang linggo lang, napansin niyang ang anak niyang dati’y ilang na ilang sa kaniyang mga pinsan at ibang kaanak na lalaki ay naging malambing na sa mga ito.
Ngunit isang araw, habang siya’y nakikipag-inuman sa kaniyang mga pinsan, kumandong ang anak niya sa isa sa mga ito.
Noong una’y ikinatuwa niya ito dahil nga nagiging kampante na ang anak niya sa mga tiyuhin, ngunit maya maya, napansin niyang pinasok ng pinsan niya ang kamay sa loob ng shorts ng bata. Nakita niya pa kung paano makiliti ang kaniyang anak dahilan para agad niya itong hilahin at iuwi sa kanilang bahay.
“Anak, anong ginagawa ni tito sa ibabang parte ng katawan mo?” nanginginig niyang tanong dito. “Hinahawakan niya lang po, daddy. Nakakakiliti nga po, eh!” walang muwang nitong sagot habang humahawak pa sa pribadong parte niya.
“Put*ng *na! Ayan na nga bang sinasabi ko, eh!” sigaw ng kaniyang asawa na agad nanggalaiti sa galit.
“Teka lang, mahal, kumalma ka muna. Sisiguraduhin muna natin,” pagpapakalma niya rito, “Anak, iyon lang ba ang ginagawa ni tito sa’yo?” muli niyang tanong sa anak.
“Marami pa po, daddy. Minsan po hinahawakan niya pa itong dibdib ko saka po itong pw*t ko. Noong isang umaga po habang naglalaro ako roon sa bahay nila, bigla niya pa akong h*nub*ran saka pin*t*ngan. Exercise raw po ‘yon sabi ni tito, daddy, gawin din po natin ‘yon!” inosente nitong sabi na talagang nagpadurog sa puso niya.
Dali-dali siyang tumawag ng pulis at pinadampot ang pinsan niyang iyon.
“Anong kasalanan ko sa’yo, Boyet?” gulat na gulat na tanong nito nang posasan ito ng mga pulis.
“Sa akin, wala, pero sa anak ko, malaki ang kasalanan mo! Umamin ka na sa ginawa mong pananamantala sa walang muwang na bata! Hayop ka! G*go!” mangiyakngiyak niyang sigaw na ikinagulat ng lahat ng kanilang kaanak.
Wala na itong naisagot nang sabihin niya iyon. Napatungo na lang ito at sumama sa mga pulis. Pinatingin din nila sa ospital ang anak at doon nila nakumpirmang nagamit nga ito ng isang lalaki. Ito ang nagpatibay sa kasong sinampa niya sa pinsan na agad ding nakulong.
“Anak, patawarin mo si daddy, ha? Mali ‘yong ginagawa nila sa’yo. Huwag mong hahayaang may ibang hahawak sa katawan mo. Kahit si daddy, hindi puwede, okay?” pangaral niya rito.
“Akala ko po okay lang ‘yon, daddy. ‘Di ba po kayo ang nagturo sa akin na maging malambing sa kanila?” nagtataka nitong tanong.
“Mali ‘yon, anak. Mali ang daddy. Simula ngayon, huwag mo nang hahayaang halikan ka nila o kahit yakapin,” sagot niya dahilan para ito’y mapatango-tango.
Durog na durog man ang puso nilang mag-asawa, nakahinga na sila ngayon nang maluwag lalo na’t nakulong na ang nanamantala sa kanilang anak. Dinoble niya rin ang pag-aalaga at pagmamahal dito upang huwag nitong dibdibin ang nangyari sa sariling katawan.