Bigla na lang Nawala ang Binata at Hindi na Nagpakita sa Dalaga sa Loob ng Tatlong Taon; Mabigyan na Kaya ng Linaw ang Lahat Ngayon?
“Conny, ano’ng ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Gerome sa dalaga.
“Gusto ko lang sanang makausap ka nang masinsinan,” anito.
Tinitigan ni Gerome ang dalagang sa tuwina’y parang kinakabahan na makausap siya. Ano bang sadya nito? Bakit kinailangan pa nitong bumiyahe nang malayo sa ganitong dis-oras ng gabi para lamang makausap siya nang masinsinan? Nagtataka man ay hinayaan niya ang dalagang magsimulang magsalita, tungkol sa kung anuman ang bumabagabag sa isipan nito.
“Gusto ko lang sanang klaruhin, Gerome, ang tungkol sa’tin,” ani Conny.
Agad na nagsalubong ang kilay ni Gerome sa sinabi ng Conny. Hindi niya kailanman naisip ang sasabihin ng dalaga. Klaruhin ang tungkol sa kanilang dalawa?
“Anong ibig mong sabihin?”
Tatlong taon na ang nakakalipas mula nang maghiwalay sila ng dalaga. Marami na ang nangyari at wala na nga sa kaniya ang nangyari sa nakaraan. Kaya hindi niya lubos maisip kung bakit naisip pa ng babae ang tungkol sa kanila. At ang mas nakakagulat ay alam naman nito na may bago na siyang kasintahan at ganoon rin ito.
“Gusto ko lang klaruhin ang mayroon sa’tin, Gerome. Alam kong matagal na panahon na rin mula noong nagkahiwalay tayo, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na sa ganoong paraan lang nagtapos ang relasyon natin,” ani Conny, puno ng hinanakit ang mga salita.
“Hindi mo man lang kasi nagawang ipaglaban ang mayroon tayo noon. Noong nagalit at tinaboy ka ng papa ko, hindi mo man lang ipinaglaban ang sarili mo, hindi mo pinatunayan sa kanila ang sarili mo. Basta ka na lang naglaho at hindi na nagpakita sa’kin. Hindi ka man lang nagpaalam sa’kin, basta ka na lang naglaho at hindi na nagpakita. Alam kong huli na ang lahat pero ito na yata ang sinasabi nilang closure,” dugtong pa ni Conny.
Bahagyang napangiti si Gerome sa sinabi ni Conny sa dulo. Tatlong taon na ang lumipas kaya hindi niya kailanman naisip na kailangan pa pala nila ng closure. Iyong panahon na pinili niyang huwag nang magpakita, para sa kaniya ay iyon na ang closure nilang dalawa.
“Minahal mo ba talaga ako noon, Gerome?” untag ni Conny.
Mataman niyang tinitigan ang mga mata ni Conny at sabay tinanong sa sarili kung minahal nga ba niya talaga ang dalaga.
“Minahal kita noon, Conny,” aniya. “Sobra kitang minahal kaya sobra rin akong nasaktan noong pinili kong lumayo para sa kapakanan mo.” Ibinaling niya sa ibang direksyon ang tingin at muling nagsalita. “Noong sinabi ng papa mo kung anong magiging kinabukasan mo sa’kin, para akong sinuntok ng katotohanan at nasabi sa sarili ko na oo nga, ano? Anong maibibigay kong kinabukasan sa’yo? Maliit lang ang sinasahod ko noon, walang-walang sa kung paano ibigay ng mga magulang mo sa’yo ang mga pangangailangan mo,” puno ng emosyon niyang sambit.
“Pero dapat ipinaglaban mo pa rin ako, Gerome. Kung talagang mahal mo ako, hindi ka dapat agad na sumuko,” anang dalaga.
“Sumuko ako, Conny, hindi dahil hindi ko kayang ipaglaban ang pagmamahal ko sa’yo. Sumuko ako, dahil natakot akong baka hindi nga talaga ako maging sapat para sa’yo,” malungkot niyang sambit. “Pero kung titingnan ko ngayon ang nangyari sa’tin noon, Conny, masasabi kong wala akong pinagsisihan sa naging desisyon ko, kasi tingnan mo naman. Nakikita kong masaya ka na ngayon sa piling ni Richard at mahal na mahal ka niya,” aniya at matamis na ngumiti.
Mataman na tumitig si Conny sa mga mata ni Gerome. “Ikaw ba, masaya ka na rin ba sa piling ni Anna?”
Marahan siyang tumango at ngumiti. “Oo, Conny, hindi lang masaya kung ‘di masayang-masaya,” pag-amin niya. “Minahal kita noon, pero mas minahal ako ni Anna, Conny. Hinayaan mo akong ipaglaban kita sa lahat, pero iba si Anna. Hindi niya ako hinayaang lumaban nang mag-isa, kasama ko siya sa bawat pagsubok at kailanman ay alam kong hindi niya ako iiwanang lumaban nang mag-isa sa buhay. Kaya kung tatanungin mo ako kung masaya ba ako sa piling ni Anna, ang isasagot ko’y oo, Conny, sorang saya ko,” prangkang pag-amin ni Gerome sa dalaga.
Bahagya mang nasaktan si Conny sa naging pahayag ni Gerome, sa kabilang banda ay naging masaya na rin siya para sa lalaki. Siguro nga’y ito lang ang nais niyang marinig mula sa bibig nito. Sa kabiilang banda kasi ay nakakaramdam siya ng konsensya sa nangyari noon sa kanila.
Pero makalipas ang tatlong taon at muling pinagkrus ang landas nila’y masaya siyang nakausap niya ito ngayoon nang masinsinan. Tumingkayad siya at binigyan ng mahigpit na yakap ang dating nobyo.
“Salamat sa panahong ako pa ang laman ng puso mo, Gerome. Masaya akong nalinawan na rin sa wakas ang kung ano man ang bumabagabag sa puso ko noon pa man,” nakangiting sambit ni Conny.
Hindi na nagawang sumagot pa ni Gerome, pinili na lamang niyang manahimik at namnamin ang huling yakap ng dating kasintahan. Para kay Gerome ay mas naging maganda nga ang ginawang ito ni Conny, kahit alam naman niya sa sariling matagal na siyang nakalimot noon ay mas gumaan ang puso niya sa naging usapan nila ngayon.
Ngayon ay tunay nang malaya ang puso nilang dalawa, at buong-buong maibibigay ito sa mga pangkasalukuyang taong minamahal nila.