Walang Awang Sinaktan ng mga Kapitbahay ang Matandang Kuba Dahil Isa Raw Itong Mangkukulam; Pahiya Sila Nang Matuklasang Maling Tao ang Inakusahan Nila
May umaatake raw na mangkukulam sa barrio Mulawin.
“May nasawi na naman nang dahil sa mangkukulam!” humahangos na sabi Aling Felipa.
Dali-daling huminto sa kanilang ginagawa ang mga kapitbahay niya at nakisimpatiya.
“Totoo ba ‘yan, Felipa?” tanong ni Mang Dino.
“Ang tsismosang si Emily, natagpuang walang buhay sa loob ng bahay niya. Dilat na dilat ang mga mata at labas pa ang dila!” bulalas ng babae.
Nagkagulo ang mga kapitbahay dahil naminsala na naman ang malupit na mangkukulam sa kanilang lugar.
“Ano? Kailan ba titigil sa pamiminsala ang mangkukulam na ‘yan?! Kahit tsismosa ‘yang si Emily ay mahusay namang makisama ang kapitbahay nating ‘yan. Bakit naman pati siya? Kawawa naman ang dalawang anak niya na naiwan,” wika naman ni Aling Lydia.
“Ang sabi kasi ng manghihilot na si Manang Bale, nang makita ang bangk*y ni Emily ay kinulam daw talaga. Sa tingin niya ay malaki ang galit ng mangkukulam kay Emily,” sagot ni Aling Felipa.
Kapag may namamat*y sa kanilang lugar ay alam na nila kung ano ang sanhi nito. At iyon ay kagagawan ng isang mangkukulam. Mayroon silang pinagdududahan kung sino ang mapaminsalang nilalang na iyon, walang iba kundi si Aling Mariposa. Mula kasi nang mapadpad sa kanilang lugar ang matandang babae ay nagsimula na ang sunud-sunod na pagp*sl*ng sa kanilang lugar. Hindi naman nila mawari kung ano’ng kasalanan ng mga nawawalan ng buhay.
Si Aling Mariposa ay pinangingilagan ng mga kapitbahay dahil sa naiibang hitsura ng matanda. Mayroon itong sakit sa balat na parang ketong at kuba rin ito. Malakas ang kutob nila na ang matanda ang salot na mangkukulam. Wala pa silang sapat na ebidensiya kaya hindi pa sila nakakagawa ng hakbang para matigil na ang kasamaan nito.
Isang araw, ‘di sinasadyang mabunggo ni Aling Lydia ang matandang babae.
“P-pasensya na po,” tanging tugon ng ale.
Tinitigan siya ng matanda nang makahulugan.
“Sa susunod ay tumingin ka nang mabuti sa iyong dinadaanan,” sagot ni Aling Mariposa.
Kinagabihan ay nakaramdam ng panlalamig si Aling Lydia at ‘di nagtagal ay inapoy na ng lagnat. Kinaumagahan ay nabalitaan na lang ng mga kapitbahay na wala na itong buhay at gaya ng inasahan ng mga taga-roon, kagagawan iyon ng salot na mangkukulam.
“Noong nakaraang araw ay si Emily, ngayon naman ay si Lydia? Nakakaalarma na ito!” nangangambang sabi ni Aling Felipa.
“Ano kaya ang atraso ni Lydia sa mangkukulam?” tanong ni Mang Dino.
Maya maya ay may lumapit sa mga kapitbahay na nag-uusap sa umpukan.
“Kilala ko kung sino ang pum*sl*ng kay Lydia!”
Nang lingunin nila ang nagsalita ay laking gulat nila nang makita ang manghihilot na si Manang Bale.
“Sino, Manang Bale? Sino ang mangkukulam?” tanong ni Aling Felipa.
“Si Mariposa ang mangkukulam! Nakita ko na nakabungguan ni Lydia si Mariposa at nagalit ang matandang iyon sa ginawa ni Lydia kaya tinapos niya ito sa pamamagitan ng pangkukulam!” bunyag ng matanda.
“Sinasabi ko na nga ba, e. Ang Aling Mariposang ‘yan ang pesteng mangkukulam sa ating lugar. Kailangang gumawa na tayo ng paraan bago pa siya makapambiktima ng inosenteng tao,” sabad ng kapitbahay nilang si Mang Berting.
Sabay-sabay nilang pinuntahan ang bahay ni Aling Mariposa. Masuwerte silang naabutan doon ang matanda at kinuyog ito. Walang-awa nilang sinaktan si Aling Mariposa. Tinantanan lamang nila ito nang makita nilang sugatan na ang katawan ng matanda na lugmok na lugmok na sa lupa.
Maya maya ay dumating ang kura paroko sa kanilang barrio na si Padre Ignacio.
“Anong ginawa ninyo kay Aling Mariposa?” galit nitong tanong.
“Naku, padre, tama lang iyan sa kaniya, dahil mangkukulam ang matandang iyan!” sagot ni Aling Felipa.
“Nagkakamali kayo! Mabuting tao si Aling Mariposa, hindi niya magagawa ang ibinibintang ninyo, hindi siya mangkukulam!”
“Pero padre, hindi pa ba sapat ang pagkawala ni Emily, Aling Lydia at iba pa nating kapitbahay na naging biktima ng matandang iyan?” wika ni Mang Berting.
“Sigurado kaming siya ang mangkukulam dahil saksi si Manang Bale sa naging engkwentro nila ni Aling Lydia bago ito bawian ng buhay,” sabi naman ni Mang Dino.
“Totoo iyon, padre. Nakita kong masama ang tingin ni Mariposa kay Lydia kaya alam kong siya ang walang awang kumulam sa kaniya,” sabad ni Manang Bale.
“Hindi siya ang mangkukulam na sinasabi ninyo. Kilala ko na kung sino ang totoong mangkukulam sa ating lugar at hindi iyon si Aling Mariposa. Ang pesteng mangkukulam na kumik*t*l ng buhay sa ating mga kapitbahay ay walang iba kundi si Manang Bale!” bunyag ng pari.
Hindi makapaniwala ang mga kapitbahay sa ibinunyag ni Padre Ignacio.
“T-teka, bakit ako ang pinagbibintangan mo na mangkukulam, padre? Ano’ng ebidensya mo?” gulat na tanong ni Manang Bale.
“Umamin na sa akin ang anak mong binatilyo na si Crispin. Sinabi niya sa akin na ikaw ang totoong mangkukulam sa lugar na ito. Hindi na kasi masikmura ng iyong anak ang mga ginagawa mong kasamaan, nakukunsensiya na siya. Malaki ang galit mo kay Emily dahil sinabihan niya ang anak mo na parang b*kla dahil ito ay malamya. Malaki rin ang galit mo kay Aling Lydia dahil hindi ka niya pinautang sa tindahan niya. Malaki rin ang galit mo sa iba pa nating kapitbahay na pin*sl*ng mo sa pamamagitan ng kulam dahil mula nang magtaas ka ng presyo sa ginagawa mong panghihilot ay isa-isa nang nawala ang mga nagpapahilot sa iyo, kaya para makaganti sa kanila ay kinulam mo sila. Ipinagtapat din ng anak mo na ibinubunton mo kay Aling Mariposa ang sisi dahil malaki ang selos mo sa kaniya, dahil hanggang ngayon ay ‘di mo pa rin matanggap na siya ang unang minahal ng iyong yumaong asawa kahit pa ganyan ang hitsura niya at hindi ikaw kaya siniraan mo siya sa mga tao para siya ang mapagbintangang mangkukulam! Napakasama mo, Manang Bale, ginagamit mo ang karunungan mong itim sa pamiminsala sa buhay ng mga inosenteng tao. Ikaw ang tunay na salot!” bunyag pa ng pari.
Magtatangka pa sanang tumakas si Manang Bale ngunit nasukol na siya ng mga kapitbahay. Ipinadampot siya ng mga ito sa mga awtoridad at ipinakulong para panagutin sa mga nagawang kasalanan.
Labis-labis ang pagkapahiya at pagsisisi ng mga kapitbahay sa ginawa nila sa kaawa-awang si Aling Mariposa. Maling tao pala ang kanilang hinusgahan. Ang inakala nilang mangkukulam ay isa palang inosente at mabuting tao. Agad na humingi ng tawad ang mga kapitbahay sa matanda at ginamot ang mga tinamo nitong sugat. Dahil mabuti ang puso ni Aling Mariposa ay napatawad na niya ang mga ginawa sa kaniya ng mga kapitbahay niya. Mula noon ay naging tahimik na ang kanilang barrio.