Inday TrendingInday Trending
Pinagselosan ng Lalaki ang Matandang Kustomer ng Kaniyang Misis; Ito pa Pala ang Babago sa Buhay Nila

Pinagselosan ng Lalaki ang Matandang Kustomer ng Kaniyang Misis; Ito pa Pala ang Babago sa Buhay Nila

“Di ba, matagal na kitang pinapahinto sa gawaing iyan, Leticia? Marami namang ibang pagkakakitaan, eh, basta huwag na ‘yang trabahong iyan! Alam mo namang matagal ko nang kinalimutan ang trabaho nating iyan,” inis na sabi ni Dexter sa asawa.

“Hayaan mo nang gawin ko ito kahit ngayon lang. Para naman ito sa baby natin, eh, para may pambili tayo ng mga gamot niya. Alam mo namang may kamahalan ang gamot niya sa sakit sa puso, ‘di ba? Paano kung bigla na lang siyang sumpungin ng sakit niya? Huwag kang mag-alala, mahal ko, kumita lang ako nang malaki ngayong gabi ay tuluyan ko nang tatalikuran ang trabahong ito,” sagot ni Leticia.

“Kung hindi lang ako naaksidente at naging inutil ay ako ang magtatrabaho para sa inyo, pero wala, eh, wala na akong silbi, sobra akong nahihiya sa inyo,” naluluhang sabi ni Dexter.

Pagbebenta ng aliw ang trabaho noon ng mag-asawa ngunit nang mapagpasyahan nilang magsama at bumuo ng pamilya ay kinalimutan na nila at tinalikuran ang maruming trabahong iyon pero sadya talagang minamalas sila dahil isang araw ay naaksidente si Dexter habang nakasakay sa motorsiklo na naging sanhi ng pagkapilay ng kaniyang isang binti. Sa ngayon ay hirap siyang makalakad at gumagamit na lamang ng saklay kaya ang asawang si Leticia ay nagpasiyang magpatuloy sa trabaho nito bilang pick up girl para kumita ng malaking halaga para sa gamot ng kanilang may sakit na sanggol kahit napakasakit niyon para kay Dexter.

Matapos makapagpaalam sa asawa ay umalis na ng kanilang bahay si Leticia para humanap ng kustomer. Pumunta siya sa labas ng isang mall kung saan siya tumatambay para makakuha ng pagbebentahan niya ng sarili. ‘Di naman nagtagal ang kaniyang paghihintay dahil maya maya ay may pumarang sasakyan sa kaniyang harapan at bumaba sa sasakyan ang isang matandang lalaki na mukhang mayaman dahil sa mga mamahaling alahas na suot nito.

“Imbes na matuwa ay nagulat si Leticia sa reaksyon ng matandang kustomer.

“Di ako makapaniwala, kamukhang kamukha niya si…” sabi ng matandang lalaki sa isip.

“Good evening po ma’am. Baka naman po gusto niyong kunin ang serbisyo ko? Sulit na sulit po ang ibabayad niyo sa akin,” wika ni Letiia na kinindatan pa ang kaharap sabay kagat sa mga labi at hawak sa harapan na tila inaakit at tinatakam ang kaniyang kustomer.

“S-sige hija. Sumama ka sa akin!”

Napangiti si Leticia dahil kumagat sa pain niya ang matanda. Dali-dali siya nitong inanyayahan na sumakay sa magara nitong kotse at mabilis na pinaandar.

Alas tres ng madaling araw nang dumating si Leticia sa kanilang bahay. Ginising nito sa pagtulog ang asawa at masayang ibinalita ang nangyari sa kaniya.

“Mahal ko, gising, gising!”

“O, narito ka na pala? Kumusta ang lakad mo?”

“Malaki ang ibinayad sa akin ng naging kustomer ko. Tingnan mo, Limampung libo ito sa isang gabi!”

“Ano, limampung libo?” gulat na gulat na sabi ni Dexter. “Ang laki naman ng ibinayad sa iyo ng kustomer mong iyon! Mayaman yata ang kustomer mo,” wika ng asawa.

“Oo, ubod ng yaman! Pero alam mo, nagtataka ako na binayaran niya ako nang malaki, wala namang nangyari sa amin. Nakipagkuwentuhan lang siya sa akin nung nagpunta kami sa motel,” wika ni Leticia.

“Ano? Talaga? Walang nangyari sa nyo?” gulat na tanong ni Dexter.

“Oo, wala nga! Saka napakabait nung matandang iyon. Kung medyo bata-bata lang iyon ay nagka-crush na ako sa kaniya,” sagot ng misis.

Biglang nakaramdam ng selos si Dexter sa tinuran ng asawa ngunit wala naman siyang magawa. Ang mahalaga ay kumita ng malaking halaga si Leticia para sa kanilang anak.

“Mabuti naman kung ganoon, pero hindi na ito mauulit ha? Ititigil mo na ang trabahong iyan at maghanap ka na lang ng ibang mapagkakakitaan.”

Ang akala ni Dexter, pagkatapos ng gabing iyon ay ititigil na ni Leticia ang pagiging pick up girl ngunit napansin niyang lumalabas pa rin ito sa tuwing sasapit ang gabi. Ang paalam nito ay makikipagkita lang sa mga kaibigan nito at makikipag-inuman pero nakaramdam siya ng paghihinala kaya nang minsan umalis ito ay palihim niya itong sinundan. ‘Di nga siya nagkamali sa kaniyang hinala dahil nakita niyang sumakay ang kaniyang asawa sa isang magarang kotse. Pumara siya ng taxi at sinundan ang kotse sa pupuntahan nito. Maya maya ay nakita niyang huminto ang sasakyan sa isang mamahaling restawran. Bumaba sa kotse ang asawang si Leticia at ang isang matandang lalaki.

“Marahil ay ang matandang lalaking iyon ang nagbigay sa asawa ko ng malaking halaga. Hanggang ngayon ay nakikipagkita pa rin siya sa matandang iyon? Huwag sanang tama ang hinala ko kundi… humanda kayo sa akin!”

Dali-daling bumaba sa taxi si Dexter at pumasok sa restawran. Pagpasok niya ay nakita niya agad ang asawa at ang matandang lalaki na nakaupo sa isang mesa at tila masayang nag-uusap. Agad niyang sinugod ang dalawa.

“Hoy babaeng bayaran! ‘Di ba nag-usap na tayo? Ang sabi ko’y tigilan mo na ang trabahong iyan at huwag ka nang makikipagkita sa mga mahihilig mong kustomer!” galit niyang singhal sa dalawang nakaupo.

Gulat na napatayo si Leticia sa kinauupuan. Nagulat din ang matandang lalaki na kasama nito.

“D-Dexter? Anong ginagawa mo rito?”

“Ikaw ang dapat kong tanungin, ano ang ginagawa mo rito? Sino ang matandang ito? Akala mo siguro ay maitatago mo sa akin na nakikipagharutan ka pa rin sa matandang suki mo!” bulgar niyang sabi sa malakas na tono.

“Tumigil ka nga, Dexter. Nakakahiya sa kasama ko. Mali ang iniisip mo sa amin, hayaan mo akong magpaliwanag,” tugon ni Letiia.

“Sige, magpaliwanag ka. Porket binayaran ka lang ng limampung libo ay pinanay-panay mo na ang pagpapagamit sa matandang iyan? Nag-usap na tayo ‘di ba, tigilan mo na ang trabahong iyan, bakit ayaw mong makinig sa akin?” giit pa ni Dexter.

Biglang nagsalita ang matandang lalaki.

“Huminahon ka, hijo. Mali ang iniisip mo sa amin ng iyong asawa. Magkaibigan lang kaming dalawa. Natutuwa kasi ako sa asawa mo dahil kamukhang-kamukha niya ang yumao kong asawa na si Esmeralda.”

Ipinakita ng matanda kay Dexter ang lumang litrato ng namayapa nitong asawa. Laking gulat niya nang makitang kamukhang-kamukha nga ni Leticia ang babae sa lumang litrato. Kuha pa iyon noong kabataan ng asawa ng matanda.

“Ako si Roberto. Noong gabing nakita ko ang asawa mong si Leticia sa labas ng mall ay gulat na gulat talaga ako. Biglang nabuhay sa kaniyang pagkatao ang pinakamamahal kong asawa. Sa sobrang pagkatuwa ko sa kaniya ay isinama ko siya. Walang nangyari sa amin at nagkwentuhan lang kami sa buong magdamag. Sinabi niya sa akin ang mga pinagdadaanan niyong mag-asawa. Binayaran ko siya ng malaking halaga dahil sobra niya akong napasaya, na kahit sa kaunting oras ay bumalik ang aking pinakamamahal na asawa sa katauhan ni Leticia. Binabayaran ko ang bawat oras na magkasama kami, dahil sa tuwing magkasama kami ay para ko na ring kasama ang aking si Esmeralda. Mula noon ay palagi na kaming nagkikita, hindi bilang isang kostumer niya kundi bilang kaniyang kaibigan. Patawarin mo ang iyong asawa, inilihim niya sa iyo dahil alam niya na baka pagselosan mo ako. Wala kang dapat ipagselos dahil parang anak na ang turing ko kay Leticia. Tinalikuran na rin niya ang dati niyang trabaho at kasalukuyang nagtatrabaho na bilang aking sekretarya sa aking kumpanya. Narito kami dahil may katagpo kaming kliyente,” hayag ng matanda.

“Totoo ang sinabi niya, mahal ko. Para ko na siyang ama at kaibigan. Mabuti siyang tao at siya rin ang dahilan kung bakit mayroon na akong bagong trabaho ngayon. Sosorpresahin sana kita, eh kaso nabuking mo na kami,” tugon pa ni Leticia.

Napahiya si Dexter sa mga sinabi niya. Wala naman palang relasyon ang kaniyang asawa at ang matandang si Roberto. Isa lang pala itong mabait at mayamang biyudo na nangungulila pa rin sa yumaong asawa na muling sumaya dahil nabuhay ito sa katauhan ni Leticia na kamukhang-kamukha nito. Humingi siya ng tawad sa kaniyang misis at sa matandang lalaki sa kaniyang inasal. Mula noon ay itinuring na ring anak ng mabait na matanda si Dexter at apo ang anak nila ni Leticia. Tumulong din ang matanda sa pagpapagamot sa kanilang sanggol. Itinuring na pamilya ng mag-asawa ang mabait na matanda na tumulong sa kanila upang mabago ang kanilang buhay.

Advertisement