Isang mang tagahakot ng basura ang binatang si Jepoy sa kanilang lugar na may pinakamababang sahod, hindi ito naging hadlang upang madungisan ang kaniyang katapatan. Kapag may nakikita siyang gamit na importante o kapaki-pakinabang pa, hindi siya nagdadalawang-isip na isauli ito sa may-ari sa pagbabakasaling baka hindi ito sadyang napasama sa mga itinapong basura.
Sa katunayan, minsan na siyang nakakita ng isang pitakang puno ng dolyar sa basurahan ng isang foreigner sa kanilang lugar pero kahit isang porsyento, hindi siya nagkaroon ng interes dito at ito’y agad na sinauli sa may-ari.
Ngunit kahit anong kabutihang loob ang kaniyang ginagawa sa pagsasauli ng mga bagay na hindi naman sa kaniya, ni minsan, hindi pa siya nabigyan kahit isang daang piso bilang pabuya dahilan para siya’y laging payuhan ng mga kapwa niya basurero.
“Kung ako sa’yo, Jepoy, kapag nakakita ka ulit ng kahit anong mapapakinabangang bagay, pera man o gamit, ibulsa mo na agad! Biyaya na ‘yon, eh, sinasauli mo pa!” sambit nito sa kaniya.
“Hindi naman kasi sa akin ang mga bagay na napupulot ko. Kung totoong biyaya ‘yon para sa akin, sana hindi na ‘yon tinatanggap muli ng mga may-ari,” katwiran niya habang pinaghihiwalay-hiwalay ang mga basura.
“Sinasauli mo, eh, malamang tatanggapin nila! Ayaw mong gumaya sa akin! Minsan din akong nakapulot ng pitakang may pera, hindi ba? Ginamit ko ‘yon bilang puhunan sa sari-sari store ng asawa ko! Ganoon dapat, Jepoy! Hindi pwedeng puro kawanggawa! Mapag-iiwanan ka ng panahon!” wika pa nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga na lamang.
Habang sila’y naglilibot sa lugar na iyon lulan ng trak ng basura, tumigil sila sa isang mamahaling restawran. Kahit sila’y nasa labas lang noon, langhap na langhap niya ang bango nang nilulutong pagkain sa loob kaya siya’y bahagyang lumapit sa salaming bintana nito at doon sumilip upang tingnan ang disenyo at ayos sa loob nito.
“Kailan ko kaya madadala ang pamilya ko rito?” lungkot na lungkot niyang tanong.
“Ngayon, hijo, dalhin mo ang pamilya mo rito ngayon,” sabat ng isang ginang na nag-aayos pala ng lamesa malapit doon.
“Ay, naku, pasensya na po kayo. Wala po akong balak na masama sa restawran niyo, natakam lang po ako sa amoy kaya…” hindi na niya natuloy pa ang sasabihin dahil agad nitong hinawakan ang kamay niya.
“Hindi mo na kailangang magpaliwanag, hijo. Alam ko namang may mabuti kang puso,” nakangiti nitong sabi.”Kilala niyo po ako?” pagtataka niya.
“Oo naman! Ikaw ang nagsauli ng pitaka ng asawa ko, hindi ba? Hindi siya marunong magsalita ng Tagalog kaya hindi ka niya nabigyan ng pabuya. Ngayong tayo naman ang pinagkrus ng landas, hindi ko na hahayaang masayang ang oportunidad na ito para pasalamatan ka,” paliwanag nito na talagang nagpataba ng puso niya.
“Marami pong salamat! Hindi pa po kami nakakakain sa ganitong klaseng restawran!” mangiyakngiyak niyang sabi.
“Ang makakain lang ba rito ang gusto mo? Kung aalukin ba kitang magtrabaho rin dito, tatanggapin mo ba?” tanong nito.
“Opo, ma’am! Opo! Kahit ngayon po, magsisimula na po ako!” masigla niyang sagot.
“Nakakatuwa ka naman! Dalhin mo muna ang pamilya mo rito saka ka magsimula ng trabaho bukas,” sabi nito dahilan para siya’y kumaripas nang takbo pauwi sa kanilang bahay at doon pinagbihis nang maayos ang kaniyang buong pamilya.
Maya maya pa, pagkarating ng buong pamilya niya roon, isang mahabang lamesang puno ng masasarap na pagkain ang bumungad sa kanila.
“Ang dami naman po nito, ma’am!” sabi niya sa ginang.
“Kulang pa ‘yan kung ihahambing sa halaga ng sinauli mong pera sa asawa ko,” tugon nito na labis ikinahanga ng kaniyang mga magulang.
Pagkatapos ng kanilang masayang salu-salo, binigyan pa siya nito ng isang sobreng may lamang pera at siya’y pinayuhang magtayo ng maliit na tindahan para pandagdag sa kanilang kita na lalo niyang ikinatuwa.
Nagsimula na rin siyang magtrabaho rito kinabukasan. Naninibago man siya sa pagtatrabaho sa isang malinis na lugar, siya’y tinutukan ng ginang upang matutuhan niya ang trabaho roon.
Ito ang naging dahilan para bahagya siyang makaramdam ng kaluwagan sa buhay. Kahit pa ganoon, hindi niya pa rin inalis ang pagiging matapat niya na tinuturo niya na ngayon sa mga kapwa niya basurero noon na inggit na inggit sa trabaho niya ngayon.
“Patuloy lang kayong maging matapat sa trabaho. Tiyak, dadating ang araw na gagantimpalaan kayo ng tadhana dahil doon,” payo niya nang minsang maghakot ng basura sa restawrang iyon ang mga dati niyang katrabaho.
“Opo, Sir Jepoy!” sabay-sabay na sagot ng mga ito na ikinatawa nilang lahat.