Inday TrendingInday Trending
Napulot ng Dalaga ang Balabal ng Matandang Lalaki; Suwerte Pala ang Dala Nito

Napulot ng Dalaga ang Balabal ng Matandang Lalaki; Suwerte Pala ang Dala Nito

“Saan ka na naman pupunta, kuya? Sa edad mong ‘yan, dapat ay pumipirmi ka na lamang dito sa bahay!” sabi ni Matilde sa kapatid na si Fausto.

“Aba’y ano ba ang balak mo, buruhin ako rito? Mas gusto ko pa ang lumabas para makalanghap ng sariwang hangin kaysa naman dito sa bahay na para akong bilanggo na palaging nakakulong,” sagot ng matandang lalaki.

Sitenta y tres anyos na si Lolo Fausto na isang biyudo. Sampung taon na nakakalipas nang pumanaw ang asawa niya dahil sa malubhang sakit, ang kasama na lang niya sa buhay ay ang nakababatang kapatid na si Matilde na isa namang matandang dalaga. Ang problema sa kapatid niya ay masyadong mainitin ang ulo nito, maikli ang pasensya at mainisin kaya minsan ay hindi sila nagkakasundo. Dahil may katigasan din ng ulo ni Lolo Fausto ay sinusuway niya ang kapatid at lumalabas siya ng bahay. Malabo na kasi ang mga mata at mahina na rin ang katawan ng matanda kaya mahigpit siyang pinagbabawalan ni Matilde na maglalabas.

Nang makakuha ng pagkakataon ay natakasan niya ang kapatid. Agad siyang nagpunta sa pinakamalapit na parke para maglakad-lakad.

“Ang sarap sa pakiramdam na makalanghap ng sariwang hangin,” bulong ni Lolo Fausto.

Nang biglang may napansin siya.

“Aba, kay gandang dalaga!”

Nakita niya ang isang magandang babae na nag-eehersisyo sa parke. Nag-uunat ito ng mga braso at tangkang tatakbo para mag-jogging nang biglang nakaramdam ito ng pamumulikat sa binti kaya napaupo ang dalaga sa damuhan at namimilipit sa sakit.

“Aray kupo! Ang sakit ng binti ko!”

Dali-daling nilapitan ng matanda ang dalaga.

“Bakit, hija? Ano’ng nangyayari sa iyo?”

“Bigla ho kasing sumakit ang binti ko. Pinupulikat po yata ako,” tugon ng dalaga na namimilipit pa rin sa sakit.

“Huwag kang mag-alala, hija, ako ang bahala riyan. Relax ka lang.”

Dahan-dahang hinilot ni Lolo Fausto ang sumasakit na binti ng dalaga. Unti-unti namang umaliwalas ang mukha nito nang maramdamang nawawala na ang sakit.

“Wow, ang galing niyo naman ho, lolo. Paano niyo ho nagawa iyon?” manghang tanong ng dalaga.

“Dati akong manghihilot, hija, kaya alam ko ang mga ganyan. Ano, maayos na ba ang pakiramdam mo?”

“Okay na ho ako, lolo. Maraming salamat po! A-ano nga ho pala ang pangalan niyo?”

Akmang sasabihin ni Lolo Fausto ang pangalan sa dalaga nang biglang nagsimulang umulan. Wala pa naman siyang dalang payong. Siguradong kagagalitan na naman siya ng kaniyang kapatid kaya kailangan na niyang makauwi agad.

“Pasensya na, hija, pero kailangan ko nang umalis, eh,” wika ng matanda at nagmamadaling umalis.

“S-sandali lang, ano ho ang pangalan niyo?” sigaw ng dalaga.

Sa sobrang pagmamadali ay naiwan ng matanda ang dalang balabal. Nakita naman iyon ng lalaki at agad na dinampot.

“Ano kaya ang pangalan ni lolo?” tanong nito sa isip habang hawak ang balabal na naiwan ni Lolo Fausto.

Pagdating ng matanda sa bahay ay napansin niyang nawawala ang kaniyang balabal.

“Naiwan ko ang aking balabal!”

Maya maya ay bumungad sa kaniya ang kapatid na si Matilde at pinamewangan siya nito.

“Lumabas ka na naman pala, kuya? Sinuway mo na naman ako? Ayaw mo kasing makinig sa akin, eh ayan tuloy basang-basa ka ng ulan! Kaya ka iniiwan, eh, ang tigas ng ulo mo!” singhal nito.

Imbes na makipagtalo ay hinayaan na lamang niya na magsalita ang kapatid at dumiretso na siya sa kaniyang kwarto para magpalit ng damit. Sa kaniyang pag-iisa ay hindi niya napigilang maiyak sa sinabi ng kapatid na ‘Kaya ka iniiwan, eh, ang tigas ng ulo mo’.

Samantala, sa bahay ng dalagang tinulungan ni Lolo Fausto…

“Tricia, anak, saan ka galing at basang-basa ka?” tanong ng isang babae.

“Sa parke ho, mama. Nabasa kasi ako ng ulan, eh. Alam niyo ho, kanina habang nag-eehersisyo ako ay biglang sumakit ang aking binti, mabuti na lamang at tinulungan ako ng isang matandang lalaki at hinilot ang aking binti. Tinanong ko ang pangalan niya kaso biglang umulan at nagmamadali siyang umalis. Naiwan nga ho niya itong balabal,” sagot ng dalaga at ipinakita sa kausap ang hawak.

Laking gulat nito nang mapagmasdang mabuti ang balabal.

“Pamilyar ang balabal na ito. H-hindi ako maaaring magkamali, heto’t nakaburda pa ang pangalan niya rito! Bukas ay samahan mo ako sa parke, anak. Siguradong hahanapin ng may-ari itong balabal.”

Hindi naman mapakali si Lolo Fausto dahil nawawala ang kaniyang balabal.

“Kailangang mahanap ko iyon. Mahalaga ang balabal na iyon sa akin,” sambit niya sa isip.

Pupuntahan niya ang parke kung saan niya naiwan ang balabal. Hahanapin niya iyon.

Pababa na siya sa hagdan nang harangin siya ni Matilde.

“Saan na naman pupunta, kuya?”

“Sa parke. Naiwan ko roon ang balabal ko kahapon sa sobrang pagmamadali kong umuwi rito. Kailangan kong mahanap iyon. Parang awa mo na, palabasin mo na ako!” pakiusap niya.

Naawa naman sa kaniya ang kapatid. Kahit naman mahigpit ito sa kaniya ay mahal na mahal siya ni Matidle kaya pinayagan siya nitong makaalis. Alam ng kapatid niya kung gaano kahalaga sa kaniya ang nawawalang balabal.

Narating niya ang parke. Nagmamasid-masid siya sa paligid at sa bawat madaanan, nagbabakasakaling makita niya ang hinahanap nang biglang may nagsalita sa kaniyang likuran.

“Lolo, lolo!”

Paglingon niya ay nakita niya ang magandang dalaga na tinulungan niya. Nagulat siya dahil may kasama itong babae na hawak-hawak ang kaniyang balabal.

“P-papa? ‘Di ko akalaing magkikita uli tayo,” bungad ng babae.

“B-Belinda, anak ko? Ikaw nga!” gulat na sambit ni Lolo Fausto na hindi napigilang maiyak nang makita ang babae.

Nilapitan siya nito at mahigpit na niyakap.

“Matagal na kitang hinahanap, papa. Mula nang umalis kayo ni Tiya Matilde sa probinsya ay wala na akong balita sa inyo. Patawarin mo ako, papa, kung umalis ako noon at iniwan kita,” wika ng babae.

“Patawarin mo rin ako, anak. Alam kong ako ang sinisisi mo sa pagkawala ng mama mo, dahil naging mahina ako noon. Matagal ko nang pinagsisihan ang mga nagawa kong mali noon, anak,” sagot ni Lolo Fausto.

Si Belinda ang kaisa-isang anak ni Lolo Fausto na umalis noon dahil sinisisi nito ang ama sa pagpanaw ng ina. Nalulong noon sa alak at sugal si Lolo Fausto kaya ang perang naipon ng matanda ay naubos. Nang magkasakit ng malubha ang asawa ay hindi ito naipagamot ni Lolo Fausto hanggang sa pumanaw ito na ikinasama ng loob ng anak at lumayas ito at hindi na nagpakita pa. Labis-labis ang pagsisisi ni Lolo Fausto sa nangyari, matagal na niyang tinalikuran ang mga bisyo niya dahil naniniwala siya na babalik ang anak niya at ibibigay sa kaniya ang pagpapatawad. Ang balabal ni Lolo Fausto ay ang balabal na tinahi at binurdahan ng kaniyang yumaong asawa, kaya nang makita ito ni Belinda ay natiyak ng babae kung sino ang nagmamay-ari nito. Kilalang-kilala ng anak niya ang balabal na nilikha ng kaniyang asawa.

“Ibig sabihin, ang dalagang iyan ay ang aking apo? ‘Di ko inasahan na siya ang magdadala sa iyo sa akin, anak,” sambit ng matanda.

“Opo, papa. Apo mo si Tricia. Nakapag-asawa ako dito sa Maynila ngunit maaga rin niya kaming iniwan, pumanaw siya dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa isang aksidente,” tugon ng anak.

Tuwang-tuwang niyakap ni Lolo Fausto ang kaniyang apo. Sa wakas, buo na ulit ang kaniyang pamilya.

“Hinding-hindi ka na namin iiwan, papa. Magkakasama na ulit tayo,” wika pa ni Belinda.

Nang malaman ng kapatid niyang si Matilde ang muling pagsasama ng mag-ama ay masayang-masaya ito para sa kapatid.

‘Di inakala ni Lolo Fausto na ang nawala niyang balabal ang magiging daan upang magtagpo ulit sila ng kaniyang anak. Iba talaga kung gumawa ng paraan ang tadhana, ‘di ba?

Advertisement