Walang Makitang Dahilan ang Binata Upang Ipagdiwang ang Sariling Kaarawan; Ngunit Bakit Umiiyak-Tawa Siya Ngayon sa Harapan ng mga Kaibigan?
Tahimik na tinitigan ni Harold ang kalendaryo habang nag-iisip. Sabado na bukas at kaarawan na ng kaniyang matalik na kaibigang si Henry.
“Anong tinitingin-tingin mo riyan sa kalendaryo, anak?” takang tanong ng ina.
Matamis na ngumiti si Harold at nilingon ang ina. “May naalala lang ako, ‘ma, kaarawan na pala bukas ni Henry,” aniya saka naglakad palapit sa ina.
Hindi na sumagot ang kaniyang ina, ngumiti na lamang ito nang matamis at muling ipinagpatuloy ang ginagawang pag-aasikaso sa hapagkainan.
“Ano raw ang handa niya?” tanong ng ina.
“Ewan ko nga po e,” aniya sabay kibit-balikat. “Ang alam ko, may pasok rin ‘yon bukas, kaya malamang sa gabi na naman magaganap ang kaarawan no’n. At hindi rin ako sigurado kung maghahanda ba talaga ‘yon. Sa mga nangyari sa buhay niya, baka wala na iyong ganang magsaya pa,” paliwanag niya sa ina.
Tumatangong sumang-ayon ang ina, nakakaunawa sa kung ano man ang kaniyang ibig sabihin. Magkasunod kasing namayapa ang mga magulang ni Henry ngayong taon. Ang papa niya ay dahil sa malalang sakit, ang kaniyang ina naman ay sadyang tinapos ang sariling buhay dahil hindi nito natanggap ang pagkawala ng kanilang ama. Kaya para kay Henry ay walang dapat na ipagdiwang sa taong ito dahil puro kamalasan lamang ang nangyayari sa taong ito.
“Kung ano sa palagay mo ang dapat na gawin, anak, ay siyang gawin mo,” anito saka ngumiti nang matamis.
Isang matamis na ngiti rin ang itinugon ni Harold sa mabait at maunawaing ina. Hindi man siguro sobrang bongga, pero siguradong gagawa siya ng paraan upang kahit papaano’y sumaya ang kaarawan ng kaibigang si Henry.
Mula pa noong mga bata hanggang ngayong malalaki na sila at may mga kaniya-kaniyang obligasyon nang kinakaharap ay nanatiling matatag ang pagkakaibigan nilang dalawa. Mula noon hanggang ngayon ay naging solid ang samahan nila at naging karamay nila ang isa’t-isa.
Upang maging maganda ang preparasyon ay humingi ng tulong si Harold sa iba pa nilang mga kaibigan at napagkaisahan nilang lahat na idaos ang simpleng kaarawan ni Henry, upang kahit papaano naman ay maging masaya si Henry sa araw na iyon.
Simpleng handaan lamang ang kailangan niyang gawin, basta ang mahalaga ay maging masaya ang matalik na kaibigan. ‘Di baleng magastusan nang malaki… minsan lang naman mangyari ang ganitong klaseng okasyon. Nakahanda na ang lahat para surpresahin si Henry, sabik ang lahat sa magiging reaskyon nito. Noong isang araw nakausap niya si Henry at ang sabi nga nito’y wala itong ganang magsaya sa sariling kaarawan, kaya halos lahat ay nasasabik sa magiging reaksyon nito.
Matapos nilang gulatin ang kaibigan sa sariling bahay nito at sa wakas ay nakita nila ang mangiyak-ngiyak nitong reaksyon.
“Ano ba naman iyan, sabi ko naman sa’yo hindi mo na kailangang gawin ito,” mangiyak-ngiyak nitong pinunasan ang mga mata. “Nakakataba naman kayo ng puso,” dugtong pa ni Henry.
Agad namang magtawanan ang lahat pati na si Harold, saka inakbayan ang kaibigan at personal na binati ito.
“Simpleng selebrasyon lamang ito, Henry, alam kong hindi mo ramdam ang magsaya, ngunit kahit ganoon ay gusto ko pa rin na maging masaya ka kahit papaano sa araw na ito. Alam naming lahat na ang daming nangyaring hindi maganda sa’yo sa taong ito, ngunit hindi iyon sapat upang hindi ka maging masaya sa araw na ito, kaya pagbigyan mo na kami,” ani Harold sa matalik na kaibigan.
Hindi na napigilan ni Henry ang pag-iyak dahil sa simpleng mensahe at handog ni Harold sa kaniya.
“Salamat pa rin talaga, Henry,” umiiyak nitong wika. “Sa totoo lang, hindi ko talaga ramdam na kaarawan ko ngayon. Pero dahil sa’yo,” aniya sabay baleng sa iba pang kaibigan. “Sa inyong lahat, pakiramdam ko’y hindi pa talaga katapusan ng buhay ko. May bukas pa at dapat lang na hayaan ko rin minsan ang sarili kong sumaya, lalo na sa araw na ito,” nakangiting sambit ni Henry, sabay yakap sa mga tropang naroroon upang makisaya.
“Maligayang kaarawan, Pareng Henry,” sabay-sabay na bati ng lahat.
Agad namang sumaya ang awra ni Henry sa simpleng pagbati ng kaniyang mga kaibigang maituturing na kahit ano man ang mangyari’y palaging nand’yan upang samahan siya. Lalong-lalo na si Harold na hindi man niya tunay na kadugo ay parang tunay niyang kapatid kung ituring nila ang isa’t-isa.
Minsan sa buhay, dumadating tayo sa puntong ang hirap ngumiti at maging masaya. Kaya ang sarap magkaroon ng mga kaibigang palaging nand’yan at handang magbigay saya lalo na kapag kailangan mo sila.