Maagang Nabyuda ang Ginang na Ito Kung Kaya’t Muli Siyang Nag-asawa; Pagsisisihan Niya Pala Ito nang Matindi
Halos manginig ang mga tuhod ni Janneth habang ipinapasok sa emergency room ang kaniyang asawa matapos nila ito makitang walang malay sa kanilang banyo. Ilang sandali pa ay ipinasok ito sa operating room kung saan nagtagal pa ng anim na oras ang operasyon hanggang sa lumabas ang doktor.
“Ligtas na po sa ngayong ang asawa ninyo, misis. Kailangan na lang po muna namin siyang bantayan nang mabuti hanggang siya ay magkaroon ng malay,” saad ng doktor sa kanila.
Nakahinga nang maluwag si Janneth at ang kaniyang anak na si Jenny matapos marinig ang balita na iyon. Lumipas ang mga oras at araw sa ospital subalit hindi pa rin nagkakaroon ng malay ang asawa ni Janneth. Walang araw na hindi sila magkasabay na ipinanalangin na iligtas ang kanilang mahal na asawa’t ama. Ngunit dumating ang araw kung saan inamin na ng doktor sa kanila na wala nang pag-asa na gumising pa ang pasyente dahil malala na ang lagay nito.
Dahil dito, kahit na masakit ay binitawan ni Janneth ang kaniyang asawa. Hinayaan na niyang mamayapa ito nang tahimik upang makapagpahinga na ito. Labis ang kaniyang pagtangis habang nagpapaalam sa kaniyang asawa.
“Ayos na kami ng anak mo, pwede ka nang bumitaw… magpahinga ka na mahal ko, salamat sa lahat lahat,” huling paalam ni Janneth sa kaniyang asawa.
Pagkalipas ng halos isang taon, muling nakabangon si Janneth at Jenny matapos yumao ang kanilang haligi ng tahanan. Isang gabi, nang makauwi si jenny galing trabaho ay ginulat siya ng kaniyang ina sa balita nito na muli siyang mag-aasawa.
“Jen, si Edward nga pala,” aniya sa anak na makikita sa mukha ang pagkasorpresa. Kahit na siya ay nag-aalangan na tanggapin ang lalaki, masaya niyang tinanggap ito dahil saksi siya kung paano naging malungkot ang ina mula nang mawala ang kaniyang ama.
Hindi rin nagtagal ay tuluyan na ngang nagsama si Edward at Janneth. Sa kanilang bahay na tumutuloy ang lalaki at naging mabuting asawa naman ito kay Janneth. Pansin ni Jenny na tumataba ang kaniyang ina at palagi ring may ngiti sa mga labi nito. Dahil dito, labis ang kaniyang pasasalamat sa pagdating ni Edward sa buhay nila. Ngunit dumating ang araw na napapansin ni Jenny ang laging pagliban nito sa kanilang hapunan.
“’Ma, may trabaho na ba si Tito Edward? Hindi ko kasi siya napapansin lagi kapag umuuwi ako at naghahapunan tayo,” tanong ni Jenny sa kaniyang ina habang sila ay nagliligpit ng kanilang pinagkainan. Subalit labis niyang ikinagulat ang sagot nito.
“Wala kang pakialam! Tigilan mo ang pagtatanong!” galit na tugon ni Janneth sa kaniya at mabilis itong pumasok sa kaniyang silid. Naiwan naman si Jenny na gulat na gulat sa naging reaksyon ng kaniyang ina.
Nagpatuloy ang mga araw ng mag-ina ngunit hindi na tulad noon. Naging malamig ang pakikitungo ni Janneth sa kaniyang anak na ikinalulungkot naman ni Jenny. Dahil dito, minabuti niyang imbestigahan ang nangyayari sa relasyon ng kaniyang ina at ng nobyo nitong si Edward.
Lumipas ang sabado at linggo na palihim niyang sinusundan ang kaniyang ina. Karaniwan lang naman ang gawain nito na nagbabantay ng kanilang shop at kasama nito si Edward. Subalit sa tuwing uuwi ito ay mag-isa na lang at hindi kasama ang nobyo nito.
Dito naisip ni Jenny na baka nagbago na lang talaga ang kaniyang ina. Marahil ay nais na nitong magsarili ngunit hindi nila magawa dahil nakatira pa rin siya sa puder nito. Kung kaya naman, hinanda ni Jenny ang sarili na baka dumating ang araw na paaalisin na siya ng ina.
Pagkalipas ng ilang buwan ay naging tahimik naman ang kanilang buhay. Maayos naman ang takbo ng kanilang pamumuhay subalit sadyang nag-iba lang talaga ang pakikitungo ng kaniyang ina. Ramdam niyang naging malamig na pakikitungo nito sa kaniya.
Isang tanghali, maagang umuwi si Jenny sa kanilang bahay dahil hindi maayos ang kaniyang pakiramdam. Naabutan niya roon ang kaniyang Tito Edward na kakatapos lamang maligo.
“Nasaan po si mama?” tanong niya sa amahin.
“Wala, nasa shop pa, maya-maya nandito na rin ‘yon,” tugon naman nito sa kaniya.
Umakyat siya sa itaas at nagbilin kay Edward na akyatan siya ng gamot. Pumayag naman ito matapos makumpirma na mainit nga temperatura niya.
Habang nakahiga’t nakapikit si Jenny sa kaniyang kama ay bigla na lamang niyang naramdaman ang kung anong mabigat na dumagan sa kaniya.
“Huwag kang maingay, matatapos din ‘to. Huwag mo nang subukang sumigaw dahil malalagot sa akin ang ina mo!” pananakot ni Edward habang nakadagan ito sa kaniya at tinatakpan ang bibig niya. Labis na natakot si Jenny at hindi na pumalag pa. Habang si Edward naman ay patuloy na pinagsamantalahan ang anak ng kaniyang kasintahan.
Ngunit ilang sandali lamang ay bigla na lamang pumasok sa silid si Janneth at may hawak itong garapon na siyang ipinukpok niya kay Edward. Parehong lumuluha ang dalawa at agad na lumabas ng silid upang humingi ng tulong.
Agad na dumating ang mga pulis na dumampot kay Edward. Naiwan namang lumuluha ang mag-ina at nag-usap nang maayos.
“Patawad, anak. Patawarin mo si mama,” lumuluhang sambit ni Janneth sa anak.
“Hindi ko matanggap na sinisilipan ka pala ni Edward kaya dumistansiya ako sa’yo upang iiwas ka sa kaniya dahil ayaw kong mangyari ito. Pero nangyari pa rin, kaya patawarin mo si mama, anak ha? Patawad…” paliwanag pa ni Janneth sa anak na nakatulala lamang at umiiyak. Niyakap niya ang kaniyang ina habang patuloy naman na humihingi ng tawad ito sa kaniya.
Napagtanto ni Janneth na hindi tamang paraan ang ginawa niya upang mapalayo ang kinakasama sa kaniyang anak. Puno ng pagsisisi ang kaniyang puso dahil kahit anupamang paraan ang maisip niya ngayon, hindi na niya maiaalis sa isip ng anak niya ang natamo nitong sugat mula sa pananamantala ng lalaking sana’y dati pa niya hiniwalayan.
Ngayon ay pursigido siyang tulungan ang anak na makabangon mula sa sakit ng kahapon. Ilalaan na lamang niya ang kaniyang buong lakas sa pag-aalaga sa anak na kaniyang napabayaan mula nang mawala ang kanilang tunay na haligi ng tahanan.