Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Ginang ang Ugali ng Sundalong Mister na Hindi Sumasagot sa Kaniyang Mensahe; Isang Surpresa ang Gugulantang sa Kaniya

Kinaiinisan ng Ginang ang Ugali ng Sundalong Mister na Hindi Sumasagot sa Kaniyang Mensahe; Isang Surpresa ang Gugulantang sa Kaniya

Labis ang pananabik na nararamdaman ni Emma sapagkat sa wakas ay uuwi na ang asawa niyang si Paul. Makalipas kasi ang halos isang taong pagkakadestino sa Mindanao ay nakatakda nang umuwi ang sundalong mister.

Kaya naman madaling araw pa lang ay patuloy na ang pagpapadala niya ng mensahe rito. Ngunit kahit minsan ay hindi sumagot sa kaniyang text ang asawa.

“Paul, nasaan ka na ba? Bakit hindi ka sumasagot sa mga text ko? Hindi rin kita matawagan!” nag-aalalang saad ni Emma habang naghihintay ng mensahe ng asawa.

Pabalik-balik siya sa paglalakad at hindi mapakali. Hindi niya kasi alam kung bakit ngayon pa hindi ma-kontak si Paul.

Ilang saglit pa ay may kumatok sa pinto ng kanilang bahay. Dali-daling pinagbuksan ito ni Emma. Walang pagsidlan ang kaniyang kaligayahan nang makita ang kaniyang asawa.

“Nakakainis ka talaga! Bakit hindi ka man lang sumasagot kung nasaan ka na? Nasundo sana kita sa paliparan! Akala ko ay mamayang gabi pa ang dating mo?” bungad ni Emma.

“Paanong hindi ako magmamadaling umuwi, e, hindi na makapaghintay ang asawa ko na makita ako. Panay ang text at tawag!” kantiyaw naman ni Paul.

“Tapos, hindi ka naman sumasagot! Alalang-alala na kaya ako sa’yo! Hindi ko na alam ang gagawin ko rito!” sambit muli ng ginang.

“Tandaan mo na sa tuwing hindi ako sumasagot sa mga tawag at text mo ay may surpresang naghihintay sa iyo. Tulad ngayon, narito na ako. Kaya huwag ka nang mag-alala pa dahil uuwi at uuwi ako sa’yo,” wika pa ng mister.

Nang gabing iyon ay naputol na rin ang pangungulila ng dalawa sa isa’t isa. Kung p’wede nga lang na hindi na umalis ulit si Paul at huwag nang magsundalo upang hindi na mag-alala pa itong si Emma.

“Babalik ka pa ba sa Mindanao, Paul? Baka p’wedeng dito ka na lang. Mahirap ang magkalayo tayo, e. Minsan kung anu-anong pumapasok sa isip ko,” wika ni Emma.

“Bakit? Sa tingin mo ba ay magagawa kong mambabae? Hinding hindi ko ‘yun magagawa sa iyo. Nais ko mang manatili sa tabi mo ay kailangan ako ng mga kababayan natin. Kailangan kong magpatuloy sa serbisyo ko. Iyon ang sinumpaan ko bilang isang sundalo. Alam mo naman kung gaano ko kagusto ang trabahong ito,” paliwanag naman ni Paul.

“Pero hanggang kailan? Ang hirap naman kasi nang minsan sa isang taon lang kitang nakikita. Minsan nga naiinis ako sa mga kababayan nating gumagawa ng giyera. Bakit ba tayo naglalaban-laban? Hindi ba nila alam na maraming pamilya ang nasisira nang dahil lang sa pag-aaway? Tingnan mo at hindi pa rin tayo makabuo ng pamilya hanggang ngayon. Paano ko rin papalakihin ang anak natin kung sakali? Paano ko ipapaliwanag sa kaniya na kailangan mong lumayo para lang sa bayan?” kompronta ng asawa.

“Matatapos rin ang lahat ng ito, Emma. Pasasaan ba’t magkakasama rin tayo. Saka kung magkakaanak tayo’y nanaisin mo bang hindi ako hangaan ng anak natin dahil mas pinili kong manatili sa bahay? Hayaan mo na ako sa pagiging sundalo ko. Sinisiguro ko naman sa’yo na gagawin ko ang lahat para manatiling ligtas. Hayaan mo at sa susunod ay hindi na ako sasabak sa gyera at sa kampo na muna ako para makabawi naman ako sa’yo,” wika naman ni Paul.

Kahit paano ay napanatag na ang kalooban ni Emma. Ngunit alam niyang matagal pa mangyayari ang bagay na ito. Wala naman siyang magawa kung hindi suportahan ang asawa.

“Huwag ka nang malungkot dahil narito na nga ako, hindi ba? Kailangan ay walang maaksayang oras ngayon. Sa susunod na buwan ay aalis na naman ako. Pabaunan mo naman ako ng masasayang sandali,” biro pa ng asawa.

Sa bakasyon na iyon ni Paul ay halos hindi na sila mapaghiwalay. Kung saan-saan din sila namamasyal. Sa sobrang kaligayahan nga ng dalawa ay nakalimutan na nila na kailangan pa ring umalis ni Paul.

Makalipas ang isang buwan ay tinawagan na si Paul upang bumalik sa kaniyang destino.

“Huwag ka na lang umalis, Paul. Dito ka na lang sa akin,” saad ni Emma sa mister.

May parte sa puso ni Paul na nais na niyang manatili. Ngunit nanaig pa rin ang pagiging sundalo niya at ang pagmamahal sa bayan.

Kaya tuluyan pa ring umalis si Paul at bumalik ng Mindanao.

“Tatlong buwan lang at sa tingin ko ay matatapos na rin ang lahat ng ito. Uuwi na ako. Makikita mo na lang na nasa harapan mo na ako,” wika pa ng ginoo.

Ngunit sa loob ng tatlong buwan na iyon ay nais surpresahin ni Paul ang asawa. Nakapagdesisyon na kasi siya na sundin na ang hiling nito at tuluyan nang talikuran ang pagiging sundalo. Gusto na rin kasi niyang magkaroon ng anak at manatili sa tabi ng kaniyang bubuuing pamilya.

Makalipas ang tatlong buwan ay inaasahan na ni Emma ang pag-uwi ni Paul. Tulad noon ay hindi na naman ito sumasagot sa mga text at tawag niya. Magkahalong inis at pagkasabik naman ang nararamdaman niya. Hindi na rin kasi siya makapaghintay na sabihin sa asawa ang magandang balita na sa wakas ay nagdadalantao na rin siya.

Hinanda na ni Emma ang paboritong pagkain ni Paul. Nag-eensayo na rin siya kung paano niya sasabihin ang pagbubuntis niya.

Hanggang sa may kumatok sa pinto ng kanilang bahay. Inayos ni Emma ang kaniyang sarili. Nais niyang maging maganda sa paningin ng kaniyang mister.

Dali-dali niyang binuksan ang pinto ngunit laking gulat niyang hindi si Paul ang nasa kaniyang harapan kung hindi ilang sundalo.

“Misis, kailangan po ninyong sumama sa amin. Kailangan n’yo pong lakasan ang loob ninyo. Tungkol po ito sa asawang ninyong si Paul,” saad ng isang sundalo.

Nangangatog na ang mga palad ni Emma. Natatakot siya sa mga susunod na sasabihin ng mga sundalo.

“Nasaan ang asawa ko? Ayos lang ba siya?” hindi na niya napigilan pang umiyak.

Hindi sumagot ang mga sundalo. Kaya sumama na lang siya sa mga ito upang dahil siya sa kinaroroonan ng kaniyang asawa.

Nang huminto ang sasakyan sa isang morge ay alam na ni Emma ang nangyari kaya patuloy na siya sa kaniyang pag-iyak.

“Naghahanda na sa pag-uwi si Major Sarmiento nang paulanan ng bala ng mga kalaban. Hindi siya natakot at pilit siyang nakipagpalitan ng putok. Lumaban siya upang mailigtas ang buhay ng ibang mga sundalo. Ngunit sa kasamaang palad ay nasawi rin siya. Nasawi siya na isang bayani,” saad pa ng sundalo.

Halos mapaluhod itong si Emma nang makita ang walang buhay na katawan ng kaniyang asawa.

“Mahal, akala ko ba ay uuwi ka sa akin? May magandang ibabalita pa naman ako sa’yo! Bakit mo kami iniwan agad ng magiging anak natin?” lumuluhang sambit ni Emma.

Iyon na ang pinakamasakit at pinakamalungkot na nangyari sa buhay ng ginang. Hindi man niya alam kung paano kakaharapin ang pagkawala ng asawa ay kailangan niyang magpakatatag para sa kaniyang ipinagbubuntis.

Habang hawak ni Emma ang kamay ng walang buhay na asawa ay bumulong siya rito.

“Ang sabi mo sa akin kapag hindi ka sumagot sa mga tawag ko ay may surpresang naghihintay sa akin. Pero kahit kailan ay hindi ito ang inaasahan ko, Paul. Walang kasing sakit ang pagkawala mo! Sayang at hindi mo na naabutan pa ang magiging anak natin. Pero kahit na wala ka na ay mananatili kang buhay sa alaala ko. Ikukwento ko sa anak natin ang katapangan at kabayanihan mo. Mahal na mahal kita, Paul. Maraming salamat sa mga sandaling nakasama kita. Ako na ang bahala sa magiging anak natin,” pamamaalam ni Emma sa asawa.

Wala na ngang sasakit pa sa nangyari kay Emma, pero batid niyang masaya na rin ang kaniyang asawa kahit nasaan man ito dahil hanggang wakas ay ginampanan nito ang kaniyang tungkulin bilang isang matapang na sundalo.

Advertisement