Inday TrendingInday Trending
Tinapay na Sana ang Sagot Upang Maibsan ang Sikmura Niyang Kumukulo; Dahil sa Isang Walang Modong Babae’y Lupa Lamang ang Nakinabang Nito

Tinapay na Sana ang Sagot Upang Maibsan ang Sikmura Niyang Kumukulo; Dahil sa Isang Walang Modong Babae’y Lupa Lamang ang Nakinabang Nito

Tahimik na kumakain si Kris nang may biglang bumangga sa kaniya nang malakas. Sa lakas ng pagkakabangga ay bahagya siyang nawalan ng balanse, dahilan upang mabitawan niya ang bitbit na tinapay.

“Ano ba naman kasi ‘yan! Haharang-harang sa daan!”

Galit na sambit ng babaeng nakabangga sa kaniya. Imbes na humingi ng pasensya sa pagbangga nito at pagkatapon ng kaniyang tinapay ay nagalit pa ito sa kaniya.

“Ang t@nga-t@nga naman kasi!” dugtong pa nito, saka pinagpag ang sarili, animo nandidiri.

Naiinis si Kris at nanghinayang sa natapong tinapay, mas lalo siyang nainis sa walang modong babae. Ito na nga ang nagkasala sa kaniya, ito pa ang may lakas ng loob na magalit at tawagin siyang t@nga. Kung alam lang nito kung gaano ka-importante para sa kaniya ang tinapay na iyon.

Tiningnan niya ito nang diretso sa mga mata at gustong ibuka ang bibig upang pagalitan. Ang perang ipapamasahe niya’y ibinili na lamang niya ng tinapay tapos sa huli ay ang sahig lamang ang makikinabang no’n? Kanina pa siya gutom na gutom kaya nga labis ang pasasalamat niya dahil sa wakas maiibsan na ang gutom niya, pero anong nangyari?

Imbes na salubungin ang galit nito ay mas pinili na lamang ni Kris ang manahimik at yumuko upang wala nang gulo. Akmang aalis na sana siya at babalewalain ang nangyari’y bigla siyang natigilan nang marinig niya ang isang aleng galit na sinita ang babaeng bumunggo sa kaniya.

“Ikaw na nga ang nagkasala, ikaw pa ang nagagalit sa taong binangga mo!” anito.

“Sino ka bang pakialamera ka?!”

“Hindi na mahalaga kung sino ako! Nakita ko ang ginawa mo. Ikaw ang nagmamadali at t@nga-t@ngang bumangga sa babaeng ito, tapos imbes na humingi ka ng pasensya sa ginawa mo’y nagalit ka pa at ininsulto siya. Sobra ka!” singhal nito sa babae.

“Pakialamerang matanda!” bumubulong nitong sambit sabay irap.

Agad namang bumalik si Kris at lumapit sa pwesto ng matanda upang pigilan ito. Ngunit kahit anong awat niya ay hindi pa rin ito tumitigil sa kakalitanya sa babae.

“Tama na po,” awat niya sa babaeng hindi naman sila magkakilala, pero pakiramdam niya’y nanay niya ito kung ipagtanggol siya.

“Hindi ‘neng, dapat tinuturuan ng leksyon ang babaeng ganyan. Simpleng paghingi ng despensa sa’yo ay hindi niya magawa,” anito.

“Bakit ako pa ang hihingi ng pasensya? Ano naman ngayon kung ako ang bumangga sa kaniya? Hindi siya babangga sa’kin kung marunong siyang tumingin sa dinadaanan niya!” anang walang modong babae.

May mga tao talagang kahit halata naman ang isang sitwasyon ay hindi pa rin nila kayang tanggapin ang sarili nilang pagkakamali. Gusto na sana niyang palampasin ang lahat, ngunit talagang sinasagad nito ang pasensya niya.

“Alam mo, gusto ko na sanang palampasin ang pagiging walanghiya mo e! Pero iyong nakukuha mo pang magsinungaling para linisin ang sarili mo, tama na kasi sumo-sobra ka na!” naiinis niyang singhal sa babae. “Ikaw ‘tong aligagang nagmamadali na parang hinahabol ng kung sino at binangga ako. Tama naman si nanay, kahit simpleng paghingi ng pasensya sa nagawa mo’y hindi mo man lang magawang sabihin, imbes ay mas itinutulak mo sa iba ang kasalanan mo!” inis na singhal ni Kris sa babae.

Bukod sa kaniya at sa aleng ipinagtanggol siya’y may iba ring mga tao sa paligid ang naiinis na sumambat sa usapan nila. Kaya hindi na nagawa ng babaeng magsalita at pumalag pa sa sinabi niya dahil marami na ang kumalaban rito, kaya nagmamadali na itong umalis.

Nang mawala ito’y agad namang lumapit ang mga ito sa kaniya at kinausap siya. Gaya ng aleng nagtanggol sa kaniya’y nainis din ang mga ito sa babae.

“‘Neng, ito oh,” anang ale sabay abot sa kaniya ng tinapay. “Kainin mo ‘yan. Alam kong nagugutom ka, sayang nga lang dahil nahulog ang tinapay mo. Pagpasensyahan mo na ang ganoong klaseng tao.”

Hindi na nagpakipot pa si Kris, agad niyang tinanggap ang tinapay na ibinigay ng ale sa kaniya. Hindi man niya aminin sa sarili’y totoong gutom na gutom na siya.

“Maraming salamat po, nanay, sa pagtatanggol niyo sa’kin kanina,” aniya. “Kung ako lamang iyon ay baka pinalampas ko na ang nangyari at huwag na lang pansinin. Pero salamat po, kasi hindi niyo naman ako kilala, pero kanina pakiramdam ko, anak niyo ako. Handa kayong makipaglaban para sa’kin,” nakangiti niyang wika habang nginunguya ang ibinigay nitong tinapay.

Matamis na ngumiti ang ale saka muling nag-abot ng tinapay. “Sa itsura mo, alam kong naghahanap ka ng trabaho. Nakita ko kanina kung paano mo tinitigan ang nasayang na tinapay. Naranasan ko na rin noon ang nararanasan mo, ‘neng, kaya ramdam kita,” anito. “Kahit sino pa man, kilala ko man o hindi, ayaw na ayaw ko talagang nakakakitang may inaapi. Kaya sa susunod kapag nakasalamuha ka ulit ng ganoong klaseng tao, lumaban ka ha. Hindi masamang makipaglaban paminsan-minsan lalo na kung wala ka namang masamang ginawa sa kanila imbes ay sila pa itong may atraso sa’yo,” mahabang payo nito.

Matamis na ngumiti si Kris at marahang tumango. Salamat at may isang aleng kagaya nito ang nakasalubong niya kanina. Isang aleng handang tumulong, kilala ka man niya o hindi.

Advertisement