Inday TrendingInday Trending
Sa Asawa Niya Binubunton ang Galit sa Mapait Nilang Buhay; Pagdurusa ang Naging Kabayaran Niya Rito

Sa Asawa Niya Binubunton ang Galit sa Mapait Nilang Buhay; Pagdurusa ang Naging Kabayaran Niya Rito

Walang mapagsidlan ang saya’t kilig na natamasa ni Jerwin nang tuluyan na niyang mapakasalan ang dalagang ilang taon niyang sinuyo at pinakisamahan nang mabuti. Pangako niya rito sa harap ng altar, “Habambuhay kitang mamahalin pati ang pamilyang ating bubuuin.”

Nagawa naman niyang mahalin ang kaniyang asawa sa loob ng isang dekada habang kanilang inaalagaan ang kanilang tatlong anak. Kaya lang, nang dumating ang araw na siya’y mawalan ng trabaho at magkaroon sila ng problema sa pera, hindi niya maiwasang hindi ito isisi sa asawa niyang walang ginawa kung hindi ang maghintay sa kikitain niyang pera.

“Mahal, wala na tayong bigas. Kailan ka makakabili? Pati mga biscuit ng mga bata, wala na rin. Wala na akong mapapabaon sa kanila sa eskwela,” daing nito sa kaniya habang hinahati ang natitira nilang pagkain sa dalawa nilang anak na papasok sa eskwela habang nasa kolong-kolong naman ang bunso nilang anak.

“Diyos ko, Marlyn! Hindi ka ba talaga iisip ng paraan para kumita ng pera? Hindi mo ba talagang kaya na tulungan akong maghanap buhay?” sigaw niya rito, lalo pa siyang nagalit nang makita niyang walang natirang pagkain para sa kaniya.

“Sige nga, kung magtatrabaho ako, sino ang mag-aasikaso sa mga bata? Ayos lang sana kung matatanda na sila, eh, kaso ang panganay nating anak, siyam na taong gulang pa lang, Jerwin! Tapos isang taong gulang pa lang si bunso! Anong gagawin ko? Iiwanan ko sila…” hindi na niya pinatapos ang pagbubunganga nito at kaniya itong sinampal sa harap ng kanilang mga anak.

“Tumahimik ka nang palamunin ka! Wala kang silbing asawa! Puro ka dahilan, puro ka bunganga!” sigaw niya pa rito saka niya hinila ang buhok nito at sinubsob sa sardinas na uulamin sana ng kanilang mga anak.

Kitang-kita man niya ang takot sa mata ng kaniyang mga anak, wala siyang ginawa upang paliwanagan ang mga ito. Bagkus sabi niya pa, “Sige, umiyak kayo! Ipapaampon ko kayo!” dahilan para magsitunguan na lang ang dalawa.

Nasundan pa nang nasundan ang pananakit niyang iyon sa kaniyang asawa. Muli man siyang nakatagpo ng trabaho, hindi naman maayos ang pakikitungo sa kaniya kaya ang galit niya’y madalas niyang binubunton sa asawa. Lalo kapag uuwi siyang walang pagkain o marumi ang kanilang bahay.

“Wala ka talagang silbi! Bakit ba ikaw pa ang pinakasalan ko?” sigaw niya rito habang kaniya itong sinasaktan.

“Tama na, nakikita ng mga bata!” iyak nito ngunit imbis na maawa at makonsensya, lalo niya pa itong binugb*g hanggang sa naging araw-araw na ang pananakit niya rito.

Isang araw, umuwi na naman siyang walang pagkain sa kanilang lamesa. Nakatambak pa ang hugasin at nagkalat ang laruan ng kanilang bunsong anak sa sahig habang mahimbing ang tulog ng kaniyang asawa.

Dito na nandilim ang paningin niya kaya agad niya itong hinila patayo saka pinagsususuntok sa katawan.

“Iniinis mo ba talaga ako?” galit niyang sabi rito.

“Tama na, daddy!” sigaw ng panganay niyang anak kaya siya’y napatigil.

“Matapang ka na rin? Bakit may…” hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil napansin niyang may mga tao sa likuran niya at paglingon niya, siya’y agad na pinosasan ng mga pulis na iyon.

“Hindi ka ba naaawa sa mga anak mo, sir? Dadalhin nila hanggang pagtanda ang takot na binibigay mo sa kanila. Ang payat-payat pa ng asawa mo, saan ka nakakakuha ng konsensya para pagbuhatan siya ng kamay?” galit na sabi ng isang pulis na nagpoposas sa kaniya dahilan para tingnan niya ang mag-iina niyang takot na takot sa kaniya.

Dahil doon, siya nga ay agad na nakulong. Ilang ulit man siyang humingi ng tawad sa asawa niya habang sila’y nasa korte, hindi siya nito iniimik at pilit na nilalayo ang kanilang mga anak sa kaniya.

“Patawarin niyo ako! Hindi ko natupad ang pangako kong mamahalin ko kayo habambuhay!” sigaw niya sa kaniyang mag-iina bago siya ilabas ng korte at tuluyan ikulong sa selda.

Sandamakmak na pagsisisi man ang kaniyang nararamdaman noong mga oras na iyon, hindi nito nabago ang reyalidad na dapat niyang pagbayaran ang kamailang kaniyang ginawa sa kaniyang buong pamilya.

“Hindi ko man alam kung kailan ako makakalabas, asahan niyong pagkalaya ko, magbabagong buhay na ako!” mangiyakngiyak niyang sabi sa tanging litratong naitago niya sa kaniyang bulsa bago siya ikulong.

Araw-araw man siyang ginigising ng pangongonsenya at pagsisisi, walang araw na hindi sumagi sa isip niya ang kaniyang buong pamilya na sana’y pinakitunguhan niya nang ayos noon pa man.

Advertisement