Hinahamak ng Mayayamang Kaklase ang Binata Dahil Siya ay Dukha; May Magandang Kapalaran Pala na Naghihintay sa Kaniya
Lumaki sa hirap si Gilbert. Ang nanay niya ay isa lamang hamak na labandera at ang tatay naman niya ay tindero ng basahan sa kalye ngunit kahit sila’y dukha ay iginagapang ng mga magulang niya ang kaniyang pag-aaral.
Dahil sa antas niya sa buhay ay palagi siyang tinatapak-tapakan ng kaniyang mga kaklaseng mas nakakaangat ang estado.
“Mga pare, dumarating na ang isang kahig isang tuka,” sabi ng kaklase iyang si Davis.
“Oo nga, eh, tingnan niyo, kupas na kupas na uniporme niya at ‘yung sapatos niya malapit nang masira sa sobrang luma,” natatawang sabad ng isa.
Hagalpakan naman ng tawa ang iba nilang kasama nang maapakan ng binata inihanda nilang patibong. Nilagyan nila ng pampadulas ang semento, alam kasi nilang may pagkalampa ito.
Nagtagumpay sila sa kanilang balak.
“Aruy kupo!” gulat na sambit ni Gilbert na nadulas sa semento. Bagsak ang katawan.
“Tingnan niyo si Gilbert, nagpapatawa sa atin,” tawang-tawang sabi ni Davis habang napapapalakpak sa kalokohang ginawa.
“Ang lampa mo naman, Gilbert! Ganyan ba talaga kapag nakatira sa iskwater?” pang-iinsulto pang sabi ng isa sa mga kaibigan ni Davis.
Kahit masakit ang katawan sa pagkadulas ay mahinahong tumayo si Gilbert.
“Sobra na ang panghihiya sa akin nina Davis. Sobra na talaga,” sabi niya sa isip na hindi na rin masikmura ang araw-araw na lang na pang-aasar ng mga kaklase niya.
Hindi na siya nakatiis at isinumbong niya sa prinsipal nilang si Mrs. Sebastian ang mga ginanagawa sa kaniya ng grupo ni Davis.
“Ma’am, sobra na po ang panlolokong ginagawa nila sa akin. Laging ako nalang, ako ang nakakatuwaan,” aniya.
“Hayaan mo’t kakausapin ko sila. Ako ang bahala sa kanila, basta’t ito ang iyong gawin, mag-aral kang mabuti, at huwag mo silang pansinin,” sagot sa kaniya prinsipal.
“Yes ma’am, salamat po,” sagot naman niya na napanatag na dahil nailabas niya ang sama ng kaniyang loob.
Sa nangyari ay mas lalong nagpakasipag si Gilbert sa pag-aaral.
“Alang-alang kina inay at itay, sisikapin kong maiahon sila sa kahirapan,” bulong niya sa sarili.
Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho upang matulungan din ang mga magulang niya, ayaw niya iasa sa mga ito ang pangmatrikula niya kaya nagsikap siya at nag-working student. Ipinakita niya na sa pamamagitan ng tiyaga at determinasyon ay makakaangat din siya at ang kaniyang pamilya.
Bukod sa matataas na marka na nakukuha niya sa eskwela, ay malaki rin ang kinikita niya sa kaniyang part time job na pagtitinda ng meryenda.
Isang gabi, masaya siyang naglakakad pauwi sa kanila…
“Salamat po, Diyos ko. Malaking tulong ito sa akin at kina inay,” sambit niya.
Maya maya ay nadaanan niya ang barkada ni Davis na nakatambay sa isang tindahan. Napansin din niya na walang ginawa ang mga ito kundi mag-inom at maglakwatsa. Hindi pumasok ang grupo sa klase nila kanina.
“Kailan kaya magbabago ang mga ito? Halos lahat sila’y anak ng mayaman pero puro mga pasaway. Kawawa naman ang mga magulang nila,” sabi niya sa isip.
Akala niya ay hindi siya mapapansin ng grupo, ngunit nagkamali siya…
“Mga pare, hayun ang hampaslupa, pagtripan natin,” nakangising sabi ni Davis.
Nilapitan ng grupo si Gilbert.
“Hoy, dukha! Mabuti at napadaan ka rito,” sabi ni Davis.
“Narito na naman ang mga walang magawa,” bulong ni Gilbert sa sarili.
Lihim na sinindihan ng isang kasama ni Davis ang papel na palihim na inilagay nito sa p*witan niya.
“Aruykup! Ang p*wit ko, nasusunog!” sigaw ni Gilbert sabay pagpag sa likuran niya.
“Sunog! Sunog! May sunog sa p*witan ni dukhang Gilbert!” kantiyaw ni Davis sa kaniya.
“Sinasabi ko na nga ba, wala na namang gagawin mabuti ang mga ito,” inis niyang sabi.
Ngunit ang lahat ng kahihiyang ginawa ng mga ito ay pinalampas pa rin niya. Patuloy siyang nagsumikap sa pag-aaral.
Makalipas ang maraming taon
“Good morning, ma’am, kumusta na po kayo?” bungad ni Gilbert nang dalawin niya ang dating prinsipal na si Mrs. Sebastian.
“Heto, mabuti naman, hijo. Salamat at napasyal ka rito sa bahay ko. Alam mo ba na tuwang-tuwa ako sa narating mo, nabalitaan ko na isa ka na raw abogado ngayon at isa sa pinakamahusay sa ating bansa. Binabati kita, Atty. Gilbert Beltran,” tugon ng matandang babae.
“Ipinagpapasalamat ko po sa inyo ang narating ko, ma’am, kundi niyo po ako pinayuhan noon na mag-aral nang mabuti ay hindi ko matutupad ang aking pangarap. Bukod po sa Diyos at sa aking mga magulang ay sa inyo ko rin po iniaalay kung nasaan man po ako ngayon,” hayag ni Gilbert.
Nabalitaan din niya ang naging buhay ng dati niyang kaklase na si Davis. Hindi ito nakatapos sa pag-aaral, nalulong sa masamang bisyo at kasalukuyang nakakulong dahil inaresto ng mga awtoridad. Ang mga kaibigan nito ay nakapiit din dahil sa sari-saring kasong kinasangkutan. Hindi umubra ang pera ng pamilya ng mga dati niyang kaklase para maisalba ang mga ito sa mga kasalanang nagawa. Imbes na pagtawanan ay nakaramdam siya ng awa sa kinasapitan ni Davis at ng mga kaibigan nito. Kung nag-aral lang sana nang mabuti ang grupo ni Davis at nagpakabuti ay maganda rin sana ang kinahantungan ng buhay ng mga ito kagaya niya.
Ipinakita sa kuwento na bilog ang mundo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay palaging nakalugmok sa ilalim, magsumikap at manalig sa Panginoon upang ibabaw at tuktok ay marating din.